Chapter 60- Pagsapit ng Bukang-liwayway

129 3 0
                                    

"Sa oras na malalaman nilang patay na ang Supremo ay agad silang titigil sa anumang ginagawa nila. Yun ang pamamaraan nila para magluksa. Bukod pa roon ay nawalan sila ng tinitingalang kataas-taasan—na siyang nagbibigay sa kanila ng direktang kautusan—at pansamantalang mawawalan sila ng direksyon. Kaya habang ginagawa nila yon, ay samantalahin niyo na ang pagkakataon para dalhin at i-akay ang mga sugatan at patay niyong kasamahan papalayo. Tanging mga kasama niyo lang ang madadala niyo, iwan niyo na sakanila ang sakanila. At wag na wag kayong magtangkang labanan sila. Alalahanin niyo ang bilang ninyo sa bilang nila. Gawin niyo yan habang wala pang malay si Ton-Ton. Dahil malamang sa malamang, siya ang papalit kay Erwin bilang Supremo. Yun lamang ang tanging paraan niyo para makatakas. Mauuna na ako sa inyo para hindi ako mahalata...magkikita nalang tayo mamaya."

Ito ang paalala ni Sherley kay Lim bago pang mangyari ang pagpapakamatay ni Macario sa mismong harapan nila ni Teresita.

Tumigil ang lahat ng kaguluhan noong narinig nila ang napakalakas at nakakabinging sigaw mula kay Teresita. Patuloy ang pag-hagulgol nito sa harap ng mga labi ng kanyang ama. Inagaw nito ang atensyon ng buong paligid at tuluyang napatahimik ang mga ingay na nagaganap kani-kanina lang. 

Dinampot ni Lim ang baril sa kamay ng wala nang buhay na si Macario at inangat ito.

"Patay na si Erwin! Patay na ang Supremo ninyo. Kaya magsitigil na kayo sa ginagawa niyo at hayaan kaming umalis." Sigaw niya pa sa mga miyembro ng Leones Solis.

Sinunod niya ang payo ni Sherley gayong kakaunti na lamang sa kanila ang may-kaya pang lumaban. Hindi niya ikukompromiso ang buhay ng kanyang mga kasamahan para hulihin ang mga sangkot sa insidenteng ito.

May mga iilan pa ang tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Erwin upang kumpirmahin ang pagpanaw nito habang sinimulan na ng mga kasamahan nina Lim ang pag-akay sa kanilang mga sugatan at patay na kasamahan.

"Tahan na, Teresita...dalhin na natin ang papa mo sa mas ligtas na lugar." Pag-suyo pa ni Lim sa patuloy na humahagulgol na si Teresita.

inalalayan at binuhat na ng ilan nilang kasama ang mga labi ni Macario papalayo habang hindi pa nakakabalik sa ulirat ang mga miyembro ng Leones Solis. At gaya ng pinayo ni Sherley kay Lim, ay sinamantala na nga nila ang pagkakataon.

Tinungo rin ni Zach ang noo'y sugatan na si Lopez para akayin ito papalayo.

Muli ay binaling ni Lim ang kanyang mga mata sa mga natirang miyembro ng Leones Solis. At nagulat siya nang makita ang blangkong ekspresyon sa mga mukha nito—na para bang kinalasan ng kaluluwa ang kanilang mga katawang-lupa kasabay ang pagpanaw ni Erwin.

Isang nakakakilabot na senaryo ang kanyang natatanaw lalo na't halos nagmistula na lamang mga istatuwa ang mga ito habang nakatayo sa gitna ng kagubatan.

Noon ay napagtanto niyang tama nga ang sinabi ni Sherley. Malalim nga ang pagluluksa ng mga ito sa tuwing namamatayan sila ng pinuno.

Ipinagpatuloy lamang nila ang pag-alalay sa kanilang mga kasamahan sa pag-aakalang mapayapa na silang makakaalis ng kagubatan...

Hanggang sa muling pagkakataon ay may bumasag sa katahimikan—nang makarinig sila ng pagkasa ng baril mula sa kanilang likuran.

Ang Pagkawala Ni Teresita GomezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon