Author's Note:
Pasensya na sa matagal na pag-update. Tinapos ko lang po ang I KNOW WHO KILLED ME para mas mabigyan ko ng panahon ang kwentong ito.
Sana mabasa nyo rin ung IKWKM, na may 13 Kapitulo lang kaya madaling matapos...
X|S
---------------------------------------------------------------------------------------------
Ilang araw na ang nakakalipas ngunit wala pa ring natatanggap na impormasyon ang pamilya Moral ukol sa pagkawala ni Dino. Wala silang magawa kundi maghintay na lang sa resulta ng imbestigasyon ng mga pulis. Ayon sa kanila, nagtungo na daw sila sa mga lugar at kakilala na maaaring puntahan ni Dino, ngunit wala roon ang binatilyo.
Hindi makayanan ni Lerma na maghintay na lang. Gabi-gabi siyang nagdadasal sa ating Panginoon upang magbalik na ang kanyang anak. Sa umaga nama'y nagdidikit silang mag-iina ng mga larawan ni Dino sa iba't-ibang lugar. Tumulong na rin ang kanilang mga kakilala at kapitbahay, maging ang mga kamag-aral ni Dino sa paghahanap sa kanya.
Habang wala sa bahay ay iniiwan ni Lerma ang anak na si Dian sa kanilang kapitbahay na si Aling Ester. Bago umalis ay maghahanda muna siya ng makakain nito, saka niya dadalhin ang bata sa tindahan ng matanda. Sa gabi na niya sinusundo si Dian matapos ang buong araw ng paghahanap.
---------------------------------------------------------------------------------------------
Ngayong araw ay kailangang mamili ni Aling Ester sa palengke, pero wala ang anak nitong si Cleo kaya isinama na lang niya si Dian sa pag-alis. Ayaw naman niyang iwanan ang bata kung kanino lang dahil sa kanya ito ipinagkatiwala. Kaya nararapat lamang na bantayan at alagaan niya ito kahit saan man siya magpunta.
Kasalukuyan siyang namimili ng mga panindang tsitsirya nang hindi niya napansing napahiwalay sa kanyang tabi si Dian.
"Dito ko lang siya iniwan…" nag-aalala niyang sabi sa kanyang sarili. Naroon siya sa gilid ng nasabing tindahan kung saan dapat na naghihintay si Dian, ngunit wala ito roon.
Agad siyang kinabahan kaya nilibot niya ang mga lugar na pinanggalingan nila kanina. Sabi ng mga tinderang nakausap niya, kasama daw niya si Dian kanina pa. Kaya maaaring bumitaw ito nang patungo na sila sa tindahan ng mga tsitsirya. Bumalik siyang muli sa tindahang iyon para magtanong-tanong pati na rin sa mga kalapit nitong mga tindahan.
"Ah, yung po bang batang babae na kasama ninyo kanina…" sagot ng isang babaeng tindera ng mga gulay.
"Oo, yung nakatali ang buhok, nakasuot ng dilaw na bestida…" tugon niya sa kausap.
"…nakita ko po siya kanina nagpunta po doon oh…" sagot nito sabay turo sa mahabang daang patungo sa kabilang bahagi ng palengke ng Karuhatan.
"Salamat sa'yo ha…" tugon niya rito at agad siyang lumakad paalis, "…anong gagawin ko ngayon kung di ko siya makita?" aniya na talagang alalang-alala na sa kanyang alaga.
Diniretso ni Aling Ester ang mahabang daan patungo sa kabilang bahagi ng palengke. Nang makarating sa dulo noon ay agad niyang napansin ang isang nakatikod na batang babae, na nakaupo sa harap ng isang ice cream shop.
BINABASA MO ANG
May Rain's Tears
RomanceHanggang kailan ka maghihintay sa pagbabalik ng iyong minamahal? Panghahawakan mo ba ang kanyang pangako o hahayaan mo'ng lunurin ka ng iyong pangungulila? ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro