The Adventure of Sleeping Beauty
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 15
Unedited...
"Malakas ang ulan, dito ka na matulog," sabi ni John Jacob na hinawi ang kurtina at tumingin sa labas. Hindi naman bahain ang area nila pero alam niyang sa ibang lugar ay medyo malalim na ang tubig sa kalsada.
"Hinihintay na ako ng lolo ko," sagot ng dalaga at lumapit sa bintana. Madilim na sa labas at nagkakaroon na rin ng trapik.
"Tawagan mo si Lolo, sabihin mong hindi ka makakauwi dahil delikado at sa bahay ng kaibigan mo ikaw natulog."
Isinara ni Hael ang kurtina dahil sabay na kumulog at kumidlat. Mabuti na lang dahil hindi siya takot. Ang ibang bata, takot sa kidlat dahil baka raw matamaan. Napakunot ang noo niya nang pagharap niya kay John Jacob ay nasa sahig na ito at napasiksik sa sofa at takot na takot ang mukha.
"Ano ang ginagawa mo?" tanong ni Hael. Nakakatawa na nakakaawa ang hitsura nito eh ang laki pa naman ng katawan.
"H-Huh? Ahh... H-Hinahanap ko lang ang cellphone ko," sagot ni Jacob at dumapa para makita kung nasa ilalim ng sofa ang cellphone. "Nasaan na ba 'yon?" bulong niya at pasimpleng sinulyapan si Hael na nakatingin lang sa ginagawa niya.
"Nasa center table naman ang cellphone mo!" sabi ng dalaga sabay turo sa cellphone.
Napatingin si Jacob sa center table at nang makita ang cellphone ay pasimpleng tumayo at kinuha ang cellphone.
"Akala ko nahulog," sabi niya saka binuksan ang cellphone.
"Bakit takot ka?"
"Hindi ako takot! Saan?" tanggi ng binata at sinamaan siya ng tingin.
"Hmp? Sure ka? Kasi 'yong mukha mo parang nakakita ng multo."
"Multo ka diya--shit!" bulalas niya at napayakap sa sofa nang gumuhit ang ilaw ng kidlat sa bintana nila. Kahit makapal ang kurtina, kitang-kita pa rin niya.
"Takot ka sa kidlat?" napangiti na tanong ni Hael.
"H-Hindi ah!" tanggi ni Jacob saka umayos na sa pagkaupo. "Parang kidlat lang--shit!"
Tumawa si Hael. Confirmed! Takot talaga si Jacob sa kidlat.
"Ang tapang mo kanina sa bus terminal tapos ngayon sa kidlat lang, ang duwag mo tingnan!" Sasakit yata ang tiyan na sa kakatawa. Ngayon lang siya nakatagpo ng lalaking duwag sa kidlat. At sa height nitong 6'1", nagmumukha itong duwag na bakulaw.
"Huwag kang tumawa! Walang nakakatawa!" Sumeryoso ang mukha ni Jacob habang sinasaksak ng matatalim na mata ang dalagang kaharap.
Galit siya kay Hael! Siya lang ang babaeng pinagtawanan at ininsulto siya ng ganito!
"Eh kasi, ang cute mo tingnan!" natatawa pa ring sabi ni Hael.
Tumahimik si Jacob at nakatitig lang sa dalagang napapahawak sa tiyan dahil sa kakatawa. Naiinis talaga siya rito pero nawiwili siyang pagmasdan ang mukha nitong masaya. Araw-araw kasi, palaging natutulog ito. Ne minsan ay hindi pa niya ito nakitang tumawa. Ngumiti pero hindi tumatawa.
Tumigil si Hael sa pagtawa nang mapansing mataman na tinititigan siya ni Jacob. "B-Bakit?" nailang tuloy siya.
"Wala. Naiinis ako sa 'yo dahil pinagtawanan mo ako pero ang sarap mong pagmasdan kapag tumatawa." Honest lang siya. Totoo namang ang cute ni Hael tingnan. "Mas lalo kang gumaganda."
Lihim na napangiti siya nang mapansing namumula ang pisngi ni Hael at naiilang sa kaniya.
"T-Tapos ka nang mangbola?" tanong ni Hael. Lahat naman ng lalaki ay ganiyan ang mga linya pero bakit ngayong si Jacob ang tumira, natatamaan siya? Bakit parang gusto niyang maniwala na maganda nga siya?
"Hindi lahat ng linyang paulit-ulit na sinasabi ng mga lalaki ay pambobola na. Nagkataon lang talaga na iyon ang tamang linya para purihin ka," sagot ni Jacob. Kailan pa siya nambola ng mga babae? "Tawagan mo si Lolo, ipapaalam kita."
"Wala akong load," sagot ni Hael.
"May load ako kaya tawagan mo siya," alok ni Jacob at iniabot sa kaniya ang cellphone. "Akin na nag number niya para ipaalam kita."
"Huwag!" tanggi ni Hael. Malilintikan siya kapag malaman nitong lalaki ang kasama niya. "Uuwi na lang ako para hindi na siya mag-alala."
"Mas mag-alala siya kapag uuwi ka pa dahil delikado sa daan!"
"Jacob naman! Uuwi na ako," naiiyak na pakiusap niya. Sanay naman ang lolo niya na hindi siya umuuwi sa gabi basta nagpapaalam lang siya kung saan siya magtatrabaho. Ang ikinabahala lang niya ay makakasama niya si John Jacob.
"Hindi nga ako papayag. Dalawa ang kuwarto at may mga damit naman diyan kaya gamitin mo na. Hindi naman ako tatabi sa 'yo. Isa pa, hindi kita gagahasain!" Napipikon na siya. Wala ba itong tiwala sa kaniya? Wala pa siyang pinilit na babae para lang makasiping niya. Marami ang may gustong tumabi sa kaniya pero wala pa siyang natitipuhan. Bakit ba? Mataas ang respeto niya sa kaniyang katawan para lang ipagamit ito sa iba. Hindi naman siya kagaya kay LL na kahit sino ay tinitira.
Walang kawala si Hael nang kinuha ni Jacob at cellphone niya kaya siya na ang kumausap sa lolo at sinabing sa bahay ng kaklase matutulog dahil nagpapaturo ito sa kaniya.
"Puwede mong gamitin ang lahat ng gamit na makikita mo sa kuwartong ito. Lahat naman ay bago," sabi ni Jacob nang buksan ang kuwarto na tutulugan ni Hael.
Panlalaki ang silid pero napansin niyang may pink hair brush at ponytail sa ibabaw ng dresser.
"Kay Jaffy 'yan, naiwan niya," sabi ni Jacob nang mapansin na nakatitig si Hael sa gamit na naiwan ni Jaffy.
"Sinong Jaffy? Ang may gusto kay JM?"
"Yes, naiwan niya ang ilang gamit niya nang tumira siya rito," sagot ni Jacob. Naging disaster ang buhay niya noong kasama niya si Jaffy. Ang lakas mang-akit. Mabuti na lang dahil hindi pa siya tuluyang nasiraan ng tuktok.
"Ah..." Hindi na si Hael nagtanong pero nagtataka siya. Bakit parang naiinis siya dahil may nauna na palang babaeng nakatulog sa kamang ito? Sino ba ang may gusto? E nanliligaw raw si Jacob pero kung sinu-sino na lang ang pinapatulog sa unit nito.
"Maiwan na kita. Sa kabilang silid lang ako kung kailangan mo ako," paalam ni Jacob. Mahirap na dahil baka isipin pa nito na may binabalak siyang masama kapag tumagal pa siya. Kahit paano, gusto niyang huliin ang kiliti ni Hael at makuha ang loob nito.
"Salamat sa lintik na kulog at kidlat," bulong ni Jacob habang palabas ng kuwarto. Gusto sana niyang dito matulog kasama si Hael pero titiisin na lang niya ang takot. Makapal naman ang comforter niya para may panangga kung sakaling pasukin siya ng kidlat.
"Ilan kaya ang babaeng napatulog niya rito?" tanong ni Hael sa sarili nang makalabas na si Jacob at naupo sa malambot na kama. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya makakahiga sa ganitong kama. Kulay khaki ang kurtina, katerno ng sofa at kama. Ang punda ng mga unan at comforter ay kulay puti. Sa right side ng kama ay nandito ang babasaging table. Sa paanan ng kama ay ang dresser na may iba't ibang pabango.
Lumapit siya sa cabinet at naghanap ng maisusuot saka pumasok sa napakalinis na bathroom na may malaking bathtub.
-----------------
" Baron!" bulalas niya nang makita ito sa labas ng bahay nila.
"May gagawin ka, Hael?" tanong ng binata at iniabot sa kaniya ang hawak na bulaklak. Himala, nakaporma ito at hindi kulay itim ang suot pero may hikaw pa rin sa pagkabilang tainga.
"Para sa akin?" tanong niya.
"Hindi, para sa lola mo!" pilyong sabi ng binata at hinalikan siya sa pisngi.
"Para sa amin ni Lola Pasing!" natatawang sabi niya at inamoy ang puting rosas.
" Puwede. May gagawin ka? Pasyal tayo," yaya ni Baron.
"Palagi na lang akong gumagala," biro niya. Kung sabagay, dito lang naman siya gumagala dahil sa totoong mundo, trabaho lang siya nang trabaho. "Na-miss kita." Ilang araw rin naman siyang hindi nakapunta rito.
"Sobrang na-miss kita, Hael. Kahit na kahapon lang tayo muling nagkita," sagot ni Baron kaya napangiti si Hael. Ibig sabihin, magkarugtong pa rin ang panaginip niya.
Alas diyes na ng umaga sa relo niya kaya alam niyang buong araw silang magsama ni Baron dahil gabi siya natutulog at walang makakaistorbo.
"Ilagay ko lang 'to sa loob para mamamasyal tayo," paalam niya at mabilis na tumakbo papasok sa loob ng bahay para ilipat ang bulalak sa flower vase na nasa gitna ng kanilang mesa.
"Aalis ka?" tanong ng lola niya na kakalabas lang ng kusina.
"Opo."
"Sinundo ka na naman ng kasintahan mo? Ang bata mo pa yatang lumandi?" tanong ng matanda.
Hindi makasagot si Hael. Paano ba niya maipaliwanag na hindi niya alam kung paano siya nakarating sa mundong ito? Basta ang alam lang niya, masaya siya kasama si Baron.
"Mahal mo ba siya?" seryosong tanong ng matanda.
"Opo," pag-amin ni Hael kaya ngumiti ang matanda.
"Paano kung hindi kayo magkatuluyan niyan?" Natigilan siya sa tanong ng lola. Malamang, ito nga ang mangyayari dahil hindi naman sa mundong ito siya nabubuhay.
"H-Hindi ko ho alam basta ang alam ko lang, masaya ako kapag kasama ko siya," sagot ni Hael at napahawak sa kuwentas na ibinigay ni Baron.
"Saan mo nakuha 'yan? Bigay ba niya 'yan?" tanong ng matanda na nakatutok ang mga mata sa kuwentas niya.
"O-Opo..."
"Isangla natin!"
"Ayaw!" sagot ni Hael at mahigpit na hinawakan ang kuwentas na para bang may paparating na snatcher. Basta hindi niya ibibigay.
"Umalis ka na ngang bata ka! Mabuti na lang dahil makakatipid ako ng sinaing!" ani Pasing at bumalik na sa kusina.
Dumaan sila sa isang boutique at bumili si Baron ng damit na susuotin niya para maging disente tingnan ang suot niya. Nakapambahay pa kasi siya.
Palabas na sila ng boutique nang tumigil si Baron kaya napatigil din si Hael at sinundan ang mga mata nito.
"Hi, nandito pala kayo?" tanong ng dalaga na makakasalubong nila.
Napatulala si Hael sa kagandahan nito. Maliit ang mukha, manipis ang mga labi, matangos ang maliit na ilong at ang pupungay ng mga mata. Bumagay pa rito ang medy maalon at kulay mais na buhok. Gandang kabigha-bighani na kahit sino ang makakitang binata ay mapapalingon. Ang una't huling pagkita nila ay noong iligtas niya ito sa pabagsak na kuryente sa racing area.
"Hi," bati ni Hael pero si Baron ay hindi pinapansin ang bestfriend.
"Nagkita tayo muli, Hael!" masayang sabi ng dalaga at nakipagbeso-beso sa kaniya.
"Oo nga," sagot ni Hael.
"Pasensya ka na kung wala akong pasalubong dahil kanina lang ako nakarating at babalik ulit sa ibang bansa bukas," paumanhin nito.
"Okay lang," sagot ni Hael.
"Nasaan ang buhok mong syota?" tanong ni Baron.
"Huwag mo ngang tawaging bugok ang hubby ko! Mahal ko 'yon!" depensa ng dalaga at sinimangutan si Baron. Nasira na ang araw niya.
"Bugok pa rin siya!" giit ni Baron.
"Kahit ano pa siya, mahal ko siya!"
"Wala akong pakialam!" sabat ni Baron. Hindi na umiimik si Hael. Nagseselos siya dahil naramdaman niyang mahal pa ni Baron ang babaeng kaharap.
"Dapat lang! Nandito naman si Hael kaya mahalin mo siya!"
"Mahal ko naman talaga siya!" ani Baron saka hinila palayo si Hael at pinasakay sa itim na sports car nito.
"Mahal mo pa siya?" mahinang tanong ni Hael kaya pinabagalan ni Baron ang pagmaneho.
"Mahal kita kaya huwag kang magselos sa kaniya."
"Hindi ako nagseselos!" Ayan, tumaas ang boses ni Hael.
"Psh! E di hindi na kung hindi. Basta huwag mong isipin na mahal ko pa siya dahil naging bestfriend ko lang siya."
"Hindi ba pwedeng magbati na lang kayo?" Mabait naman ang dalaga kaya alam niyang hindi lang sila nagkaintindihan. Mabait nga ba? Well, para sa kaniya, oo. Pero kung sa ibang tao siguro ay hindi.
"Huwag na nating pag-usapan!"
"Bakit ba galit ka kay Lee?" nagtatakang tanong ni Hael. Napasulyap siya sa mga kamay ni Baron na nasa manibela. Halatang ayaw nitong marinig ang pangalan ng huli.
"Dahil mang-aagaw siya!" puno ng hinanakit na sagot ni Baron. "Hindi lang ang mga kaibigan ko ang inagaw niya kundi pati na rin ang babaeng unang minahal ko!"
"W-Wala na ba talagang chance na magkabati kayo?" tanong niya.
"Wala na!" Natahimik si Hael. Ramdam niya ang galit sa boses ni Baron. "Lalo na't mukhang aagawin na naman niya ang babaeng pinakamamahal ko," dagdag nito na labis na ipinagtaka ni Hael.
"S-Sino?"
"Ikaw, Hael!"
BINABASA MO ANG
The Adventure of Sleeping Beauty
AventuraHindi niya alam kung saan nagsimula ang lahat. Hindi niya alam kung totoo ang mga nangyayari sa panaginip niya, pero isa lang ang sigurado ni Hael, mahal niya ito! Mahal niya ang lalaking nakikita niya sa kaniyang panaginip, si Baron! Pero ang pinak...