HINDI AKO NA-LATE SA PANGHAPON NA KLASE DAHIL HINATID NA RIN AKO KAAGAD NI SALATIEL SA BENIDES BAGO TULUYANG MAUBOS ANG ORAS. Habang nasa sasakyan, nahihiya ako sa kaniya dahil sa mamahaling restaurant niya ako dinala para sa simpleng tanghalian.
Siya iyong nagbayad at sa totoo lang, ganito pala ang pakiramdam na nabusog ka pero wala ka naman naiambag sa kinain mong mamahalin na pagkain. Nakakahiya na kapag nililibre niya kami ng mga kaibigan ko sa BH, pero hindi hamak naman na mas nakakahiya itong ngayon.
Pakiramdam ko ay puro hiya na lang talaga ang kaya kong maramdaman. Nag-uumapaw kaya hindi ko rin kayang hindi pansinin. Kahit pa nakangiti lang si Salatiel habang palabas kami, hiyang-hiya pa rin ako sa kaniya.
Ano kaya ang iniisip niya tungkol sa akin? Iniisip kaya niya na nakakainis dahil wala man lang akong inambag sa bayad? Kung mag-aambag man, bente pesos lang. Iyon lang kasi ang kaya ko. O baka naman iniisip niya na ang pangit ko kasamang kumain sa labas dahil wala man lang akong pera.
“Thank you for having a lunch with me, Cereal. This means a lot to me.” Malawak ang pagkakangiti niya nang nilingon ako.
Uminit ang mukha ko at kaagad na itinaas ang mga kamay para sa hindi pag-sang-ayon. “Hindi, hindi... ako dapat ang magpasalamat dahil binayaran mo ang kinain ko.”
Sandali siyang nagulat at para bang hindi makapaniwala na sinabi ko iyon. Kumurap pa siya habang nakatitig sa mukha ko. Para naman akong unti-unti nang kinakain ng sementong tinutungtungan namin dahil sa nakakahibang na hiya.
Bigla kong tinakpan ang mukha ko para mawalan siya ng access. Hiyang-hiya na talaga ako sa kaniya. Pumayag akong kumain kasama siya dahil akala ko makakain ko iyong baon kong tanghalian. Pero nang nakita kung saan niya ako dinala, umurong bigla ang lakas kong ilabas ang baunan kong may kanin at ulam na pritong itlog.
Nakalimutan ko yata ng ilang oras na magkaiba nga pala kaming dalawa.
“Why are you covering your face?” Naaaliw ang kaniyang boses.
Sinilip ko siya sa gitna ng mga daliri kong nakabuka. Natawa lang siya sa ginawa ko, pero nasa mga mata ang pagkamangha. “Nakakahiya kasi. Sorry, lagi mo na lang akong sinasalo.”
Inangat niya ang kanang kamay at sa gulat ko, bigla na lang niyang ni-pat ang ulo ko. Natulala ako sa ginawa niya. Isa iyon sa bagay na hindi ko inasahang gagawin niya sa akin. Sobrang marahan na nag-pat siya habang pilit sinusupil ang kaniyang hindi maitagong ngiti.
“Cute mo talaga...”
Napakurap ako, sunod-sunod. Bahagyang nakababa ang leeg ko dahil sa intensidad ng pag-pat niya sa ulo ko. Simpleng bagay lang naman iyon. Pero ewan ko ba, pakiramdam ko ay inaangat ako sa lupa. Kumakabog din ang puso ko sa hindi ko maipaliwanag na dahilan.
Hindi ko magawang alisin ang tingin sa kaniya. Hindi ko rin agad namalayan na naibaba ko na pala ang mga palad ko paalis sa aking mukha. Lumitaw ang mga ngipin ni Salatiel nang mas malawak siyang ngumiti.
“Huwag kang mahiya. Mas nakakahiya kung may gusto akong ibigay tapos ayaw mong tanggapin. Nakakawala ‘yon ng angas.”
Sinimangutan ko siya. “Mas nakakahiya kaya sa part ko...”
“Huwag ka ngang mahiya.” Sinimangutan niya rin ako pabalik. Kalaunan ay natawa na lang ako dahil ang kulit niyang sumimangot. “I was really happy when you agreed to eat lunch with me. Akala ko hindi ka papayag...”
“Bakit naman?”
“Siyempre, ikaw ‘yan, e.” Nakatitig si Salatiel sa mga mata ko, hindi umiiwas. “Mailap ka.” Saka siya ulit ngumiti.
Muntik na akong mapakapit sa batok ko. Ganoon ba talaga ang tingin niya sa akin? Napapansin ko nga sa sarili ko na pagdating sa kaniya, may kakaiba sa akin. Parang... malaki agad ang nagbago kahit hindi ko pa naman siya ganoon kakilala.
BINABASA MO ANG
Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)
Ficción GeneralALIMENTATION SERIES #4 Cereal is sure of how she really feels for Salatiel. She loved his every naughty smiles and manly laugh. She could feel pure attraction for him but was she willing to fight for the man recognized by many as a criminal who kill...