Kabanata 3

278 18 42
                                    

ILANG mga masasamang salita muna ang narinig ni Timo mula sa kaniyang kasama bago nito napagpasyahang kainin ang expired na cup noodles na ngayo'y umusok na sa kanilang harapan. Pumwesto ang dalawa sa isang bakanteng mesa sa labas ng tindahan at magkabilaang umupo. Madaling araw na at walang kustomer kung kaya't silang dalawa na lamang ang naroon sa tindahan. Kanina pa kumukulo sa gutom ang tiyan ni Timo kaya siya ang unang tumikim ng niluto nitong dalawa.


Hinipan ng binata ang kaniyang pagkain bago ito sinubo. Ngumingiwi pa si Cassandra habang nakahalukipkip na nakatingin sa kaniya na tila ba'y hindi natutuwa sa nakikita.


"Ilang expired na pagkain na rin ang naubos ko, huwag kang mag-alala, hindi naman 'to nakamamatay," pangungumbinsi niya sa dalaga.


Kinuha ni Cassandra ang kaniyang tinidor at binuksan ang lalagyan ng cup noodles. Sinilip niya ang laman nito, tinansya ang itsura at amoy ngunit wala naman siyang napansing kakaiba. Hindi na siya nagdalawang-isip pa at tinikman ito.


Bahagya pang napaso ang kaniyang dila dahil sa init. Agad naman ring gumalaw si Timo nang mapansin iyon.


"Hipan mo muna kasi," paalala ni Timo sabay lapag ng bote ng tubig sa harapan ng dalagita.


Imbes na inumin ang tubig, tiniis ni Cass ang hapdi ng kaniyang dila at muling sumubo. Marahan niyang nginuya iyon na animo ba'y ito ang unang beses niyang nakakain ng cup noodes. Hindi naman ito ang unang pagkakataong niyang makatikim ngunit ito ang unang beses niyang kumain ng expired na cup noodles. Tumango-tango siya nang hindi nagtagal ay nagugustuhan na niya ang lasa.


Sinipat niya pa ang kasama niyang lalaki na ngayo'y naiinganyo sa kaniyang kinakain. Ilang taon na niyang kilala si Timo, kahit na hindi sila palaging nagkikita, at tuwing hatinggabi lamang sila kung nakakapag-usap, kilalang-kilala na niya ito kaya hindi na siya magugulat kung itong cup noodles na kinakain nila ngayon ang tanging laman ng tiyan ng binata sa araw na ito. Si Timo ay halos pitong taon ang tanda sa kaniya ngunit minsan niya lamang itong tinatawag na "kuya" dahil gusto niyang makitungo rito sa kung paanong paraan niya gusto.


Base sa kanilang edad, dapat galangin niya ito ngunit hindi iyon ang kaniyang ipinapakita.


Pinagmasdan ni Cassandra ang binata habang hinihigop nito ang sabaw ng kaniyang kinakain. Napailing siya. Hindi naman ganoon kasarap ang kanilang kinakain ngunit habang tinitingnan niya ang binata, hindi niya maintindihan kung bakit kuntento na ito sa simpleng cup noodles lamang.


"Alam mo, ayaw kitang maging boyfriend,"wala sa sariling pag-amin ng dalagita.


Nasa kalagitnaan ng pag-inom si Timo nang marinig iyon kung kaya't nabilaukan siya dulot ng pagkagulat. Napaubo siya ng ilang beses at hindi makapaniwalang ibinaling ang tingin sa kaniyang kaharap.


"Anong sinasabi mo?"


Nagkibit-balikat si Cassandra at nagpatuloy sa pagkain.


"Wala, sinasabi ko lang na ang malas ng magiging girlfriend mo. Kapag may date kayo, saan sa tingin mo siya dadalhin? Dito sa convience store namin? Tapos anong ipapakain mo sa kaniya? Expired na cup noodles? Kung manliligaw ka sa'kin, siguradong hindi kita sasagutin."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 27, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Legend of the World BelowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon