KABANATA 2

6 1 0
                                    

"Kay hirap naman nito isara," napakunot ang noo ni Sinag habang pilit hinihigpitan ang pagkakasara ng pintuan ng kanilang kubo. Nakasabit sa kaniyang balikat ngayon ang malaking berdeng bayong na naglalaman ng kaniyang mga kagamitan at ang libro ng optalmolohiya. Magga-gabi na ngunit hindi siya natatakot na maglakbay, ayaw niyang magsayang ng panahon dahil kapag natagpuan na niya ang kaniyang pamilya ay plano niyang humingi ng tulong upang mahanap ang lolo Consor. 

"Ha!" Napabuga siya ng hangin ng sa wakas ay naisara na niya iyon. Marahan siyang bumaba ng hagdan habang bitbit ang isang gasera. Nagdadalawang-isip pa siya at muli niyang hinarap ang kubo. Huminga siya ng malalim at pinilit ang sariling ngumiti. "Babalik ako, pangako".

"SAAN ako magsisimula?" Halos masira na ang pagkakapusod ng kulot niyang buhok ng paulit-ulit na pagkamot niya sa kaniyang ulo dahil hindi niya mawari kung saang direksyon siya tutungo. Napakunot ang kaniyang noo at inilapag niya sa mga patay na dahon ang papel na may mapa. Itinapat niya roon ang gasera at tiningnan ang kinaroroonan niya. Nasa gitna siya ng isang bundok at natitiyak niya aabutin siya ng ilang araw bago marating ang lungsod. Napakasukal ng kagubatan, hindi kataka-takang bakit wala siyang makitang ibang tao rito. Biglang sumagi sa kaniyang isipan ang estranghero!

Agad niyang nilukot ang mapa at mabilis na naglakad pabalik sa kubo, hindi pa naman ganoon kalayo ang kaniyang nalalakbay. Nang makabalik siya sa kanilang tahanan ay doon siya dumiretso sa kung saan niya nakitang dumaan ang lalaki.

Natitiyak kong ang ginoong iyon ay taga-lungsod.

Napangiti siya kahit papaano nang makita ang bakas ng pinaglakbayan nito. Naririnig niya sa paligid ang mga kuliglig pati na rin ang pagtunog ng mga patay na dahon na kaniyang natatapakan. Tahimik siyang naglakad habang pinapakiramdaman ang paligid. Napahinga siya ng malalim nang maramdaman niyang nag-uumpisa nang bumilis ang tibok ng kaniyang puso dahil tila mas dumidilim na ang paligid. Nakatitiyak siyang mas lalo lamang siyang nilalamon ng kagubatan ngunit hindi siya tumigil. Kailangan kong marating ang lungsod.

NAPAUPO si Sinag sa tabi ng malaking puno ng acasia. Isinandal niya ang kaniyang ulo sa trungko ng puno. Naramdaman niya ang pagtagaktak ng pawis sa kaniyang noo at sira-sira na rin ang laylayan ng sayang kaniyang suot. Tila makakalas na ang kaniyang buto dahil sa paglakad niya papaakyat at pababa ng burol, dagdag pa ang mga halaman na humaharang sa daan. Tila hindi na niya mawari kung tama pa ba ang dinadaanan niya.

Nasilayan niya ang banaag na pilit tumatakas mula sa matatayog na punong humaharang dito. Napangiti siya ng mapagtantong mag-uumaga na. Sa wakas ay hindi na siya maghihirap na mag-ilaw sa dilim. Nang mahimasmasan siya agad siyang tumayo at isinabit ulit sa kaniyang balikat ang berdeng bayong. Nagpalinga-linga siya sa paligid at nakita niya ang isang may kataasang sanga ng kahoy na sakto lamang din ang laki upang gawin niyang tungkod. Oras muli ng paglalakbay, iyan ang tangi niyang sinabi sa sarili.

Dumaan ang dalawang araw at dalawang gabi. Nagising muli si Sinag sa pinagpahingahan niyang malapit sa isang ilog. Lalo siyang namangha ng maisip na talagang napakalawak ng mundong at sa tanang-buhay niya ay nanatili lamang siya sa kanilang kubo at taniman. Wala na masyadong puno sa parteng pinagpahingahan niya't nararamdaman niyang malapit na siya sa lungsod. Maayos lamang siya ngunit alam niyang siya'y hapo na at ang sira ng suot niyang saya at halos umabot na sa tuhod niya. Ang suot niyang baro ay may dumi na rin at gasgas ngunit maayos pa ang balabal niyang panangga niya sa init. Laking pasasalamat niya at hindi siya naulanan sa buong paglalakbay niyang ito.

Naglakad siya papalapit sa ilog at laking tuwa niyang sobrang linaw at linis nito. Hindi na niya matiis ang uhaw at agad siyang kumabo ng tubig doon at tila walang bukas na uminom. Pinunasan niya ang kaniyang bibig at mabilis ang paghingang humilata sa mga damo. Tumitig lamang siya sa tahimik na punong tila isinasayaw ng hangin at hindi niya namalayang hinila na siya ng antok.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 21 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

BanaagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon