Ang Aking Bagungot

39 2 0
                                    

Sa gitna ng madilim na kuwadradong hugis ng kwarto na nag-iisa sa ikalawang palapag ay may isang bulto ng katawan na nanlalata. Yakap-yakap ang dalawang tuhod na nababalutan ng kumot, nangangalog at nanginginig ang buong katawan.

Alas dos na ng umaga, iyon ang oras sa celfon na nasa tabi ng kama nito. Hindi parin matigil-tigil ang mga butil ng luha sa pagtulo mula sa mga mata n'ya. Magulo ang buhok ngunit mas magulo pa ang utak n'ya. Ang lamig ay bumalot sa buo n'yang pagkatao. Ramdam na ramdam n'ya ang pagkaputla ng kanyang mukha. Masisilayan mo ang takot na miminsan lang bumahid sa masayahin n'yang mukha. At ang pagdagundong ng kaba sa puso n'ya ay parang ayaw na yatang tumigil pa.

Ilang oras lang ang lumipas. Sariwang-sariwa parin sa isipan ang bangungot na naghikayat sa kanyang sumama kay kamatayan.

Alas-syete ng gabi noon nang pumasok na s'ya sa kwarto. Pinatay n'ya ang ilaw, binuksan ang bintana, nagkuros sandali at humilata ng patihaya at tuwid sa kama. Sa wari n'ya, ilang minuto lamang ang dumaan nang dumilat ang mga mata n'ya at hindi man lamang gumalaw. Naalimpungatan s'ya ng ingay na nanggagaling mula sa bubong ng kwarto. Para bang mga pakpak na humahampas sa may bubungan, iyon ang pagkadinig n'ya. Nanahimik lamang s'ya ngunit alintana ang unti-unting pagkamuo ng takot sa dibdib. Sa utak n'ya ay naroon ang imahe ng aswang kaya nananalantay sa ugat n'ya ang sobrang pagkatakot. Sa pagkakataong ito ay gusto na n'yang bumangon ngunit napatda s'ya at piniling huwag gumalaw nang sa may bintana ay humampas ang mga pakpak ng kung anung nilalang, lumibot ng lumibot, pabalik-balik. Sa puntong yaon ay hindi na n'ya napigilan ang mga luhang umagos mula sa mga mata n'ya. Ni hindi n'ya magawang pahirin ito dahil sa sobrang takot. Nanatili s'ya sa ganoong ayos hanggang sa unti-unting naglaho ang nanggugulong nilalang na iyon. Hindi parin s'ya tumigil sa pagluha. Ninais n'yang bumalikwas sa pagbangon ngunit hindi n'ya magawa. Parang may kung anung dumagan sa kanya, para bang may mabigat na pwersa ang pumipigil sa kanya upang makabangon na kahit anung gawin n'yang pilit ay 'di n'ya matalo ang pwersang iyon. At nang matuon ang paningin n'ya sa may bintana na malapit sa paanan n'ya ay natunghayan n'ya ang isang lalaking nakasuot ng itim na damit, madilim ang mukha na ni hindi n'ya makilala kung sino. Itinaas nito ang kamay na may hawak na patalim, nakahandang isukmal sa kanya. Sa kanyang nakita ay nangalog ang buo n'yang katawan sa pinaghalong kaba at takot. Muli s'yang lumuha, naroon ang pagnanais na makawala sa tila pagkagapos sa kung anuman. Unti-unting lumalapit ang imahe ng lalaking iyon. Gusto n'yang pigilan ito sa maaaring gawin nito sa kanya. Gusto n'ya itong labanan. Sumigaw s'ya ng sumigaw pero walang tunog na lumalabas sa kanyang bibig. At doon nabatid n'ya na bangungot lamang ang lahat. Kailangan n'yang gumising ngunit hindi n'ya magawa. Tinatalo na s'ya ng takot at panghihina ng loob. Konti na lang at mawawalan na s'ya ng pag-asa na muling magising at mabuhay. Hindi n'ya matigil-tigil ang paghikbi ng tahimik. Muntikan na n'yang matanggap ang pagsundo sa kanya ni kamatayan ngunit sa wari n'ya ay sinadya ng Diyos na kunin ang atensyon n'ya. Napatingin s'ya sa maliit na altar na nasa may paanan n'ya, sa kaliwang bahagi, nakita n'ya ang imahe ng Diyos at sa mga mata nito, sinasabing may pag-asa pang mabuhay basta't lumaban ka lang kaya bumalik ang kanyang katapangan na itinuro pa ng butihin n'yang ama't-ina. Muling sumagi sa isipan ang mga mahal sa kanya. Muli s'yang nabuhayan ng loob. Noong papalapit na ang lalaking may dalang patalim ay puno ng pag-ibig sa Diyos, buong lakas at tapang n'yang nilabanan ang pwersang kanina pa nakadagan sa kanya. Pasigaw s'yang bumalikwas ng bangon at habol-habol n'ya ang kanyang hininga. Niyakap n'ya ang sariling nanginginig at patuloy sa paghikbi dala ng katakot-takot na bangungot na iyon. Akala n'ya ay katapusan na iyon ng kanyang buhay. Tumitig s'ya sa larawan ng panginoon at namutawi sa kanyang labi ang salitang "salamat!". Paulit-ulit n'yang inusal ang salitang yaon. Sa puntong iyon ay kanyang napagtanto na sa gitna ng lahat, laging naroon ang Diyos sa bawat sakit at hirap ng iyong buhay. Naroon s'ya upang magbantay sa iyo byente-kwatro oras kada araw, pitong araw sa isang linggo, apat na lingo sa isang buwan, labing-dalawang buwan sa isang taon at sa buong buhay mo.

Tunggalian ko Kay KamatayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon