Isang maingay na lugar kung saan maraming mga taong namamalengke. Inilibot niya ang kanyang paningin sa mga taong abala sa kanilang mga ginagawa. Ang iba ay napapaos na kakasigaw para makahakot ng customer at bumili sa kanilang paninda. Pinakamaingay na lugar, pero napakasarap pagmasdan ang mga ito dahil nakikita niya kung paano nagsusumikap ang mga tao upang kumita ng pera para sa pantustos araw-araw. Masarap makitang ganito ang madadatnan niya kasama ang kanyang ina tuwing umaga. Gigising nang maaga at simulan ang dapat gawin. Magluto, mag-ayos sa sarili at papasok sa trabaho o ‘di kaya ay papasok sa eskwelahan.
“Grabe! First time kong makahawak ng isang bata at ikaw pa ang nagpaanak. Ang sarap pala sa pakiramdam na ikaw ang una niyang makita at ngumiti sa’yo,” rinig niyang sabi ng isang estudyante.
Napahinto siya sa paglalakad nang makita niya ang isang grupo ng estudyante sa daan. Nakasuot ang mga ito ng uniporme na pang doktor o nars. Kumislap ang kanyang mga mata dahil talagang napakagandang tingnan na puro puti ang susuotin at naka–heels. Napahiyaw siya sa biglaang pagkurot sa kanyang tagiliran. Napalingon siya rito at naiiyak na napatitig sa kanyang ina.
“Aray naman, Mama!” nakangiwing wika niya sabay himas sa kanyang tagiliran na kinurot nito.
Pinanlilisikan siya nito ng mga mata kaya ngumuso siya rito. Hinila siya nito papalayo sa mga estudyante at siya naman ay tumingin na lang sa mga ito. Ngayon, alam na niya kung ano ang gusto niya at iyon ay magiging midwifery. Napaisip siya tuloy, ano kaya ang feeling kapag ikaw na ang magpaanak? Siguro masarap pakinggan na marinig ang paglabas ng bata.
“Ano pa ang hinihintay mong bata ka? Tutunganga ka lang ba riyan o iiwan kita rito sa palengke?” sermon nito sa kanya at pinanlakihan muna siya nito ng mga mata bago siya nito iniwan.
Napanguso na lamang siya at tumakbo na patungo sa kanyang ina. Naranasan pa naman niyang iniwan nito sa gitna ng maraming tao at ayaw na niyang mangyari iyon. Dahil kasi sa pag-iinarte niya ay iniwan siya at hindi man lang siya nito sinuyo. Ang mas nakakasama pa ng loob ay iyong pinaiyak ka muna bago ka niya nilapitan. Nasa paligid lang pala ito at tinansya kung ano ang magiging reaksyon niya. Kaya ngayon, hindi na pwedeng mag-inarte dahil umuusok na ang ilong nito sa inis.
Nang makalapit siya sa kanyang ina ay agad siyang umabresyete rito at humilig sa balikat ng kanyang ina.
“Ma, gusto kong maging midwifery,” nangangarap niyang sabi sa kanyang ina.
Kumunot naman ang noo nito at taka siyang tiningnan.
“Saan mo naman nalaman iyang midwifery na iyan? Alam mo bang sobrang mahal ang college? Saan naman tayo kukuha ng pera para sa tuition mo?”
Napakamot siya ng kanyang ulo at umirap siya dahil sa rami nang sinasabi nito. Hay naku! Sa simpleng sinabi niya ay marami na siyang naririnig mula sa kanyang ina.
“Ma, hinay-hinay lang sa kakatanong, okay? Alam mo naman na may scholarship akong makukuha, diba?”
Malapitan na rin siyang matapos sa highschool at ilang buwan na lang ang kanyang paghihirap ay magka-college na siya.
“Oo, meron nga. Ang tanong kaya mo bang magpaanak? Alam mong takot ka sa dugo at iyan pa talaga ang kukunin mo. May pagkaingot ka rin, ano?”
Sumimangot siya sa kanyang narinig dahil sa sinabi nitong ingot. “Wala ka bang tiwala sa akin, Ma?”
