[9] Sundo

210 3 0
                                    

Note: Hindi ko sasabihin kung kuwento ko ba ito, kuwento ng aking kaibigan, kuwento ng aking kakilala o kahit na ano. Para na rin sa privacy.



SUNDO

Ian Joseph V. Barcelon

(based on true story)

            Dalawang linggo bago mamatay ang aking tiyahin, bumisita kami sa kanilang tahanan. Tumawag ang aking mga pinsan tungkol sa kalagayan ng kanilang ina, at si mama, bilang kapatid ay nabigla sa nalaman. Matagal na naming hindi nakikita ang ang kanilang pamilya kung kaya't wala na kaming balita sa kanila hanggang sa nalaman namin ang nangyari. Nagkaroon kasi ng alitan ang aking ina at ang aking tiyahin na naging dahilan upang lumayo sila sa isa't isa.

            "Hindi na ata siya tatagal, ne," sabi ng aking tiyahin (na itatago sa pangalang Luzviminda) na kapatid din nila mama na noo'y umaasikaso sa aking nanghihinang tiyahin (na itatago sa pangalang Maria). "Sana ay makarating kayo."

            Kaagad din ay nagpasya si mama (kasama ako at ang aking kapatid) na pumunta sa kanilang lugar na napakalayo pa sa tinitirahan namin. Alas-kuwatro na nang kami'y lumisan sa bahay, iniwan ang aking dalawa pang kapatid upang magbantay. Sinabi ni mama na hindi siya sigurado kung makauuwi ba kami kaagad kaya't nag-iwan siya ng maliit na halaga ng pera bago kami umalis.

            Dalawang oras ang binilang bago kami nakarating sa lugar. Ang aking pinsan ang siyang sumundo sa amin nang kami'y makababa na ng LRT, at naghatid sa kanilang tahanan. Nakatira sila sa masikip na lugar, kung saan ang mga bata ay naglalaro-laro sa kalsada, samantalang ang mga magulang ay nagsusugal. Masasabing hindi maganda ang lugar at walang kasiguraduhan ang kaligtasan. Subalit, nanaig pa rin kay mama ang awa kung kaya't nang makarating kami doon, sinabi niyang doon na kami magpapalipas ng gabi.

            Kaawa-awa ang hitsura ng aking tiyahin. Ang kanyang katawan ay napakalayo na sa hitsura nang huli ko siyang makita—na ilang taon na na ang nakilipas. Nakahiga siya sa kama habang nakasuporta ang isa ko pang tiyahin sa kanya. Nakakapagsalita pa siya ngunit hindi na gaanong naiintindihan. Ang sabi sa akin ni mama ay ganoon daw talaga kapag malapit na ang oras ng isang tao. Hindi ko na halos nakilala ang aking tiyahin sa kanyang kapayatan na halos buto't balat na lamang. Dalawa ang kanyang maiiwanan, kung sakali, ang dalawa niyang lalaking anak na aking mga pinsan. Kilala ko ang aking tiyahin, napakarami niyang hindi magandang bisyo sa buhay kung kaya't hindi na ako nagtataka sa kanyang kalagayan.

            Habang nakahiga ang aking tiyahin sa kama, nakatingin kay mama, walang makikitang emosyon sa kanyang mga mata. Mabagal siyang humihingal at maririnig mo iyon sa loob ng bahay. Nasa isang maliit na bahay lamang sila nakatira, na animo'y isang kuwarto lamang ang laki. At sa likurang bahay nila ay napakarumi kung titingnan.

            "Wala na, ne. Hinihintay na lang namin ang oras niya. Sinasabi ko nga sa kanya na 'wag na siyang lumaban kung nahihirapan na siya. Malalaki na rin naman ang mga anak niya," pagsasaad ng aking Tiyahing Luz.

Nakaupo sila noon ni mama sa silya habang pinagmamasdan ang aking tiyahin (Maria). Nagtataka nga ako kung naririnig pa ba niya kami o nakikita dahil sa ang mga mata niya'y kulay abo na. Kahit na ako'y pamangkin niya, hindi ko maiwasang matakot. Siguro ay dahil na rin sa hitsura niya at hindi ganoon ang hitsura niya sa aking pagkakatanda.

            Pinaakyat na kami ni mama sa ikalawang palapag ng double deck ng aking kapatid na babae. Sa ibaba ng double deck, isang matandang babae naman ang nakahiga. Alagain din siya ng aking mga pinsan at ng aking tiyahin. Iyon ay dahil sa wala ng may gustong mag-alaga sa kanya. Parang kinukurot nga ang puso ko habang siya'y pinagmamasdan. Idagdag pa ang napakalungkot na pakiramdam sa loob ng bahay.

WHISPERS OF HORROR [Volume I]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon