Prologo

8 1 0
                                    

PROLOGO

"S-SINO KA?" Wika ng babae nang biglang may pumasok sa kanyang kwarto na naka-itim na damit at nakasumbrerong pyeltero.

"Mamamatay ka rin lamang kaya magpapakilala na ako sa iyo," wika nito at agad inalis ang itim na telang tumatakip sa mukha nito.

Agad na nanlaki ang mga mata ng babae at naglakad ng paatras dahil nakita niya mula sa ilaw ng lampara ang isang punyal na mahigpit na hawak ng lalaking iyon.

"A-Ano ang ginawa ko sa iyo upang balakin mo akong patayin?" Wika ng babae na uutal utal na habang nanginginig ang buong katawan dahil sa takot. Malakas na rin ang tibok ng kanyang dibdib at malamig na ang mga palad. Hindi niya alam kung sisigaw ba siya o tatakbo lalo na't nahaharangan ng lalaki ang pinto.

"Ikaw? Wala kang ginawa sa akin pero ang asawa mo ay mayroon," wika nito. Agad na napa-atras ang babae dahilan para mabunggo ang silya na kinauupuan niya kanina habang nagtatahi ng imahe ng agila sa panyo na ibibigay niya sa kanyang anak.

"N-Ngunit-"

Hindi natapos ng babae ang sasabihin nang bigla na lamang siya nitong sugurin ng punyal at madiing tinarak ang matulis na punyal sa puso ng babae. Ngitngit na ngitngit ang mga ngipin kasabay ang igting ng panga nito.

"B-Bakit mo ito g-ginawa sa akin," nahihirapang wika ng babae na bumubulwak na ang malapot at mapulang dugo galing sa bibig nito.

"Sapagka't ang iyong asawa ay walang puso. Ipapatikim ko sa kanya kung gaano kasakit mawala sa isang iglap ang mahalagang bagay na buong buhay ko ay aking pinangarap," wika nito at mas matalim pa sa punyal ang mga tingin nito sa babaeng nahihirapan.

Pinilit ng babaeng abutin ang lalaki upang sabunutin o saktan ito kahit na malala na ang kanyang sitwasyon pero ang sombrero lamang nito ang nahulog sa sahig at tanging pag-ngisi lamang ang gumuhit sa mga labi ng lalaki.

Hindi akalain ng babae na magagawa ito ng taong nasa harapan niya. Hindi man lang sumagi sa isip niya na mayroon pala itong agam-agam at balak na paghigantihan ang kanyang asawa.

"M-Magbabayad ka sa g-ginawa m-mo," huling salita nito bago biglang hugutin ng lalaki ang punyal na walang awa niyang itinarak sa dibdib ng babae dahilan upang manlaki ang mga mata nito. Nawalan ng lakas ang babae at agad na napahiga sa sahig na nakadilat ang mga mata habang umaagos ang dugo sa kanyang bibig at sa puso.

"Hindi ko pagbabayaran ang aking nagawa. Isa lamang itong pagsisingil sa ginawa ng iyong asawa. Malas mo lamang at ikaw ang sumapo noon," nakangising wika nito.

Nagmistulang pula ang sahig at naliligo sa dugo ang babae ng iwan ng lalaki.

Intruder Of The DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon