“Nakwento sa ’kin ni Lotty, lilibre mo raw siya fries. Babawi ka ba? Dapat lang, tagal mong nawala. Dapat linawin mo na ngayon para hindi na naguguluhan ’yung tao sa ’yo. Kahit ngayon lang . . . makinig ka naman sa ’kin, Mary.”
Isang mabigat na buntonghininga ang kumawala sa baga ko habang pinakikinggan ang paulit-ulit na paalala sa ’kin ni Kuya Jean. Kahit hindi pa man ako nakakasagot ay ibinaba ko kaagad ang tawag at tila pagod na yumuko sa ibabaw ng lamesa.
Ilang minuto na rin ang nakalipas nang makapasok ako sa loob ng paborito naming puntahang fast-food chain sa Malolos. Ilang minuto pa lang pero pakiramdam ko sobrang bilis ng oras, marahil sa mabilis na pagtibok ng puso ko.
Pakiramdam ko tuloy, sobrang pagod ang katawan ko. Naalala ko noong sinabi ko kay Lotty na siya ang mundong nakikita ko, dagdag pa ’yung sinabi kong siya ang pahinga ko sa nakakapagod na mundo. Pero nitong mga linggo, pakiramdam ko unti-unti nang nagbabago. Nakakapagod. Paanong naging iisang tao ang pahingang hinahanap ko at ang mundong nagpapahirap sa ’kin? Hindi ko maintindihan.
Siguro totoo ngang ang pag-ibig mismo’y gayuma. Hindi na bago sa simula ’yung mga bagay na masarap sa pakiramdam, tulad na lang ng kiliting nararamdaman sa tuwing nagpapalitan ng mabulaklaking mga salita o ng biglaang pagbagal ng oras kapag magkasama kayong dalawa. Parang araw-araw, may nagliliparang paruparo sa loob ng tiyan mo. Hindi mapakali. Lagi siyang iniisip. Ulit-ulit sinasabing ikaw lang . . . araw-araw at palagi.
Pero sa oras na magising ka sa mga mala-panaginip na pangyayaring ’yon, reyalidad ng bangungot ang sasalubong sa ’yo: Ang mga hindi maiwasang pag-iisip. Pagseselos. Insecurities. Iyong dating biglaang pagbilis ng tibok ng puso dahil sa kilig at kaba kapag nariyan na siya, napalitan ng ibang kaba dulot ng takot at pangamba — gaya ng nararamdaman ko ngayon . . . ngayong kita ko mula sa inuupuan ang unti-unti niyang paglapit sa pwesto ko, hanggang sa isang kurap, mahigpit na ang yakap niya sa ’kin.
“Na-miss kita!” ani Lotty, rinig pa ang tila nabibiyak nitong boses habang nakasubsob sa dibdib ko.
“Na-miss din kita.” Ilang tapik ang ibinigay ko sa ulo niya habang patuloy pa rin ang yakap niya sa ’kin. Kung hindi pa ako umimik, hindi pa siya kakawala.
“Akala ko hindi ka na magpaparamdam. Tinakot mo ’ko! Kung may gumugulo sa isip mo, handa naman akong makinig. Nakakainis ka pero ito pa rin ako. Gago ka pero mahal kasi kita, Mary.” Pagkatapos n’on hinampas-hampas niya ang dibdib ko na parang walang nakakakitang ibang tao sa ’min.
Nailing na lang ang ulo ko habang kaharap si Lotty; hindi pa rin siya nagbago, bokal pa rin siyang magsalita — bagay na nagustuhan ko sa kaniya noon. Mas babae siya kumpara sa akin pero siya ang unang nanligaw sa ’kin, at sa paraang bokal niya nakuha ang loob ko. Pero ngayon, natatakot ako. Dahil sa sobrang bokal niya, baka kung ano ang masabi niya sa ’kin.
“Nagugutom ka na ba?”
Isang ngiti ang iginawad niya sa ’kin.
Sa pagkakataong din ’yon, lumapit kami sa counter atsaka bumili ng pwede naming kainin — ang paborito niyang fries, cheesy burger atsaka float. “Dapat nagtubig ka na lang instead float,” paalala ko lagi sa kaniya kapag sobrang unhealthy ng mga kakainin namin, baka makasama kasi. Kaso hindi naman siya nakikinig kaya madalas sa minsan hinahayaan ko na lang.
“Ang saya ko talaga kapag kasama ka, sana ganito na lang palagi.” Patuloy pa rin ang pagnguya ni Lotty ng pinagsamang burger at fries. Samantalang ako hawak-hawak ang isang baso ng iced tea habang pinagmamasdan siya. Grabe! Ang ganda niya pa rin. Hindi man pang-model pero pang sa ’kin.
Pero sa kabila n’on, hindi ko maiwasang mapaisip. Magkaharap na kami. Magkasama na ulit. Isang pitik na lang, tapos na ang kanina pa gumugulo sa isip ko. Ang sikip sa dibdib. Malalim. Nakakalunod.
Kung hindi ko pa maramdaman ang pagtapik ni Lotty sa ibabaw ng kaliwang kamay ko, hindi ako makakabalik sa huwisyo. Agad dumiretso ang mga tingin ko sa mata niya, kumpara sa kaninang pinaghalong masaya at pag-aalala na itsura nito, ngayon para na itong nagsusumamo.
“Mahal mo pa ba ako?”
Para akong biglang tinamaan ng kidlat.
Gusto kong sumagot pero hindi ko alam kung paano — marahil naguguluhan pa rin ako. Pwedeng mahal ko pa siya pero nahihirapan ako sa sitwasyon ko o wala na akong pag-ibig sa kaniya’t pinahahalagahan ko na lang ang pinagsamahan namin?
Gusto kong sabihin sa kaniya na hindi masyadong nagbago ang pagtingin ko sa kaniya — ako lang talaga.
Pero sa huli, hindi ako nakasagot.
Isang buntonghininga lang ang pinakawalan niya sa hangin at nakangiting nagpatuloy sa pagkain. Ilang sandali lang ang lumipas, naisubo na niya ang huling pirasong fries na binili ko.
“Tapos na,” sabi niya.
Tayo — iyon ang ginawa namin pagkatapos ng ilang minutong pahinga. Sabay kaming lumabas mula sa kainan pagkatapos ng isang mahabang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Tumunog na lang ang kampana ng cathedral malapit sa pinanggalingan, hindi namalayan na sa paglingon ng ulo sa gilid, wala na siya sa tabi ko.
FIN. 2021.
BINABASA MO ANG
Ang Surprise Mong Fries (wlw)
Short StoryONE SHOT - HOMO | 'Yung dating biglaang pagbilis ng tibok ng puso dahil sa kilig at kaba kapag nariyan na siya, napalitan ng ibang kaba dulot ng takot at pangamba - gaya ng nararamdaman ko ngayon . . . ngayong kita ko mula sa inuupuan ang unti-unti...