NAKATINGIN ako sa madilim na kalangitang puno ng mga nagniningning na bituin habang nakikinig sa mga kwento ni Calem tungkol sa lahat ng nangyari matapos ko siyang iwan sa teritoryo ng mga diwata kung saan nila kami dinala noong tinakasan namin ang nangyari sa palasyo. At kung paano niyang nalaman na mayroon pa palang isang buhay, si Asheer.
Naging mahirap din ang pinagdaanan niya tulad ko. Maraming pasakit ngunit sa kabila ng lahat ay kinaya niya dahil nasa tabi niya si Asheer. Tinuring niya itong tunay na anak, ibinuhos niya ang pagmamahal na kaya niyang ibigay. At lubos ko iyong ipinagpapasalamat sa kaniya.
Simula nang magkaisip ang bata ay ipinaintindi na niya rito ang lahat, na tiyuhin siya nito at hinahanap niya ang kaniyang kapatid na siyang ina ng bata. Naintindihan at tanggap naman ng bata kahit hindi niya alam ang buong kwento kung bakit nga ba wala ako. Maganda ang pagpapalaki ni Calem sa kaniya.
Wala akong kaalam-alam na matagal na pala siyang naghihintay na makita at makasama ako. Nasasaktan man para sa mga nalaman ay masaya pa rin ako na sa wakas ay nagkita na kami.
Hindi ako umalis sa tabi niya kanina hanggang sa tumahan siya, nagkwento ng kaunti tungkol sa naging araw niya at kung paano siyang naging masaya na makita ako, sobra pa ang papuri niya sa akin na maganda nga talaga ang kaniyang ina. Hanggang sa makatulog siya ay nakinig lamang ako ng maigi para wala akong makaligtaan.
"Ano na ang plano mo ngayong nalaman mo na may anak ka pala? Ngayong magkasama na kayo ni Asheer," wika niya makalipas ang mahabang katahimikan sa pagitan namin.
Napaisip ako, hindi agad nakasagot. Ano nga ba ang plano ko ngayon?
"Hindi ko pa alam. Sa ngayon ay gusto ko lamang makasama ang aking anak." Bigla ay sumagi sa isipan ko si Saia, ang isa ko pang anak na iniwan ko kay Clara habang nandito ako.
Mahina akong bumuntong hininga at napatitig sa kawalan. Nakaupo kami ngayon sa isang mahabang upuan na inilabas ni Renzo rito sa harap ng kanilang tahanan dahil dito ko gustong makipag-usap kay Calem. Payapa at maraming nakasabit na parol sa paligid kaya maliwanag. Sariwa rin ang simoy ng hangin kaya nakakapag-isip ako ng mabuti.
"Kung gusto ni Asheer dito ay maaari ko namang dalhin dito si Saia," wika ko pa. Maayos na ang lahat para sa amin. Wala na akong mahihiling pa sa kapayapaan ng aking puso ngayon.
Hindi na kami maaaring bumalik sa kahariang kinagisnan namin kaya kahit saan kami manirahan ay ayos lamang. Basta kasama ko ang mga anak ko ay masaya na ako.
"Saia?"
Agad akong napalingon sa kaniya, kunot na kunot ang noo niya sa pagtataka kaya napangiti ako.
"Ang aking anak, pansamantala ko siyang iniwan sa aming tirahan habang patungo ako rito."
"Anak?! May isa ka pang anak, Ashtrea? Paano? Ilang taon na? Sino ang kaniyang ama?"
Natawa ako sa ekspresyon niya. Hindi maintindihan kung magugulat ba, magtataka o magagalit.
"Isang Vanya ang kaniyang ama, si Amaro. Nakikilala ko ito noong nanirahan ako sa kaharian ng Farianio." Hindi pa ako tapos ay muli na siyang nagsalita.
"Nasaan siya ngayon? Hindi ko inaakalang magmamahal ka ulit matapos.. niya."
Umiling ako at umiwas ng tingin. "Naging kaibigan ko lamang si Amaro, Calem. Kasama niya ang isang sanggol noong makilala ko siya, wala na rin ang ina nito dahil namatay sa panganganak. At may malubha siyang sakit noon kaya bago siya sumakabilang buhay ay ibinilin niya sa akin si Saia." Huminto ako at napatitig sa kamay ko. "Ilang buwan pa lamang matapos ang lahat ng nangyari bago ko nakilala si Amaro kaya sariwa pa sa akin ang lahat. Palagi niyang ibinibilin sa akin ang sanggol noon dahil minsan ay hindi niya kayang alagaan. At simula nang ituring ko bilang sariling anak si Saia ay unti-unting naghilom ang sugat sa puso ko. Binigyan niya ako ng panibagong pag-asa na mabuhay. Isa siya sa mga dahilan kung bakit ko kinaya." Hindi ko mapigilang maging emosyonal habang inaalala ang mga araw na iyon. Mabait si Amaro kaya naging kaibigan ko siya, isa pa ay noong una ko pa lamang siyang makilala ay alam kong may mali sa kaniyang kalusugan.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasiAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...