PROLOGUE

278 1 0
                                    

PABALIK na si Craze sa Room 15 habang yakap-yakap ang malaking backpack. Kababalik lang niya sa tenement mula sa weekend trip kasama ang kanyang pamilya, kaya hindi niya kasama sina Cola at Constellation kahit sabay-sabay naman silang umuwi sa probinsiya noong isang araw.

            Bago siya hinatid ng kanyang ina sa tenement, nag-shopping muna sila sa MOA ng mga kailangan niyang gamit.Gusto pa sanang umakyat ng mommy niya sa kuwarto nila para personal na tingnan kung maayos ba ang lagay nila ng mga kaibigan niya, pero tumanggi na siya dahil late na.

            Naghihikab at nag-iinat pa si Craze habang naglalakad nang bigla siyang makarinig ng malakas na ingay mula sa Room 14, ang katabing kuwarto nila na madalas ay pinagmumulan talaga ng mga kakaibang ingay. Lalo na kapag weekend. Naobserbahan nila iyon nina Cola at Constellation noong unang gabi pa lang nila sa C3 Tenement.

            Napatayo siya nang deretso, naalalang Biyernes ngayon. Nang sipatin niya ang relong-pambisig, napasinghap siya nang makitang alas-diyes na pala ng gabi. Kaya naman pala wala nang tao sa hallway—oras na ng curfew.

            Sobrang traffic kanina pag-uwi ni Craze kaya inabot siya ng gabi. Hindi naman niya napansin na ganoon na pala ka-late kaya siguro ang daming text at Missed call nina Cola at Constellation sa kanya. Hindi niya nasagot ang mga iyon dahil kani-kanina lang niya binuksan ang cell phone. Nag-aalala na siguro ang mga kaibigan niya.

            Naputol ang pagmumuni-muni ni Craze nang may marinig uling kalabog.

            Okay, calm down, pagpapakalma niya sa sarili.  Sobrang lapit mo na sa Room 15. Huwag mong pansinin ang mga naririnig mo.

            Humugot siya ng malalim na hininga bago muling nagpatuloy sa paglalakad. Pero nakakailang hakbang pa lang ay may narinig na siyang malakas na ingay—kasabay ng paghampas ng kung ano sa may bintana.

            Hindi napigilan ni Craze ang mapalingon sa bintana. Nakita niya ang isang babae na nakasandal mula roon. Nakapatay ang mga ilaw sa loob ng kuwarto pero naaaninag niya ang mahabang buhok nito na nakasandal sa salaming bintana. The woman threw her head back and moaned really loud. Para itong umiiyak.

            Kinilabutan si Craze isipin pa lang kung ano ang maaaring pinagdadaanan ng babae sa mga kamay ng malupit na tenant ng Room 14. Kaya kumaripas siya ng takbo papuntang Room 15. Habang binubuksan ang nakakandadong pinto gamit ang kanyang susi ay naririnig pa rin niya ang mga kakaibang ingay sa kabilang kuwarto.

            Nang makapasok sa loob ng Room 15 ay agad niya iyong sinara. Sumandal siya sa dahon ng pinto habang nakatapong ang kamay sa dibdib. Ang lakas ng tibok ng puso niya!

            The tenant of Room 14 must be an abusive husband!

Girl Talk Trilogy 3: The Fool In Disguise (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon