Malakas na napabuntung-hininga si Pedro habang nakatanaw sa labas ng mansyon. Hindi siya sanay na walang ginagawa o walang inuutos sa kaniya. Nang lumipat sila dito sa pamamahay ni Ginoong Danilo ay mariin nitong sinabi na ipagpaubaya na lamang daw sa mga utusan ang lahat ng gawain. Ika nito'y aliwin na lamang niya si Ate Elisa.
Pumayag siya nang sinabi nito iyon ngunit hindi naman niya inaasahan na magiging malapit ang kaniyang ate sa impostorang mismong nagtangkang patayin ito. Sinubukan niya noon na sumama sa mga ito ngunit sa huli ay siya na mismo ang lumalayo. Hindi niya lubos maatim na makisama kay Binibining Eloisa kahit pa man ilang ulit na siyang pakiusapan ni Ate Elisa. Siya na mismo ang lumalayo sa mga ito kaya naman ngayon nga'y wala siyang ginagawa.
Malakas na naman siyang napabuntung-hininga dahil sa naisip at akma na sanang lalayo sa bintana ngunit mabilis siyang napatigil. Mabilis na nahagip ng mga mata niya ang pagdating ng kalesa ni Ginoong Crisostomo. Ang alam niya ay hinatid muna nito si Binibining Christina sa pamamahay ni Ginoong Eduardo.
Sa totoo niyan ay nagtataka pa rin siya hanggang ngayon kung bakit dito nakikitulog ang ginoo. Kung tutuusin ay parehas ng direksyon ang bahay nito at ni Ginoong Eduardo. Maaari itong dumiretso ng uwi pagkatapos nitong ihatid si Binibining Christina.
Napakagat siya sa kaniyang ibabang labi habang pinapanood ang ekspertong pagbaba ni Ginoong Crisostomo sa kalesa na kinasasakyan nito. Hindi niya napigilan ang sarili na mamangha sa hubog ng katawan nito. Kung gaano kalapad ang balikat nito. Kung gaano kalaki ang bawat braso at binti nito. Ang buong katawan nito ay tila sumisigaw ng pagkalalaki. Yaong tipo ng maipangtatakot sa ibang mga tao. Para bang kaya nitong pumatay ng sinuman gamit ang isang kamay.
Tutok na tutok na siya sa lalake kaya naman nang bigla itong lumingon sa direksyon kung nasaan siya ay hindi siya kaagad nakapag-isip. Nahuli siya nitong nanonood. Kahit pa man malayo sila sa isa't-isa ay kitang-kita pa rin niya ang mga mata nito nang magkatinginan sila.
Biglang bumilis ang tibok ng puso niya at tila ba mamamatay siya sa sakit ng puso lalong-lalo na nang bahagyang itabig nito ang ulo na para bang natutuwa ito sa nakita. Akala niya ay mamamatay na siya nang makita niya ang bahagyang pagtaas ng isang bahagi ng bibig ni Ginoong Crisostomo. Sa iba ay paniguradong aakalain na nagungutya ang lalake ngunit sa maikling panahon na nakasama niya ito ay napansin niya na ganuon lamang talaga katipid ito ngumiti.
Nang mapagtanto na nakangiti ito sa kaniya ay mabilis siyang napalayo sa bintana. Hawak-hawak niya ang dibdib kung saan mararamdaman pa rin ang bilis ng dagundong ng puso niya. Pilit niyang pinahupa iyon sabay tago sa namumulang mukha niya.
Nakakahiya sapagkat alam niyang napaghahalataan na ang kaniyang damdamin sa ginoo. Kahit si Binibining Christina ay napansin iyon at sinabi sa kaniya. Hindi naman niya maiwasang mapatanga sa ginoo sa tuwing nagkakakita sila. Ito ang kauna-unahang tao na nagtrato sa kaniya na para ba siyang babae.
Tinutulungang bumaba ng kalesa, pinagbubuksan ng pintuan, hindi pinapayagang magbuhat ng mabigat at iba pa. Lahat ng iyon ay hindi niya nasubukang maramdaman noon. Tanging ang ginoo lamang ang tumatrato sa kaniya na para bang babae.
Paghanga . . . tama . . . iyon lamang ang nararamdaman niya para dito.
Paghanga sapagkat akala niya noon na walang ginoo na tatanggap sa pagiging pusong-babae niya. Pilit niyang tinatago iyon ng mahabang panahon. Ngayon lamang siya naging malaya sa kahit na anong nais niyang gawin.
Pilit niyang nilibang ang isipan papalayo kay Ginoong Crisostomo at naglinis na lamang ng kwarto. Matapos naman iyon ay lumabas siya at pumunta sa kusina upang magluto ng hapunan nila. Tagumpay niyang nakalimutan pansamantala ang lalake ngunit nang matapos siya sa pagluluto at naayos na rin ang hapagkainan ay nakita na lamang niya ang sarili na wala na namang magawa.
BINABASA MO ANG
My Sin In His Past (The 3rd Book of "In His Past" Series)
Historical Fiction"If loving you is a sin, sinner I'm ready to be."