Nakahinga ako ng maluwag matapos ang interogasyon. Instant prinsesa si Jane kahit langgam banned sa kabahayan namin. Kita ko sa mata ni mudra ang kasiyahan. Magaan agad ang loob ng pamilya ko sa kunwaring girlfriend ko. Sabi ni Daddy, sabik daw sa anak na babae si Mommy kaya naging malambing ang pakikitungo nito kay Jane. Nakakaasar nga lang dahil mga kapalpakan ko ang topic nila.
Hapon. Nagpaalam umuwi si Jane. Lumabas kami ng bahay at nagmistulang ako si Moses dahil nahawi ko ang dagat ng mga tsimosang nakapaligid sa aming bahay. Pareho kaming nakangiting umalis, hindi ko alam kung dahil sa naloko namin ang magulang ko o talagang masaya ang naging takbo ng usapan.
"Thanks ha! Nag-enjoy ako!" Si Jane.
"Pwede namang bumalik ka anytime para mag-enjoy ka ulit," biro ko. Sa totoo lang gusto ko na siyang itaboy palabas kapag ako topic nila pero nag-enjoy din naman ako kaya hinayaan ko na lang silang pagtawanan ako.
"Sinabi mo yan ha! Malamang tataba ako dito."
"I told yah! Mahilig talaga sa cholesterol ang mga magulang ko."
Naupo muna ako sa may bangketa habang wala pang dumadaang tricycle. Nang mapansin ni Jane na wala ako sa tabi niya, lumakad siya palapit sa akin.
"Slang ka na naman ha. Hilahin ko ang dila mo e." Pinaglaruan ni Jane ang nagkalat na maliliit na bulaklak sa daan. "Ano 'to?"
"Bulaklak ng nara," sagot ko.
"Bumubulaklak ang nara?" Namilog ang mata ni Jane sa labis na pagtataka.
"Oo. At kapag ganitong tag-init bumagsak sila. Ganda nga pagmasdan e. Parang umuulan ng bulaklak lalo na kapag malakas ang hangin."
Tumayo ako nang may makita akong parating na tricycle. "Huwag muna!" pigil ni Jane sa akmang pagpara ko sa parating na tricycle. "Hintayin muna natin bumagsak ang mga bulaklak."
"Paano kung walang dumating na malakas na hangin?"
"Pinapaalis mo na ba ako?" sumbat niya.
"Uupo na nga ulit ako e. Kahit gabihin tayo dito okay lang saken." Naging seryoso ang mukha niya matapos kong bumalik sa aking pwesto. Baka naimpatso na sa dami ng kinain.
"Salamat ha. Hindi ko inaasahan na magiging masaya ang araw na to. Napalitan ng saya ang lungkot ko kanina."
"Oo nga e. Muntik mo pa ngang dumihan ang damit ko."
"Yabang mo! Kidding aside, nagpapasalamat ako sa lakas ng loob mong sundan ako."
"Naiiyak naman ako sa mga lines mo."
"Puro ka naman biro eh, seryoso na ako."
"Alam mo Jane, ayaw ko kasing kumukunot ang noo mo. Pwede ka namang magpasalamat na happy mood."
"Sabagay. Thank you talaga, Zoilo!" sigaw ni Jane. Bumulusok ang malakas na hangin kasunod ang pagbagsak ng bulaklak ng nara. "Wow. Parang cherry blossoms, yellow nga lang!"
Nag-ipon ako sa palad ko ng mga bulaklak. "Noong mga bata kami isinasaboy namin ito sa mga dumadaan o kaya naman kapag naglalaro kami ng kasal-kasalan."
"Nasaan na ang partner mo sa kasalan?"
"Ah eh, wala. Ako kasi ang pari." Hindi ko alam kung bakit pa ako nagkwento. Parang gusto kong tadyakan siya para tumigil sa pagtawa. Isinaboy ko na lang sa kanya mga bulaklak sa palad ko at gumanti din naman siya. Masaya kami sa ginagawa namin pero sa mga nakakakita mukha kaming mga tanga.
Tinitigan niya ang malaking puno ng nara sa aming likuran. "Cool ng nara oh? Sa kabila ng kabruskuhan niya may soft side pala siya." Manghang-mangha si Jane sa puno. Nakuha pang ikumpara sa tao. "Ang alam ko lang matibay na kahoy ang nara ngayon alam ko na kaya din pala niyang mamulaklak ng maganda."
"Bumubunga din yan."
"Talaga? Anong hugis?"
"Joke lang. Haha!" bumingisngis ako. This time siya naman ang pinagtawanan ako.
"Loko! Next month, uuwi na ang parents ko from Bohol. Ipapakilala kita sa kanila."
"Sige. Palagay ko naman madali akong papayagan kasi kasundo mo na agad ang magulang ko."
"Cool nga ng parents mo e."
"Aliw na aliw ka nga e. Halos lumuwa ang mata mo kapag inilalaglag ako ng parents ko."
"Kasi ba naman, hindi naman pala alam ng parents mo na Loi ang pangalan mo." Gumuhit na naman ang ngiti labi nya. Masarap siguro siyang bilugin at gawing emoticon.
"Eh di ikaw na ang may magandang pangalan!" Sumimangot ako at umalis sa tabi niya.
"To naman oh, pikon agad." Hindi naman talaga ako napikon. Umarte lang. "Sorry na oh."
Hindi ako kumibo.
"Loi, uy. Uy Loi! Sorry na!"
"Gotcha! Umaarte lang!" mapang-asar na wika ko. Bago pa tuluyang maging luoy ang pangalan ko umamin na ako.
"Sus! Sincere pa naman ako kapag nagsosorry tapos niloloko mo lang pala ako. I hate it!" Biglang nagbago ang mood niya, daig pa ang babaeng sumapit sa menopausal stage. Hindi nga siguro maganda ang biro ko.
Lumapit ako. Tumalikod siya at parang inip na inip na naghintay ng tricycle. Patay! Mabubulilyaso pa yata ang chance na ipahiya ang mga bumasted sa akin. "Sorry, nag-assume kasi ako na close na tayo kaya nagbiro ako."
"Lesson? Never assume!" Hindi pa din siya humarap sa akin.
"Sige di na mauulit," seryosong pagpapakumbaba ko.
Natagalan pa bago siya humarap sa akin. " Gotchaa! Umaarte lang! Haha! Akala mo ha!" Pambihira! Ako pa ang naisihan sa sinimulan kong kalokohan. Ginulo niya ang buhok ko at tinawanan ang pagkaseryoso ko. "Mas bagay talaga sa'yo ang gulo ang buhok at walang salamin."
Ngumiti lang ako. Kulang na lang sabihin niyang jologs ako dahil sa mala-Rizal hair style ko.
"Jane, parang gusto kong tawagin kang Juanita."
"Subukan mo lang, bali ang buto mo!" Iniikot niya ang kanyang braso sa aking leeg na parang bang gusto na niya akong makipaglaro ng bingo kay San Pedro.
Tumagal pa ng dalawang oras ang aming pag-uusap. Inamin niya sa akin na hanggang ngayon ay mahal niya pa si Dexter. At kung sakaling maisipang bumalik sa kanya si Dexter ay tatanggapin niya ng buong puso. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, parang may kumurot sa aking puso. Naawa ako kay Jane sa gusto niyang mangyari. Kung pwede lang ipapasampal ko siya kay Jollibee para matauhan, ginawa ko na.
BINABASA MO ANG
BLACK BELTER KONG PRINSESA
Teen Fictionenjoy2x nalang po kasi katuwaan lang to sakin pero pinapawaisan rin naman ako sa pagpopost nito :D sa lahat ng magbabasa nito please vote and comment nalang haa para enjoy tapos para nakakagana naman