Nagsimula ang prusisyon sa kanyang tahanan, kasama ang daan-daang kaibigan at pamilya na sumunod sa kanya tungo sa kanilang tagpuan--ang simbahan.
"Rinig ko, si Summer naghanda sa lahat ng 'to. Napakabait na bata."
"Plinano na raw niya lahat sa una pa lang, para raw 'di na mabigatan mga magulang niya. Naku, naku, naku. Hulog ng langit ang bituwin na iyon."
Handa na ang simbahan para sa okasyon--isang matrimonyo. Mala-bahaghari ang mga haliging pinalamutian ng samot-saring bulaklak, at umalon ang mga puting kurtina mula sa mga dambuhalang bintana. Ang mga rebultong matikas ang tayo at mga taong mortal na makasalanan ay pigil-hiningang naghintay, nagmasid, nag-abang sa kanyang pagdating.
Yapak, yapak, mga yapak ng sanlibong paa. Nagkantahan ang mga kampana. Dumating na siya!
Nakanganga ang mga bibig ng mga tao sa kanyang kagandahan. Napaluha pa nga ang karamihan. Nakasuot siya ng puting bestida at nakoronahan ng mga krisantemo. Simple at elegante, may multo ng ngiti sa mga labi, dalagang kayang tumbasan si Haring Araw. Siya ay hinatid sa naghihintay sa altar.
Nagsimula na ang seremonya. Mga pangalan ay nasambit, mga nakaraan ay inalala. At ang dalaga sa entablado–si Summer–ay binuhusan ng liwanag ni Haring Araw at pinaulanan ng luha ng mga tao.
"Ang buhay," wika ng padre, "ay sadyang matalinghaga; sa pagkahaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy."
Nagtanguan ang madla, nagpakumbaba sa paalala. Padre, ang iyong tinuran ay isang kakatwang palaisipan.
Dahil sa paalalang iyon, bumaling and lahat sa dalaga.
Napakagandang bata, turan nila. Napakabait. Napakamatulungin. Hulog ng langit; biyaya ng Diyos. Huwaran. Dapat tularan. Maikli man ang prusisyong nalakbay, hinaplos naman niya ang mga puso ng kanyang dinaanan. Nawa'y mamahinga na siya. Yumuko ang lahat, at isinara na ang kabaong. Hinagkan ni Kamatayan ang kanyang kabiyak.
YOU ARE READING
Prusisyon sa Mayo
Aktuelle Literatura winner of ambassadorsph's write-a-thon may 2023 challenge with the theme "flash it!"