Tumango ito sa kanyang tanong at hindi pa rin nawawala ang kunot ng noo nito. Kahit kailan talaga si Mama, ang negative masyado.
“Oo, wala akong tiwala sa’yo. Baka anong kabalastugan ang pinaggagawa mo.”
“Ma naman… Nakakasakit ka na, alam mo ba iyon?” nakasimangot niyang sabi at bumitaw sa pagkakahawak dito.
Siya naman ngayon ay napakunot ang noo nang makita niya ang pagkagat ng labi nito at pinipigilan nitong hindi matawa. Halata kasi sa itsura ng kanyang ina na iniinis siya nito.
“Binibiro ka lang, ang babaw ng pasensya mo,” natatawang wika nito.
Pinagkrus na lamang niya ang kanyang mga braso at hindi na tumingin dito at nauna nang maglakad. Inakbayan siya nito, pero hindi niya ito tiningnan. Naiinis talaga siya rito dahil sa pagbibiro nito sa kanya.
—
“Mama! Mama!”
Tumatakbo siya patungo sa kinaroroonan ng kanyang ina. Nasa dise-sais na taong gulang ang dalaga. Umuwi siya na may malaki ang ngiti sa mga labi. Hindi niya akalain na magiging masaya siya ngayong araw na ito. May maganda siyang balita na ikasasaya ng mga magulang niya.
Nagtataka naman na nilingon naman siya ng kanyang ina na abala sa pagluluto ng pang hapunan nila. Napatigil naman ito sa paghahalo nang niluto nito at tinuon na ang atensyon nito sa kanya. Salubong ang kilay nito at kuryusong tingin ang nakarehistro sa mga mata ng kanyang ina.
“Mama! Mama!”
Hindi magkamayaw niyang sigaw dahil sa sobrang galak na kanyang naramdaman ngayon. Tumatalon siya at may malaking ngiti na nakarehistro sa kanyang mga labi. Hindi niya kasi mapigilan ang kasiyahang nangyayari ngayong araw na ito.
“Oh, ano? Kanina ka pa umaatungal diyan!” nagtatakang wika nito sa kanya at pinameywangan pa siya nito.
Inilabas niya ang report card at inilahad niya sa harapan nito. Kunot-noo nitong tanong sa kanya.
“Ano naman iyan?” takang tanong nito sa kanya.
Dahil siya ay isang anak na mahilig magbiro kaya ito ang sagot niya rito.
“Ay! Kainin mo, Ma! Alangan naman tingnan mo lang at hindi kukunin ang report card,” pilosopong aniya at agad nanlalaki ang kanyang mga mata nang makita niyang tumaas ang kamay nito.
Patay! Ito na naman ang kanyang ina na ubod na binudburan ng asin dahil sa pagiging masungit nito. Nag-peace sign siya rito kasi alam na niyang sasabak na siya sa giyera. Bakit kasi nakalimutan niya na ayaw nitong binibiro niya ito? Nakangiwing hinawakan niya ang kamay nito at nilagay sa palad nito.
“Sorry na nga, Ma. Report card ko po,” alanganing ngiti niya rito at umatras na dahil hindi pa rin nakababa ang kamay nito na may hawak na sandok. Alam niyang ipukpok nito ang sandok sa kanyang ulo dahil sa pagiging sutil niya.
Wala eh, anak kasi siya ng kanyang ama kaya pati ugali ng kanyang ama ay nakuha na.
“Ang sarap talagang pag-untugin ng mga ulo ninyo. Pareho kayo ng ama mo na nakakasakit ng ulo.”
“Peace yow, Ma! Peace yow!” Nakangising nag-peace siya rito.
“Heh! Buwisit kang bata ka! Hala! Pumasok ka na sa loob, kung hindi ipukpok ko itong hawak kong sandok.”
Natatawang tumakbo siya patungong bahay baka totohanin nito.
BINABASA MO ANG
Last Dance With You
RomancePagmamahal, iyan ang pinakamasarap na pakiramdam kapag mahal ka ng taong mahal mo. Iyan din ang inaasam ng maraming kababaihan na mahalin sila ng taong mahal nila. Paano kung mahal ka ng lalaking mahal mo, pero hiram lang pala na pag-ibig? ...