Kabanata 2

120 14 11
                                    

HINDI na kailangan pang tingnan at pag-isipan ni Timo ang kaniyang gawa sapagkat maging siya ay hindi niya maintidihan kung bakit ganito na lamang ang kinahinatnan ng kaniyang ipininta. Nais lamang niyang ipahiwatig ang kaniyang nararamdaman at isiwalat ang kaniyang pangarap na kahit na kakaiba ay hindi siya nahihiya. Sa unang pagkakataon mula nang matuto siyang gumuhit, ngayon lamang gumaan ang kaniyang pakiramdam.


Marahil ay noon, nagpipinta siya upang magpasikat sa mga tao, upang sabihing magaling siya at may talento ngunit iba ang sitwasyon ngayon, ito ang unang beses siyang gumuhit tungkol sa kaniyang sarili at para sa kaniyang sarili lamang.


Iniligpit na ng binata ang lahat ng kaniyang mga gamit kahit hindi pa man natatapos ang ibinigay na oras sa kanila ng propesor. Nilinis niya ang lalagyan ng pintura at sinawsaw ang paintbrush sa tubig upang matanggal ang kumapit na kulay doon.


Tiningnan niya ang kaniyang mga klase. Bilang nasa likuran siya, kita niya ang lahat ng mga gawa ng mga ito. Hindi na siya nagulat nang makita niyang isa sa mga ito ang gumuhit ng isang tanawin ng dagat na halatang matatagpuan sa ibang bansa, may gumuhit rin ng mukha ng tao tulad ng minamahal na hindi pa nakikita, mga lalaking pilyo na nagpinta ng katawan ng mga babae at iba pang malaswang larawan.


Iba-iba man ang mga ito ngunit may pagkakaiba pa rin ito sa isa't isa--ang lahat ng kaniyang mga kaklase ay gumamit ng mga matitingkad na kulay, senyales na nais nilang maging maliwanag at malinaw ang itsura ng kanilang mga pangarap habang si Timo, puno ng madidilim na kulay ang kaniyang gawa.


Gayunpaman, hindi siya nakakaramdaman ng takot sapagkat wala namang masama sa kaniyang gawa. Hindi naman siguro siya pangangaralan ng kanilang propesor dahil lamang ang pangarap niyang mamatay.


Ilang sandali pa lamang, nakuha ang atensyon ng lahat nang malakas na isinira ng matandang dayuhan ang kaniyang binabasang libro at inilapag ito sa mesa. Sa parehong pagkakataon rin iyon, natapos na ang palugit sa oras na ibinigay nito sa klase.


"Time's up, artists! Finish or unfinish! Put your paintbrushes down, leave your canvas and get out of this room immediately. Your art exam is done and you will get your results three days from now. Whoever got the highest grade according to the criteria set will be given a chance to receive a scholarship or all paid trips to Europe, this is depending on the partnership with your university abroad. For now, clean your area and I will give you five minutes for that."


Mabilis naman ding gumalaw ang lahat upang ligpitin ang kaniya-kaniyang mga gamit. Sa lahat ng mga naging bisita nilang dayuhang propesor, ngayon lamang sila nakatagpo ng ganito kahigpit. Marahil ay hindi nito ugali ang pagiging palabiro. Walang nakaangal nang utusan sila nitong lumabas nang hindi man lamang binibigyan ng pagkakataong ipaliwanag rito ang gawa ng bawat isa.


Pagkatapos maglinis ni Timo, nauna na siyang lumabas ng silid nang hindi man lamang nililingon ang kaniyang obra. Batid niyang kakaiba ang kaniyang gawa kung kaya't hindi na siya magugulat kung hindi ito maiintindihan ng dayuhang propesor. Magkagayunman, hindi na rin siya aasa pa. Kahit papaano'y gumaan ang kaniyang loob dahil sa unang pagkakataon, ngayon lamang siya naging totoo sa kaniyang sarili.


Sinalubong si Timo ng samu't saring estudyante mula sa magkaibang departamento ng kanilang unibersidad, animo'y mga langgam ang mga ito na nag-uunahan sa paglalakad sa pasilyo sapagkat dapit-hapon na at pauwi na ang lahat, maliban sa kaniya.

Legend of the World BelowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon