"MATAGAL na kitang napatawad, Calem," mahina kong wika. Kumalas ako ng yakap at hinawakan ang magkabilang pisngi niya. Ngumiti ako sa kabila ng patuloy na pagluha. "Huwag mo nang alalahanin ang lahat ng iyon dahil napatawad na kita."
Alam kong ginawa niya lamang iyon para sa akin. Naipit lamang siya sa sitwasyon. Hindi niya kayang mamili nang hindi isinasama ang kaniyang emosyon at nararamdaman noong mga oras na iyon. Hindi niya kaya na pati ako ay mawala sa buhay niya. Galit siya sa pamilya ni Savion na siyang ama ng dinadala ko.
Natakot siya. Ako lamang ang tanging pinaghahawakan niya kaya wala siyang ibang pipiliin kung hindi ako, ang kambal niya, ang kabiyak ng kaniyang buhay.
Tinitigan ko siya habang tinutuyo ang luha sa pisngi niya gamit ang kamay ko, puno pa rin iyon ng takot at pighati.
"Simula nang umalis ka ay hindi ako tumigil na hanapin ka, Ashtrea. Halos nilibot ko ang buong Exo Losairos upang mahanap ka. Nais kong hingin ang kapatawaran mo kahit hindi mo iyon ibigay. Paulit-ulit kong hihingin. At natakot ako na.. muli mong kunin ang buhay mo.. dahil.. tinapakan ko pa ang durog mong puso."
Umiling ako, mapait na ngumiti. Sumasakit ang puso ko sa usapang ito.
"Tinangka ko, ngunit hindi akin ang buhay na ito. Hindi ko ito kayang bawiin. Hindi maaari." Bumuntong hininga ako. "Sa kabila ng lahat ng nangyari ay kinaya ko, Calem. Kinaya ko," may bakas ng saya at pagmamalaki.
Marahan siyang tumango at ngumiti. "Masaya ako na kinaya mo, kambal ko. Masayang-masaya ako na nandito ka ngayon sa harapan ko. Muli akong tinatanggap sa buhay mo."
Muli niya akong niyakap at pinatakan ng halik ang noo ko dahilan upang mapapikit ako.
Walang dahilan upang hindi ko siya tanggapin sa buhay ko dahil pamilya ko siya. Pareho kaming nagdusa sa lahat ng nangyari, pareho kaming nagluksa para sa mga nawala sa amin. Pareho kami ng naging kapalaran.
Kung hindi niya piniling ibigay ang buhay ng aking anak sa akin ay hindi ko alam kung paano niyang kakayanin ang lahat. Kung ako rin ang nasa sitwasyon niya noon ay siya ang pipiliin ko dahil siguradong mauubos ako kung maging siya ay mawawala. Hindi ko kakayanin. Mababaliw ako.
Ang kaibigan niyang diwata ang gumawa base sa desisyon niya. Ibinigay niya ang buhay na nasa aking sinapupunan sa akin. Ang kakakayahang tanging ang diwatang iyon lamang ang nakakaalam. Ang diwatang may mataas na katungkulan at may kulay rosas na buhok. Ang diwatang alam kong tinatangi ng aking kambal.
Maaari rin niyang iligtas ang anak ko dahil patay na ang katawan ko. Maaari niyang ibigay ito sa sinapupunan ng iba upang mabuhay ito. Ngunit hindi pinili ni Calem.
Ang bagay na iyon ang naging dahilan upang magalit ako sa kaniya. Durog na durog ang puso ko at halos agawin na ang natitira kong katinuan. Kaya umalis ako sa pangakong hinding-hindi ko siya mapapatawad.
Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unting naglaho ang galit ko. Hindi ko kayang magtagal iyon sa nag-iisa kong pamilya na handang gawin ang lahat para sa akin.
"Masaya rin ako na kinaya mo, Calem," wika ko kasabay ng isang ngiti. "Kahit iniwan kita. Salamat dahil kinaya mo." Bumitaw ako sa kaniya at hinalikan ang kaniyang pisngi. "Patawad dahil iniwan kita sa gitna ng ating pagdadalamhati."
Hinawi niya ang buhok ko at umiling, lumabas ang maginhawang ngiti sa labi. Na tila wala na ang lahat ng bigat. Na kahit ilang beses kong ihingi ng tawad ang pag-iwan sa kaniya ay paulit-ulit niya ako patatawarin.
Nawala ang atensyon ko sa kaniya nang marinig ang mahinang langitngit ng isang gamit. Nilibot ko ang paningin sa kabuuan ng kanilang tahanan hanggang sa magawi ang paningin ko sa isang batang lalaki na hindi kalayuan sa amin. Nakatayo sa likod ng isang upuan, tila nagtatago ngunit mariing nakatitig sa amin.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
ФэнтезиAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...