"Ama!!" sigaw ko dahil sa gulat
Hindi! hindi maaari! a-ako? bilang ang prinsesang tagapagmana na magiging emperatris sa hinahanarap?! isa itong malaking kahibangan.
Hindi ko inaasahan ang naging reaksyon ni ama. Masaya siyang lumapit sakin at niyakap ako.
"Sa wakas ay magiging emperatris na ang nag-iisa kong anak" masaya siyang tumawa
"Hindi maaari! ama pakiusap, bawiin ninyo ang imperyal na kautusan!" aligagang pakiusap ko
"Hindi mo ba nais na maging emperatris? pinapangarap ito ng halos lahat ng mga kababaihan, ngunit ikaw ang napili sa dinami-rami ng mga dilag rito sa bansa"
"Ngunit iba ang aking sinisinta. Alam mo yan ama.." dismayado akong umupo
Oo alam ko, isang malaking karangalan ang mapili ng mismong emperador at ang maupo sa tabi ng susunod na hahalili sa trono balang araw, ngunit hindi ito ang nais ko, at lalong-lalo na dahil iba ang nilalaman ng puso ko.
Umupo si ama sa tabi ko at ilang segundo kaming hindi umimik.
"Ang ikaapat na anak ba ni Heneral Ming ang iyong tinutukoy?"
Napayuko ako bago tumango. Nakakahiya mang aminin ngunit wala na akong magagawa, hindi ko gustong tanggapin ang imperyal na kautusan.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni ama bago ako hinarap at hinawakan ang kamay ko.
"Kailangan mong tumingin sa mas malaking larawan Xi Lin, sa tingin mo ba ay may pag-asang magkatuluyan kayo ni Zisheng? alam ko na mabait at masunurin ang binatang iyon, ngunit kung iyong titignan ay magkaiba ang agwat sa pagitan ng estado ng ating mga pamilya."
Totoo ang sinabi ni ama, ayokong itanggi sapagkat iyon naman ang katotohanan...Malayo amg agwat ng estado ng pamilya Feng at Ming.
"Ngunit hindi ko nais maging kabiyak ang panganay na prinsipe, nakita mo naman sa personal at kilala kung anong klaseng tao si Prinsipe Luyao hindi ba?" nagaalalang sambit ko "Ayon sa sabi-sabi ay isa siyang babaero at madalas pa siya sa bahay-aliwan kaysa gawin ang mga nakaatas sa kanyang mga gawain." mahina kong dagdag
"Sino ang nagsabing ang panganay na prinsipe ang maaari mong maging kabiyak? hindi ba't mayroon pa ang ikalawang prinsipe?"
"Ama!" inis kong reaksyon habang siya ay tumatawa lamang "Hinding-hindi ko kailanman ninais na makatuluyan ang pagong na iyon!"tukoy ko kay Jhiro, hanggang kaibigan lamang ang tingin ko sakanya at hindi na iyon magbabago pa kailanman
"Alam mo bang maaari kang maparusahan sa iyong sinabi ngayon lamang sa prinsipe?"
"Patawad po"
Lumabas ako sa tanggapan ni ama na lutang ang isipan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko at kung kanino ko dapat ito unang sabihin, kay Shiyi ba o kay Jhiro? ngunit isa lamang ang alam ko na dapat na hindi makaalam nito, si Zisheng.
Pumaroon ako sa silid ko upang magpalit ng damit at kumuha ng talukbong sapagkat magdadapit-hapon na at maya-maya ay sasapit na ang dilim. Napagpasyahan kong tumakas muna at puntahan si Shiyi sa kanilang kainan dahil maya-maya pa ito magsasara kapag wala ng mga tao sa kalye.
Binilisan ko ang paglakad at tinakpan ng maigi ang aking mukha upang walang makakilala sakin. Hanggang sa nakaabot ako sa kanila ngunit napatigil ako sa paglalakad noong marinig ko ang isang pamilyar na boses na kausap si Shiyi sa likod ng kanilang kainan.
"Hindi ito maaari Zisheng, alam mong ikaw ang sinisinta ni Xi Lin" dinig kong sambit ni Shiyi
"Alam ko." katahimikan ang bumalot sa buong paligid "Ngunit anong gusto mong gawin ko kung ikaw naman ang nais ng aking puso?" ramdam ko ang pagkaseryoso at pagiging sinsero ng kanyang boses
Hindi ako gumalaw at nanatili sa kung saan ako nakatayo. Ayaw kong masaktan at may marinig pa na hindi ko nanaising marinig pero hindi ko kayang humakbang paatras.
"Isa lamang akong simpleng babae, simple ang aming buhay at hindi ako ipinanganak sa isang marangyang pamilya! ngunit ikaw? ikaw ay isang Ming, ikaw ang pang-apat na anak ng respetadong Heneral ng bansang ito!" galit ngunit mahinang sumbat ni Shiyi
"Handa kong iwan ang lahat ng aking kinalakihang karangyahan para sayo Shiyi." lalo akong nasaktan sa narinig ko "Pakiusap..magtiwala ka sakin, handa kitang pakasalan, handa kitang panagutan, handa kitang buhayin at alagaan hanggang sa tayo ay tumanda. Handa akong itapon ang pagiging miyembro ko sa pamilya ng Ming para lamang sayo. Handang-handa ako, bigyan mo lamang ako ng pag-asa. Kaya kong harapin lahat ng mga maaaring maging kapanagutan."
Naglakad ako paatras hanggang sa hindi ko namamalayang nakauwi na pala ako. Tulala akong pumanhik sa aking silid at isinara ang pinto at sumandal rito bago dumausdos pababa sa sahig.
Hindi ako nagagalit, ngunit..hindi ko rin naman kayang itanggi na hindi ako nasasaktan. Naiintindihan ko na maaaring magkaroon ng pagsinta si Zisheng sa ibang dalaga pero..b-bakit kay Shiyi pa?
Napangiti ako ng mapait noong naalala ko ang nga sinabi niya kay Shiyi kanina. Sana ay ako na lamang siya, sana ay ako na lamang ang dalagang handa niya makasama, handa niyang pakasalan at hands niyang isakripisyo ang lahat para lamang saakin. Papaano ko na sila haharaping dalawa ngayon?
Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako at paggising ko ay pumutok na ang araw. Saktong pagkatayo ko mula sa pintuan ay siya namang pagpasok ni ina sa silid ko.
"Mag-ayos ka at pupunta tayo sa palasyo. Ipinapatawag ka ng emperador at magkakaroon ng salo-salo upang batiin ka sapagkat ikaw na ang nakoronahang prinsesang tagapagmana" nakangiting utos ni ina
"Opo" mahina at walang buhay na sagot ko
"Ayos ka lamang ba Xi Lin? may nangyari na kagabi? bakit mukhang puyat at hinang-hina ka?" nagaalalang tanong ni ina noong mapansin niyang parang wala akong kabuhay-buhay
"Wala po" pagsisinungaling ko at isinara na ang pinto
Hindi na ako nag-ayos ng husto dahil wala akong gana. Nagsuot na lamang ako ng asul na bistida at naglagay ng palamuting bulaklak na ipit sa magkabilaan ng aking mahabang buhok na pinili kong ilugay at kaunting koloreta para naman magkaroon ako ng kulay kahit papaano.
Narinig ko ang pagkatok ni ina sa aking pintuan kaya napalingon ako.
"Xi Lin, narito si Zisheng hinahanap ka. Nais ka daw niyang batiin ng personal."
#TheSoundOfTheSouthernPalace
#precxxious
BINABASA MO ANG
The Sound of the Southern Palace
Fiction HistoriqueAng dating pagkakaibigan ay masisira ng dahil sa hindi inaasahang mga pangyayari na babago sakanilang mga buhay. Si Xi Lin, ang nag-iisang anak at ang heridera ng pinaka-mayaman at maimpluwensiyang pamilya ng Feng na ipagkakasundo sa lalakeng hindi...