"Alam mo hindi ko gustong matulad sa kuwento ng kapatid ng lola ko." sambit ni Carol sa kanyang kaibigan.
"Bakit ano ba ang kuwento ng lola mo?" tanong ni Jen na kaibigan ni Carol.
Sa Bayan ng Maligrosa nakatira si Carolina at ang kanyang pamilya. Gobernador ang kanyang ama kaya't masasabi na may kaya ang kanyang pamilya. Maganda si Carolina kaya't marami ang nabibighani sa kanya. Laging may mga bulaklak , mga prutas at gulay na dala-dala ang mga lalaking nagkakagusto sa kanya. Ngunit ni isa ay wala siyang nagustuhan puwera na lamang ang nag-iisa niyang kaibigan na si Ben. Si Ben ay kayumanggi at nag-uumapaw ang kapogian. Bukod dito siya rin ay tumutulong sa sakahan ng kanyang pamilya.
Simula pagkabata ay magkakilala na si Carolina at Ben dahil si Ben ay anak ng magsasaka sa Bayan ng Maligrosa. Matagal ng may lihim na pagtingin si Carolina sa binata ngunit ayaw niya itong sabihin dahil baka iwasan lamang siya nito pero lingid sa kaalaman ni Carolina na pareho pala sila ng nararamdam ni Ben.
Palaging naliligo sina Carolina at Ben sa lawa tuwing Sabado, naglalaro ng patintero, nagpapalipad ng saranggola at umaakyat si Ben sa puno ng bayabas na paboritong-paborito ng dalaga. Ngunit lahat ng ito ay naglaho ng may makilala si Carolina na ibang lalaki.
"Hala! Huwag mong sabihing ipinagpalit ni Lola Carolina si Lolo Ben sa ibang lalaki?!" pasigaw na sambit ni Jen kay Carol.
"Patapusin mo nga muna ang kuwento." naiinis na sagot ni Carol sa kaibigan.
Ibang-iba si Jack kay Ben dahil bukod sa maputi si Jack ay mayaman din ito. Nabaling nga ang atensyon ni Carolina kay Jack at palaging na silang lumalabas.
Sa mga araw na hindi nakakasama ni Ben si Carolina ay itinutok na lamang niya ang kanyang atensyon sa kanilang sakahan. Hindi siya nakipagkumpitensya sa atensyon ni Carolina. At sa araw-araw na pagsasama ni Carolina at Jack nagtapat ang binata kay Carolina. Nag-alangan muna si Carolina pero sa huli sinagot niya ito dahil naisip niyang hindi naman siya magugustuhan ng kaibigan niyang si Ben. Isang araw , pumunta si Carolina at Jack sa lawa na pinagliliguan nila ni Ben noon ngunit pagdating nila doon nakita ni Carolina si Ben na may kasamang ibang babae. Parang kinurot ang puso ni Carolina sa sakit ng nakita niya si Ben na may kasamang iba."Hala siya, nagselos si Lola Carolina eh may Jack na siya?" singit na tanong ni Jen sa kaibigan.
Simula noon, palagi na lamang wala sa wisyo si Carolina kapag kasama niya si Jack na humantong sa hiwalayan. Lumipas ang mga araw at naisipan ni Carolina na puntahan si Ben sa kanilang sakahan at doon nagkasalubong sila ni Ben.
Walang ibang pinakitang emosyon si Ben kundi pagtataka na bumisita ang dalaga."Yun na yun? Nagkaayos ba sila? Nagkatuluyan? tuloy-tuloy na tanong ni Jen kay Carol.
"Nagkaayos naman si Lola Carolina at Lolo Ben." sagot naman ni Carol
"Edi naging sila na?!" pasigaw na tanong ni Jen.
"Hindi, dahil sa panahon daw na sumama si Lola Carolina sa Jack na yon, may nakilala rin na ibang babae si Lolo Ben." malumanay na sagot ni Carol sa kaibigan.
"Huh? Sa maikling panahon na yon nakahanap agad si Lolo Ben ng kapalit ni Lola Carolina?" nagtatakang tanong na naman ni Jen kay Carol.
"Wala naman akong sinabing ipinagpalit ni Lolo Ben si Lola Carolina Jen at may nakilala lang siya pero si Lola Carolina pa rin ang tanging mahal at laman ng puso niya." sagot ni Carol.
"Eh, ano ang ending?" nagbabakasakaling tanong ni Jen sa kaibigan.
"Dahil noong naging tama na ang oras ng kanilang pagmamahalan ay siya namang pagkamatay ni Lolo Ben." pagtatapos na kuwento ni Carol sa kaibigan.