Dahlia's POV
"Wala talaga," pag-uulit ko sa isa pang architect na kausap ko sa telepono. Kapit ko ang mga gamit at papeles na maaaring kailanganin ng kliyenteng kikitain ko ngayon.
Halos wala pa akong sapat na tulog dahil sa bangungot tuwing gabi ang tumawag siya para magkiusap na saluhin ang project na sa kanya naman talaga dapat.
Kahit na pagod ay hindi ko siya tinanggihan dahil mas gugustuhin ko pang mag-trabaho kaysa subukang gumawa ng tulog.
Luminga-linga ako sa paligid habang kapit pa rin ang teleponong nakatapat sa tenga ko.
"Wala naman yatang kliyente rito," saad ko dahil mukhang wala naman talaga akong hinighintay.
Sinong kliyente ba kasi ang makikipagkita sa mistulang parke na lugar? Bukod sa napakaingay roto, mayroon namang coffee shop at ibang lugar. Bakit dito pa?
Unti-unti niyang inilarawan ang hitsura ng kliyente na dapat kong makita ngayon.
Ilang ulit pa niyang sinabi ang mga detalye pero kahit anino ay wala akong maaninag.
Mga batang nagtatakbuhan, naglalaro, mga tinderang naglalako sa mga taong nakaupo, at ang magkakabarkada at magkakasintahan lamang ang tanging nahahagip ng mata kong naghahagilap.
"Matangkad, moreno, saka kulay asul ang polo." Sa tagal ng tawag, ilang ulit ko nang narinig ang mga katangiang kanina pa niya binabanggit.
Bakit kasi hindi na lang niya sabihin ang pangalan?
Napatigil ako sa kalagitnaan ng paghahanap nang maagip ng paningin ang taong hindi ko naman na dapat makita.
Matangkad.
Biglang nagtama ang paningin naming dalawa dahilan para mawala ang atensyon ko sa kausap ko.
Sa loob ng ilang taon, wala pa ring nagbabago sa hitsura niya.
Kasalukuyan itong papalapit sa akin habang mabagal na humahakbang.
Moreno.
Parang ngayon lang natanggap ng sistema ko kung sino ang nasa harapan ko ngayon.
Nabitawan ko ang telepono habang nag-iisip kung ano ba ang dapat gawin sa sitwasyon na gaya nito.
Halatang nagulat din siya sa nangyari kaya kaagad naman siyang yumuko para pulutin ang teleponong nailaglag sa sobrang pagkagulat sa presensya niya.
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makabalik siya sa pagkakatayo.
Kulay asul ang polo.
Kung kanina ay halos mabingi ako sa sobrang ingay sa lugar, ngayon ay nabibingi na ako sa sobrang kabog ng dibdib ko nang umayos siya nang tayo para iabot sa akin ang telepono.
Kinuha ko iyon sa kanya nang hindi man lang tinatanggal sa mukha niya ang paningin ko.
Gulat ako nang makitang nakatitig na rin siya sa mga mata ko.
Walang pinagbago ang mga mata niya, pero nagbago ang paraan ng pagtingin niya sa akin.
Mas naging malungkot ang mata niya kumpara sa hli kaming magkita.
Napakurap ako nang ilang beses, umaasang hindi totoo ang nakikita.
Walang nangyari, nandito pa rin siya sa harap ko at tila hinihintay na kung ano ang susunod kong gawin.
Siya nga.
Siya pa rin.
Hindi ko alam kung paano magsisimula nang makita ko ulit siya halos ilang taon ang makalipas.
Limang taon?
Hindi ko na rin matandaan.
Nanatili siyang nakatingin sa akin. "Architect Samson, you're here," pormal pa ang pagkakasabi na para bang ngayon niya lamang ako nakilala.
Hindi ko naiproseso kaagad ang nakikita kong presensya niya kaya marahan niyang iwinagayway ang kamay niya sa tapat ng mukha ko para tignan kung nandito pa ba ang atensyon ko.
"Architect?"
Nang tawagin niya ako ay kusa akong gumalaw para tanguan siya.
Nagulo ang isip ko dahil unti-unting bumalik sa isip ko lahat.
Ang tanong sa isipan na minsan ko nang naibaon ay parang bumangon muli nang masilayan siya.
Paano ba ang kalimutan ka?
"I am–"
"Ardhen David, sir. Right?" Pagputol ko sa dapat na pagpapakilala niya.
Wala na siyang nasabi matapos no'n.
Nakita ko ang sarili kong nakaupo sa tapat niya habang nag-iisip kung paano sisimulan ang proyekto.
Parang umatras ang dila ko sa sobrang pagkabigla pero sa kabilang banda, hindi ko maintindihan ang kakaiba kong nararamdaman ngayon.
Hindi na ito dahil sa kaba at sigurado akong hindi ito sama ng loob dahil wala naman akong karapatan para magtanim pa no'n sa kanya.
Pormal siyang umupo sa tapat ko at hinintay na magsalita ako.
Inalis ko na sa isipan ang mga bagay-bagay ay nagsimulang ituon sa kanya ang atensyon.
"Good day, Sir David." Pormal na bati ko at halos makahinga nang maluwag nang hindi ako mautal sa harap niya.
"I would like you to design my house," diretsahang sabi niya kaya napalunok ako.
Alam ko namang kaya ako nandito ay para mag-disenyo pero hindi ko alam na siya ang magiging kliyente ko.
Bakit siya pa?
Wala akong ibang masisi dahil alam kong wala namang may alam dito.
Walang may alam kung anong mayroon kami noon kundi kami lang ding dalawa.
Nagitla ako nang tumayo siya at parang handa nang umalis.
Wala man lang siyang sinabi kung ano ang gusto niyang disenyo.
Tumayo rin ako para sundan siya.
Napansin niya naman iyon kaya nagtanong ito. "May kailangan ka pa ba?" parang masungit na tono nito.
"A-anong klaseng design po ba ang gusto niyo?" pinilit kong ituwid ang mga salita habang nahihiyang tumugon sa kanya.
Wala naman siyang ginagawa na kung ano pero ang presensya niya pa lang ay halos mapalundag na ang puso ko.
"Bakit ako ang tatanungin mo? Ikaw ang architect," tunog aroganteng tugon niya.
"Pero hindi ko naman bahay 'to, sir," pilosopong sagot ko pabalik.
Napailing ito bago ako saguting muli. "Kaya nga ako nag-hire ng architect para mag-design. Bakit ako ang mag-iisip?" huling tugon nito sa akin bago ako tuluyang talikuran at maglakad papalayo.
Napaupo ako.
Wala naman na akong balak na sundan siya dahil mukhang malinaw naman na ako talaga ang mag-iisip ng disenyo para sa bahay niya.
Habang naiwan ako, bigla akong napatanong sa sarili ko kung bakit siya magpapagawa ng bahay.
May pamilya na kaya siya?
Kaagad kong binura sa isip ko ang tanong na nabuo.
Wala naman na dapat akong pakialam dahil kliyente ko lang siya at hanggang doon na lang dapat iyon.
Hindi na dapat ako manghimasok pa.
Nang biglang sumagi sa isip ko ang mukha niya na nakita ko kani-kanina lang, naramdaman ko na naman ang kakaibang pakiramdam na hindi ko maunawaan.
Napapikit ako bago mapa-buntong hininga.
Nahawak ako sa kaliwang dibdib para kumustahin ang tibok ng puso ko.
"Magiging ayos ka rin," bulong ko sa sarili.
Nagkamali ako.
Ang sugat na akala ko'y naghilom na, sariwa pa pala.
BINABASA MO ANG
Paghilom: A Short Story
Short Story"Ang totoong paghilom ay tuwing nasa tabi mo ako" Totoo nga ang sinabing minsan ay mas masakit pang manatili kaysa umalis. Makakaya ko kayang kalimutan ka? Iyan ang tanong na hindi masagot ng isipan. Sinubukang gumawa ng mundo kung saan ang isang ka...