♥ Noong Mahal Pa Kita ♥
By: MyHiddenFrozenTears
~~~~
Tandang-tanda ko pa noon, bata pa lang ako, una kong naramdaman kung paano lumikot ang puso ko. Paano ba naman, yun yung unang beses kitang nakita. Nakakapagtaka nga kasi sa dinami-dami ng taong nakapaligid sa atin, ikaw lang yung tanging napansin ko. Ano ba kasing meron sa'yo? Ni hindi ka nga masyadong gwapo noon eh. Ni hindi pa rin kita kilala. Isa lang ang natatandaan ko sa'yo, ang medyo chubby at cute mong mukha. Simula noon, hindi na kita makalimutan. Tanong ko pa sa sarili ko, "Kailan kaya ulit kita makikita?" Di ko alam kung swerte lang talaga ako kasi nakita ulit kita. Naka-uniform ka noon. Sa ibang school ka pala nag-aaral kaya minsan lang dumating ang pagkakataon na makita kita. Matapos noon, mas lalo kitang gustong makilala. Hanggang sa nalaman ko ang pangalan mo, sobrang saya ko dahil sa wakas, hindi na lang basta mukha ang alam ko sa'yo. At nagtuloy-tuloy na nga na nalaman ko ang ibang bagay na tungkol sa iyo at natutuwa ako sa mga nalaman ko. Elementary pa lang ako nang magsimulang mangyari ang lahat pero hanggang ngayon tandang-tanda ko pa.
Tumuntong ako ng high school, ikaw pa rin. Kahit may mga nagugustuhan akong iba, ikaw at ikaw pa rin ang higit sa kanila. Nasubaybayan ko kung paano ka nagbago. Kung paano nag-improve ang lahat ng tungkol sa'yo. Kung paano ka gumwapo at kung paano dumami ang mga tagahanga mo. Sino ba naman kasi ang hindi hahanga? Halos lahat ng hilingin ng isang babae nasa iyo na. Hindi ko na iisa-isahin lahat dahil kung sakaling mabasa mo ito, baka mapirat ka na lang bigla (Flattered Much). Minsan pa nga, gumagawa ako ng mga paraan para malaman mo na, 'Hello! Nag-eexist ako!'. Kahit magmukha akong ewan, okay lang. Hindi naman ako nabigo dahil nakilala mo ako. Oo, masaya ako. Di mawawala yun. Matagal na nga kasi kitang pinapangarap diba? Pero sana hindi mo na lang ako nakilala at sana hindi na lang kita nakilala. Nalaman ko na lang kasi bigla na may gusto ka palang iba. Kahit pa sabihing high school pa lang ako, hindi lingid sa kaalaman ko na mas higit pa sa paghanga ang nararamdaman ko para sa'yo. Oo, Mahal na nga kita. Sarap magmura. Bakit kasi sa maling pagkakataon pa? Dapat pala matagal ko nang pinigilan, dapat pala matagal ko nang kinalimutan at dapat pala matagal na kitang tinanggal sa sistema ko pero wala eh. Para kang tuko na nakakakapit dito sa letseng puso ko.
At hanggang dumating ang pagkakataong hindi ko na nga napigilan ang sarili ko. Shet naaalala ko na naman kung paano ko inipon ang lakas ng loob ko. Umamin ako sa'yo. Hindi nga lang direktahan dahil gusto ko pang mabuhay. Baka kasi mabuwal na lang ako bigla kung aamin ako sa'yo nang harap-harapan. Ang hirap pa naman magsalita kapag kaharap kita at kita ko ang mukha mo nang 3D at High Definition Quality. Para bawas suspense at kaba, nagpost ako sa isang site nang isang korni, at mukhang timang na sulat. Love-Letter na ring matatawag pero Hi-tech version nga lang. Di ko alam kung tama ba ang naging desisyon ko kasi marami ang nakabasa at marami ang nakaalam.
May mga natuwa at may mga na-curious kung sino daw ako. Kamusta naman kasi yung pag-amin ko diba? Hindi naman kasi ako nagpakilala. Parang tanga.
Ilan lang ang nakakaalam kung sino ako, mga malalapit na kaibigan ko pa. Pero alam ko na dadating ang araw na malalaman mo din kung sino ako. At nalaman mo nga. Kasi kahit papaano, inamin ko na rin sa'yo. Takte hiyang-hiya ako! Kala ko galit ka pero sabi mo,
'Bakit naman ako magagalit? Di naman yun masama ah. Ok lang. Mga normal lang sa teenagers yan. '
Parang nabunot lahat nang patay na buhok ko. Sarap sa pakiramdam. Hindi ka pala katulad nang iba. Irereject ka na, kakamuhian ka pa. Wala na. Wala na talaga. Magpapagawa na ako nang libingan ko. Patay na patay na talaga ako sa'yo. Wengya naman oh! Pero habang patagal nang patagal, pasakit din nang pasakit. Bakit? Wala eh. Na-Friendzoned lang talaga ako.
Hanggang sa mag-college na tayo at dumating yung oras na umalis ka, sa ibang lugar ka na kasi mag-aaral. Kainis! Matagal na ulit bago kita makita. Kaya eto ako, hinihintay lagi ang pagbalik mo. Nakakainip. Sobrang nakakainip. Nagpaka-busy ako sa mga bagay-bagay para hindi kita maisip. Ang hirap kasi. Para akong naghihintay nang barko sa airport. Alam ko wala akong mapapala pero hala sige lang.
Isang araw nabalitaan ko, break na daw kayo ng girlfriend mo. Nagulat ako. Nakakapagtaka lang kasi. Bakit kayo naghiwalay? Mahal na mahal mo sya diba? Lagi mong sinasabi sakin yan. Pati mga plano mo sa future nyo sinasabi mo sa'kin. Pero bakit nagkaganun? Imbes na matuwa ako, nalungkot ako. Hindi para sa sarili ko kundi para sa'yo. Imbes na magdiwang ang mga lamang-loob ko, nanatili lang na kalmado. Kasi alam kong malungkot ka. Ayaw kong maging kasiyahan ko ang kalungkutan mo.
Sinikap kong ipagsiksikan sa isip ko na kalimutan na kita. Matapos ang ilang buwan kong paghihintay, dumating ka. Nakakayamot! Nakakaasar! Nakakairita! Unang tingin ko pa lang sa'yo, wala pa ring nagbago. Taena. Ganun pa rin. Hindi pa rin mawala ang pagmamahal ko sa'yo. Naghuhuramentado pa rin ang tibok na tae kong puso. Anak ng tokwa naman oh! Paano ba ako makakawala nito?
Pero may tiwala ako sa sarili ko na makaka-move on din ako. Hindi naman kita kakalimutan. Ang pagmamahal ko lang sa'yo ang kakalimutan ko. Para kahit papaano, may maikukuwento ako sa magiging anak at apo ko.
Sa proseso nang pagmomove on ko, pina-realize nang mga tao sa paligid ko na hindi lang ikaw ang lalaki sa mundo na makakapagpasaya sa akin. Na walang kasiguraduhan ang paghihintay ko. Na wala rin akong mapapala kung patuloy pa akong aasa sa na titingnan mo rin ako katulad nang pagtingin ko sa'yo. Na marami na ring nabigo dahil di ko sila binibigyan nang pagkakataon na palitan ka sa trono mo. Narealize ko din na... mas mabuti na nga lang na ganito. Na itigil na lahat nang ilusyon ko. Na dapat isipin ko rin ang realidad. Dito ako naliwanagan.
Napapangiti na lang ako bigla pag naaalala ko lahat. Kung paano ako kiligin pag ngumingiti ka. Kung paano ko pigilin ang paghinga ko pag sumasayaw ka. Kung paano ako mabaliw sa pag nakikita ka. Oo, kuntento na ako dati sa ganon. Tamang tingin lang. Tamang nangangarap lang. Salamat pala sa lahat ng kilig ha? Kaso... may hangganan nga ang lahat. Kaya eto na. Nakamit ko na ang pinakainaasam-asam ko. Ang makaget-over sa'yo. Tama, naka-move on na ako. Grabe! Achievement to!
♥ ♥ ♥
Pinagmamasdan ko ngayon ang kalangitan na tambak ang stars. Kanina ko pa pinagdudugtong ang mga constellations na nakikita ko. Di rin ako nakatiis, binuo ko rin ang pangalan mo sa huling pagkakataon. Napangiti na ulit ako.
Naaalala ko na naman ang mga nangyari noon... noong mahal pa kita.
BINABASA MO ANG
Noong Mahal Pa Kita...
Short StoryPara kay ano na minahal ko DATI. :) ~~~~ Oo.. dito na nagtatapos ang lahat. Actually 2014 ko pa nagawa 'to. Ngayon ko lang na-post. :)