MULING pinagmasdan ni Ella ang malaking kuwadro ng larawang nakasabit sa punong dingding ng hagdan matapos iyong alisan ng alikabok gamit ang malaking duster at folding stair. Isa iyong lumang ipinintang life-sized na larawan ng isang guwapong lalaki. Noong nabubuhay pa ang kanyang lolang isang taon nang namamahinga ay iyon ang kauna-unahang bagay na nililinis nito sa bahay na iyon tuwing umaga.
Bago ito nalagutan ng hininga ay isa iyon sa napakaraming ibinilin nito. Tuwing umaga raw ay huwag niyang kalilimutang alisan ng alikabok ang kuwadrong iyon. Doon niya napagtanto kung gaano kahalaga para kay Lola Felicita ang lalaki sa larawang iyon kahit hindi nito sinasabi sa kanya.
Herminio Sandoval. Iyon raw ang pangalan ng may-ari ng lumang mansyon na iyon na siyang iniwan sa kanya ng kanyang abuela nang yumao ito. Hindi niya maiwasang isipin na marahil ay ang lalaking iyon ang dahilan kung bakit hindi nag-asawa ang kanyang lola. Kung bakit ay isang malaking misteryo sa kanya.
Hindi si Lola Felicita ang tunay niyang lola kundi si Lola Aurelia na nakatatandang kapatid nito. Tiyahin lang ng kanyang ina si Lola Felicita. Wala itong naging asawa at anak kung kaya hindi rin nagkaroon ng sariling apo. Inamot tuloy siya nito nang yumao ang kanyang Lola Aurelia. Ito na rin ang gumabay sa kanya nang maagang sumakabilang-buhay ang kanyang ina nang dahil sa isang aksidente sa daan. Lumipat siya sa bahay nito noong katorse anyos siya at doon na nanirahan kasama ng kanyang ama.
Iniwan rin siya ng kanyang ama nang makipagsapalaran ito sa Maynila upang maghanap ng trabaho at nang may maipadala sa probinsiya para sa kanilang mag-lola. Ngunit hindi lang trabaho ang nahanap nito roon. Makalipas ang tatlong taong pamamalagi roon at pag-uwi sa probinsiya nang madalang ay nag-asawa itong muli ng isang babaeng taga-Maynila. Ganunpaman ay hindi naman nito kinalimutan ang obligasyon sa kanya. Pinadadalhan pa rin siya nito ng pera buwan-buwan para sa pantustos sa mga pangangailan nilang mag-lola. Ang ikinalulungot lang niya ay tatlong beses lang ito sa isang taon kung magpakita sa kanya simula nang mag-asawa ito.
Nang yumao ang kanyang lola ay pinaluwas siya ng kanyang ama sa Maynila ngunit tumanggi siya. Hindi kasi niya alam kung paano siya makikisama sa bagong pamilya ng kanyang ama. Isa pa ay nakapagbitiw siya ng pangako kay Lola Felicita bago ito pumanaw. Ipinapangako nito sa kanya na hindi siya aalis sa lumang bahay na iyon kahit ano ang mangyari. Mayroon pa itong mga ibinilin na labis niyang ipinagtaka ngunit inayunan na lang niya.
Napabuntunghininga siya at naisipang haplusin ang larawan. Hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin niya alam kung sino ang lalaking iyon sa buhay ng kanyang lola. Walang ring nakaaalam kung paano ito napadpad sa bahay na iyon at sa lugar na iyon. Ayon kasi sa kuwento ni Lola Aurelia sa kanyang ina ay naglayas raw sa kanilang bahay si Lola Felicita noong disinueve anyos ito.
Nagtampo raw kasi ito sa mga magulang nang pagbuhatan ito ng kamay ng ama nito dahil namatay raw ang mga alagang manok nila nang dahil rito. Nahaluan raw ng lasong kemikal ang naipakain nito sa mga manok na siyang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga ito. Wala raw nakakaalam kung saan nagtungo ito. Dalawang taon raw ang lumipas bago natagpuan ito sa mansyon ng pinakamayamang lalaki sa liblib na bayan ng San Carlos na karatig-lugar nila.
Nabalitaan ng mga magulang ni Lola Felicita na isang taon na raw ang nakararaan nang umalis na roon ang mayamang hacienderong may-ari ng mansyon. Ibinenta raw nito ang malaking lupain nito sa San Carlos maliban sa mansyon kung saan natagpuan ng mga ito si Lola Felicita at ang isang babaeng kasama nito na nagngangalang Milagros.
Hindi raw ito sumama sa mga magulang nito nang yakagin na umuwi na sa kanilang bahay. Hindi raw ito aalis sa bahay na iyon kahit na ano ang mangyari. Wala raw itong sinabing dahilan kung bakit ayaw nitong umalis sa bahay na iyon. Hindi rin nagsalita si Milagros. Ipinagpalagay na lang ng mga ito na pinagbilinan si Lola Felicita ng may-ari ng bahay na bantayan ang mansyong iyon kaya ayaw nitong umalis roon.
BINABASA MO ANG
My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2
RomanceA year after Ella's grandmother passed away, a man named Geoff showed up at her doorstep. May hawak na katibayan ang lalaki na ito ang may-ari ng bahay at lupa na tinitirhan ni Ella at ng kanyang yumaong lola. Si Don Herminio pala na namayapang lolo...