Do'n ko lang napansin ang buong all-black outfit niya—plain T-shirt, long fitted pants, at high-cut branded sneaker shoes. Bago pa man din siya makapagsalita, inunahan ko na siya. "Leave me alone."
"Woah, woah, woah," sagot niya habang tinataas ang parehong kamay niya sa ere. Mas lalo lang naging nakakabuwisit ang ngisi niya. "Chill ka lang, puwede?"
Tuloy-tuloy lang ako nagligpit at hindi siya pinansin. Pero ewan ko ba rito kung ba't sobrang manhid niya at talagang di siya umalis sa harap ko. Okay lang naman na kausapin niya ako, to be honest, pero mas gusto ko sa isang lugar na hindi makikita ng orgmates ko. Malayo sa tsismis, malayo sa mga tanong, malayo sa magulong mundo.
Pero wala talaga siyang balak. "Hey—"
"Wala naman tayong dapat pag-usapan." And I'm better off knowing na hindi ka nag-e-exist.
"Tinawag ko talaga 'yung meeting para ma-confirm kung ikaw nga," bigla niyang pag-amin . . . na sana hindi na lang dahil ang babaw ng rason.
"Ha? Inistorbo mo silang lahat para makumpirmang ano?"
"Na ikaw ang executive secretary, tulad ng sabi sa letter na 'to." Saka niya pinakita ang PDF na letter na pinadala ni Desiree sa org nila gamit ang phone niya. Ini-zoom pa niya sa pangalan ko.
"FYI, hindi umiikot ang mundo sa 'yo. Nagpatawag ka ng meeting for final preparations kung kailan prepared na lahat at halos wala ka sa lahat ng meetings?"
"Nando'n ako sa last."
"At proud ka ro'n?"
"Nagkakataon kasi na may exam ako kada nagse-set kayo ng meeting. Alangan namang magpa-espesyal ako, kaya si Eliza ang pinapapunta ko. Kaya nga 'yung nakaraang meeting, do'n ko nalaman na taga-LALS ka. Nagulat lang ako na officer ka na sa second year mo."
"Share mo lang?" masungit kong sinabi. "At? May mali ba kung officer na ako?" Madalas kasi, ang officers ay nasa third year na, pero nanalo ako dahil mas bet ako ng mga juniors na back-up ang pagtakbo ko. Active din kasi ako talaga sa org at di ako nakaka-miss ng activities. Nakitaan pati nila ako ng "potential," whatever that means.
"Wala. Teka, ba't ang taray mo? Gusto ko lang talaga makita kung kumusta ka na. Huwag mong sabihin—"
"Ang childish mo," naiirita kong sagot habang patayo sa kinauupuan ko. Sakto namang naligpit ko na lahat ng gamit ko kaya balak ko na umalis. Sa totoo lang, gusto ko tanungin kung bakit niya ako gustong kumustahin, pero mapapahaba lang ang usapan, at hindi ko 'yon gusto. Plus, nando'n pa 'yung ibang officers sa loob room. For sure, may nakarinig na sa usapan namin. Ayokong marinig nila dahil . . . hello? Sino ba namang gustong makarinig na nagpatawag ng meeting 'tong immature na lalaking 'to para may ikumpirma at mangamusta?
Ngayon, feeling ko e naging burden ako.
"Aelle—"
"I'm not having this conversation with you here."
"Ah, gusto mo sa labas?"
Inirapan ko lang siya at naglakad nang mabilis palabas ng room. Bahala na kung nakita ng iba, bahala na kung maghinala sila na may unresolved past kami ni Harvey. Slightly true . . . dahil no'ng di ko pa siya nakikita, resolved na para sa 'kin. Pero ngayong nandito na siya sa harap ko, parang napuwersa akong harapin ang nakaraan na hinayaan ko na lang.
"Uy, Aelle!"
Sinundan talaga niya ako palabas. Ano bang trip niya sa buhay? Ignore, ignore, ignore. Let go, let go, let go.
BINABASA MO ANG
Ang Pagsamo ng mga Tala at ang Paghihimagsik ni Aelle Malaya (Published)
RomanceAng sabi ng mga tala, incompatible daw ang mga Scorpios at Aquarians. Pero kung mahal mo na, may magagawa ka pa ba? Si Aelle Malaya -- independent, matalino, spontaneous, at weird AF. Ang mga katangian niyang 'to ang napagpasiyahan niyang mangibabaw...