Ikaw na hindi naging akin

19 3 0
                                    

Ikaw na hindi naging akin,

Natatandaan mo ba noong una tayong nagkita? Marahil ay hindi dahil abala ka sa pakikipaglaro sa mga bago mong kaibigan at kakilala. Ngunit ako, tandang-tanda ko pa. Maging ang kaliit-liitang detalye at mga pangyayaring may kinalaman sa 'yo ay sariwa pa sa aking ala-ala.

Mahigit anim taon na rin ang lumipas, hindi kita masisisi kung limot mo na, kaya hayaan mong ipaalala ko sa 'yo ang lahat. Wala akong ibang intensyon, nais ko lamang na magbalik-tanaw sa nakaraan kasama ka. Nagbabaka-sakali rin akong masagot mo ang mga tanong na matagal nang naglalaro sa isipan ko.

Una kitang nakilala noong grade 9 pa tayo, isa kang transferee kaya ikaw ang sentro ng atensyon sa batch natin. Hindi tayo magkaklase kaya hindi kita madalas makita. Ako kasi ang tipo ng taong walang pakialam sa iba. At kung hindi pa dahil sa mga kaibigan ko na kaklase mo ay hindi kita mapapansin. Hindi ko pa man alam ang buong pangalan mo'y tumatak na ang pagmumukha mo sa aking isipan, hindi dahil guwapo ka kundi dahil sa inis na nararamdaman ko sa 'yo.

Nagtataka ka siguro kung bakit gayong hindi pa tayo magkakilala noon. Dahil ito sa napakababaw na dahilan, na sa tuwing naaalala ko'y natatawa na lang ako.

Nang minsang dumalaw ako sa klase ninyo ay nagkataong naglalaro kayo sa harapan. Hindi ko alam kung ano ang nilalaro ninyo at bigla kayong nagtakbuhan palabas. Naririndi ako sa ingay ninyo ngunit wala man lang nagagalit, tawang-tawa pa nga kayong pinapanood ng kaklase ninyo. At hindi ko alam kung pinaglalaruan ba ako ng langit, sa pagtutulakan ninyo palabas ay nabangga mo ako. Nag-sorry ka naman sa akin at nagpatuloy din kayo sa paglalaro. Wala namang masakit sa akin kaya kuntento na ako sa sorry mo. Hindi rin 'worth-remembering' ang pangyayaring 'yon dahil karaniwang eksena lamang ito sa klase na makakalimutan din kinabukasan. Ngunit ang nangyari sa araw na 'yon ay mapapabilang pala sa mga ala-alang binabalik-balikan ko, dahil sa araw na 'yon nagsimula ang lahat.

Habang patuloy kayong naglalaro sa labas ay may iba namang topic ang iba mong kaklase na kinabibilangan ng mga kaibigan ko. Pinapanood pa rin nila kayo ngunit pinagkukumpara na kung sino ang pinakaguwapo sa inyo. Hindi man lang sila nagdalawang-isip na piliin ka. Siyempre, ipinagpilitan ko ang sa tingin ko'y mas guwapo. Ngunit sa halip na sumang-ayon sa akin ay sinabihan pa akong hindi marunong tumingin ng guwapo.

Ewan ko ba, hindi ka naman talaga guwapo sa paningin ko. Maputi ka lang, payat ka rin kaya tila lumuluwa ang mga mata mo, huwag mo sanang masamain pero ganon talaga ang first impression ko sa 'yo noon. Sa 'yo nabaling ang inis ko dahil sa pang-aasar nila, at buong taon ko ring inalagaan ang inis na 'yon. Ngunit pagtuntong natin ng grade 10 ay hindi ko inaasahang magbabago ang paningin ko sa 'yo.

Markado ka na sa isip ko at dala-dala mo ang markang 'yon hanggang sa naging magkaklase tayo sa grade 10. Madalas kong mapansin ang maya't-maya mong pagnanakaw mo ng tingin sa akin. Patay-malisya lang ako noong una sa pag-aakalang nagkataon lamang 'yon. Ilang beses pa kitang nahuli ngunit ayokong mag-isip ng kung anu-ano. Siyempre, sino ba naman ako para mag-assume na may gusto ka sa akin?

Tahimik lang ako ngunit binabantayan ko bawat galaw mo, hanggang sa dumating na sa punto na napapansin kong ikaw na rin ang hinahanap-hanap ng paningin ko. Doon ko na-realize na nagkakagusto na ako sa 'yo. At dahil gusto nga kita, lahat ng tungkol sa 'yo ay tila naging perpekto sa paningin ko. Mukha, pananalita, pananamit at maging ang medyo clumsy na side mo ay appealing at super cute para sa akin.

Ngunit kung kailan pa sa kauna-unahang pagkakataon na inamin ko sa aking sarili na nagkakagusto ako sa isang lalaki saka ko pa nalaman ang totoo.

Ka-grupo kita sa isang activity noon. Mahigit-kumulang sampu tayo kaya pinabilog natin ang mga upuan upang makapag-usap tayo ng maayos, at nagkataong magkatapat tayo. Marami ang nakapansin sa pamumula ng mukha mo dahil sa maputi mong balat, maging ako'y napansin din 'yon. Nagsimula kang asarin na pinangunahan pa ng guro natin ngunit ibang pangalan ang binabanggit nila. Siyempre nakitawa rin ako kahit may konting kirot sa puso ko.

Ikaw na hindi naging akinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon