Sa Panulat ni Prinsipe Lazir
Minsan dumarating tayo sa tagpong akala natin lahat ng masaya ay laging nagtatapos na masaya. Akala kasi natin habang buhay tayo pwedeng pasiyahin ng mga bagay at tao na nagpapangiti sa atin. Masyado kasi tayong umasa at naniwala sa nararamdaman natin kaysa sa kung ano yung nasa isip natin.
Kaya tuloy kapag nasaktan na tayo saka natin tatanungin kung ano ang mali at kung saan tayo nagkulang. Pero aminin natin na hindi naman talaga tayo pwedeng magsisi sa una dahil hindi natin hawak ang mga pwedeng mangyari. Na noon masaya ka at ngayon bigla ka nalang hinulugan ng isang malaking "falling star" mula sa langit para ipaalala sa'yo na may mali sa mga nangyayari.
Di'ba nga kapag "in love" tayo eh akala natin simple lang ang mga bagay. Na kahit anong oras pwede tayong mapangiti dahil sa "kilig" na pinaparamdam sa atin ng espesyal na taong nagmamahal atin. Nakakatawa man pero alam natin na minsan nagiging baliw tayo sa pagmamahal. Sabi mo pa nga minsan, sana siya na ang "forever" mo. Nakakatawa pero maniniwala ka bang wala naman talagang "forever" para sa mga taong hindi kailanman naging handa na magmahal at mahalin.
Kaya heto, kapag nasaktan na tayo eh parang akala natin lahat ng bagay kaaway na natin. Bigla nalang nating maiisip na kung bakit kung kailan handa na tayong magmahal saka pa tayo makakaramdam ng takot. Takot na baka iwanan niya tayo kahit pa alam nating kung gaano niyo kamahal ang isa't-isa. Guguho nalang ang mundo natin na minsan sabay nating binuo kasama siya at sila. Iiyak nalang tayo na parang bata na nadapa at nasugatan ang tuhod.
Bakit nga ganun? Sa una halos hindi natin gustong malimutan siya sa paraang bigla siyang mawawala pero ngayong nasaktan tayo ng pagmamahal eh parang ayaw na nating gumalaw. Parang pakiramdam natin katapusan na ng mundo kahit pa iisang tao lang naman ang nakasakit sa atin. Mali di'ba? Mali na bigla nating sisisihin ang nakaraan dahil sa hindi na tayo ang kasama niya. Sasabihin nalang natin sa sarili natin na naloko tayo, na tayo ang naiwan at nawalan.
Ang totoo, kapag naman nasaktan tayo ng pagmamahal eh hindi naman natin sinisisi ang sarili natin. Dahil tayo mismo ang pumili nito. Kaya hindi tayo pwedeng magmukmok at paulit-ulit na tanungin ang sarili natin kung bakit tayo naiwanan. Hanggang sa darating tayo sa puntong gusto nating malimutan ang lahat na para bang may sakit na "Amnesia" ang puso natin na wag lang maalala ang lahat. Pero kasi hindi natin madidiktahan ang isip natin gaya kung paano tayo napasunod ng puso natin. Ang mabuti ay tanggapin nalang natin na hindi na tayo ang taong minahal niya, na dumaan lang siya. Aalis siya pero hindi nangako na babalik. Hindi ka makakalimot sa sakit dahil tanggapin natin na "Walang "Amnesia" ang "Love". Tuturuan ka lang niyang tumanggap kaysa ang makalimot...