Hangga’t Buhay Ako, Buhay Siya
“Para naman sa Ms. Friendly ng Campus... Walang iba kundi si Kelly Gonzales!” anunsyo ng guro na nakatayo sa entablado at nakaharap sa halos isang libong estudyante.
Dahan-dahan, umakyat si Kelly sa entablado at dala-dala ang kakaibang nadarama sa puso niya. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na ang dating masungit, seryoso at tahimik na si Kelly ay ngayon ay masayahin at palakaibigan na. Masasabing malaki talaga ang pinagbago niya.
Nang makaharap na ang lahat at matanggap na niya ang award niya, naki-usap siya sa guro na kung pwede siyang magpahayag ng mensahe. Hinayaan naman siya ng guro at ibinigay ang mikropono.
“Ahh, magandang umaga sa inyong lahat, sa aking kamag-aral at mga guro. Gusto ko lang ipaalam sa inyo kung kanino ba talaga dapat itong award na ito. Hindi ito para kay Kelly Gonzales, hindi ako ang nararapat na tanghalin bilang Ms. Friendly ng Campus natin. Mas nararapat ito sa matalik kong kaibigan na si Vivianne,” aniya at nagsisimula ng pumatak ang mga luha niya. Hindi na niya napigilan ang lungkot na nadarama na matagal nang nakaukit sa kanya.
“Siya lang ang tanging tao na nakilala ko na kinaibigan pa rin ako kahit sungitan ko pa at di ko imikan. Siya lang ang tao na pinilit na pasukin ang mundo ko...” pagpapatuloy niya.
Habang nasa harapan ng lahat, habang pumapatak ang mga luha at habang binibigay ang mga mensahe na nais niyang iparating sa lahat, bumabalik din ang alaala niya noong nakilala niya ang matalik niyang kaibigan na si Vivianne.
Noon, si Kelly ay sobrang tahimik, laging nasa sulok at mapag-isa. Tuwing may susubok na makipagkaibigan sa kanya, sinusungitan lang niya ito at iniiwasan. Sadyang hindi malapit sa tao si Kelly dala marahil ng malungkot na kahapon. Binu-bully kasi siya madalas noon kaya simula noon naging mailap na siya sa mga tao. Subalit, sa di inaasahan, nang maging ganap na siyang hayskul, nakilala niya si Vivianne.
“Hi, seatmate. Ako si Viviane. Ikaw?” pagbati ni Vivianne sa kanya. Naghintay si Viviane sa kanyang tugon pero wala siyang natanggap.
“Mabuti pa wag mo na siyang kausapin. ‘Yang si Kelly ay di pala kaibigan. Masungit ‘yan,” bulong ng isang kaklase kay Vivianne. Pero walang paki-alam si Viviane. Kinaka-usap pa rin niya si Kelly kahit hindi siya pinapansin nito.
Nang magkaroon ng isang activity sa kanilang Art class, kailangan humanap ng kapartner ang bawat isa. Maraming nagyaya sa pala-kaibigan at mabait na si Viviane na maging kapartner nila. Pero lahat sila ay tinanggihan niya.
“Vivianne, tayo na lang ang magkapartner. Please,” paki-usap ng isa nilang kaklase. Umiling lang si Viviane at tiningnan si Kelly na nasa sulok lamang at naka-obob.
“Pasensya na pero mas gusto kong kapartner si Kelly e,” paghingi niya ng paumanhin. Nagtaka ang lahat sa sinabi niya. Naitanong pa ng isa, “Bakit naman? Bakit si Kelly pa? E, ang sungit n’yan. Baka wala pa kayong matapos pag siya ang kapartner mo.” Gayun pa man, aniya, “Pasensya na talaga, next time na lang.”
Wala nang nagawa ang lahat, nirespeto nila ang gusto ni Vivianne. Kaya naman lumapit na si Vivianne kay Kelly na naka-obob pa din. Tahimik siyang lumapit dito. Kinulbit niya si Kelly at nang titingala na si Kelly para tingnan kung sino ang nakulbit sa kanya, ginulat siya ni Vivianne.
“Bulaga!” panggugulat niya at mukhang epektibo ang ginawa niya dahil nagulat nga si Kelly. Natawa siya sa reaksyon ni Kelly at pinuri pa, “Ang kyut mo.”
Imbis na matuwa at matawa din, nagalit si Kelly, “Tanga ka ba! Lubayan mo nga ako!” Napatingin ang lahat sa kanila lalo na ang guro nila.
“Kelly, ano na naman ba ‘yan?” tanong ng guro.
“Ah, wala po, Ma’am. Inaasar ko po kasi siya, pasensya na po. Sige po, gagawa na po kami,” pagpapaumanhin at pagpapaliwanag ni Vivianne.
“Ano bang kailangan mo sa akin?” masungit na pagtatanong ni Kelly. Ngumiti si Vivianne at masayang tumugon, “Ikaw ang gusto kong makapartner.” Nagulat si Kelly sa sinabi niya. Di kasi niya inaasahan na sa kabila ng kanyang masungit na personalidad, may magnanais pa rin palang maging kapartner siya at makipagkaibigan sa kanya.
Habang gumagawa, masayang kinekwentuhan ni Vivianne si Kelly. Nakikinig lang si Kelly sa kanya. Nang matapos ang kinekwento ni Vivianne, hindi na siya nag-atubiling magtanong, “Bakit ba pinipilit mong makipagkaibigan sa isang katulad ko?”
“Ayaw ko kasing may nakikita akong nag-iisa at malungkot. Atsaka, di ko alam kung bakit pero... Basta gustong-gusto kitang maging kaibigan,” paliwanag ni Vivianne. Napangiti naman si Kelly sa sinabi niya at nahuli iyon ni Vivianne na lubusan niyang ikinatuwa.
“Yehey! Napangiti kita. Ayie! Kinilig siya sa sinabi ko,” tuwang-tuwang sinabi ni Vivianne. Muling napangiti si Kelly at sinabi na lamang, “Tumigil ka nga. Gumawa ka na lang d’yan.”
Nagsimula na nga umusbong ang pagiging magkaibigan nila hanggang ituring na ni Kelly si Vivianne bilang matalik niyang kaibigan. Tanging si Vivianne lang ang nagawang makuha ang loob niya. Tuwing magkasama sila, nagiging masayahin na rin si Kelly at unti-unting nagiging malapit sa ibang tao. Naging masaya ang buhay ni Kelly, simula nang dumating sa buhay niya si Vivianne. Kaya naman parang hindi niya kakayanin kung mawala pa sa kanya ang matalik niyang kaibigan.
Pero hindi naging mabait ang kapalaran sa kanila. Noong second year high school na sila, isang malagim na balita ang natanggap ni Kelly. Balitang pinaka-ayaw niyang mangyari, ang mawala si Vivianne sa buhay niya.
Naaksidente si Viviane, ito ang salitang sumaksak sa puso ni Kelly at mas lumalim pa nang malaman niyang namatay si Vivianne. Nabangga daw si Vivianne ng isang truck at sinugod siya sa ospital. Pero huli na ang lahat, binawian na siya ng buhay.
Hindi agad ito natanggap ni Kelly. Nagwala siya nang mabalitaan niya iyon. Ilang araw siyang umiyak nang umiyak. Muling naging malungkutin si Kelly. Nawala na ang natatanging taong nagpapasaya sa kanya kaya paano pa niya magagawang ngumiti. Mas nanaisin pa niyang mamatay na rin.
Napahinto si Kelly sa kanyang pagsasalita at nagpatuloy sa pag-iyak. Napaiyak na rin ang marami sa kanyang mga naging mensahe. Nang makatahan-tahan na, muli siyang nagsalita, “Pero isang araw, napanaginipan ko siya. Sabi niya ayaw daw niya akong nakikitang malungkot. Ang gusto niya masaya ako. Kaya napagtanto ko... Gusto ko pa ring mabuhay si Vivianne. Gusto ko buhay pa din siya. Kaya bubuhayin ko siya sa sarili ko. Magiging masayahin ako at pala-kaibigan para sa kanya. Kaya ang katauhan niya ay binubuhay ko sa sarili ko at tinago ko na ang sarili kong katauhang masungit at di pala-kaibigan. Kaya hindi pa siya patay dahil hangga’t buhay ako, buhay siya.”
______________________________________________________________________________
Note: Sana nagustuhan nyo. Ang anumang komento, mapapuri man o pagpuna, ay lubos na makakatulong sa akin ^^ Salamat po
BINABASA MO ANG
Hangga't Buhay Ako, Buhay Siya
Short StoryAng istorya ay tungkol sa isang babaeng nawalan ng matalik at natatanging kaibigan. Kaya naman nagbago siya at bubuhayin niya ang kaibigan niya sa sarili niya