"Oh? Gabi na ah, bakit ka naparito?" binungad agad si Mae ng tanong na iyon ni Marvin.
"Pwede ba tayong mag-usap?"
Walang nagawa si Marvin kun'di buksan ang pintuan ng kanyang bahay upang patuluyin si Mae.
"Di ka pa ba kumakain?" tanong ni Marvin nang makapasok na si Mae.
"Hindi pa" sagot naman ni Mae.
"Hintayin mo lang ako rito at pagbibilhan kita ng pagkain" at agad namang lumabas si Marvin at bumili ng makakain sa kabilang kalye.
Habang sa paglalakad ni Marvin, may napansin siyang babaeng kanina pa sumusunod sa kanya.
Di niya lang ito pinagtuunan pa ng oras at tumungo agad sa turo-turo na kasalukuyang bukas pa.
Bumili ito ng bihon at kare-kare dahil iyon na lamang ang natitirang ulam.
Sa paglalakad ni Marvin pauwi sa apartment na kanyang tinutuluyan ay napansin niya ulit ang babaeng sumusunod sa kanya. Kinutubuan siya kaya lumiko siya sa isang masikip na eskenita.
"Sino ka at anong kailangan mo?" bungad ni Marvin nang nahuli niya ang babaeng sumusunod sa kanya. Hinawakan niya ito sa leeg.
Dahil madilim ang paligid ay ngayon niya lang napansin na isa itong matandang babae.
"Aacck—" di makasagot ang matandang babae dahil sa sobrang higpit nang pagkakahawak ni Marvin sa kanyang leeg.
"Sumagot ka!"
"Nas-saan si Lyn? Nasaan ang a-anak ko?" pinilit ng matanda na makapagsalita.
Biglang napahinto naman si Marvin dahil sinabi ng matanda.
"Lyn.." mahinang pag-uulit ni Marvin sa pangalang 'Lyn'.
Ibinaling naman agad ulit ni Marvin ang atensyon sa matanda.
"Bakit mo siya sa akin hinahanap? Balak mo din ba siyang kunin sa akin! Di mo siya kayang kunin! Akin lang siya! AKIN!" at napadiin ang pagkahawak nito sa leeg ng matanda.
Nanlaki naman ang mata ng matanda at ibinuka niya ang kanyang bibig upang makalanghap ng hangin dahil hindi siya makahinga dahil sa ginagawa ni Marvin.
"Akin lang si Lyn, akin lang si Joyce, akin lang si Marjorie , akin lang si Myra at akin lang si Mae.. Hindi mo sila kayang kunin sa akin" at kasabay nang pagdiin ni Marvin sa mga binibitawan niyang salita ay mas diniinan niya rin ang pagkasasakal sa matanda hanggang sa nawalan na ito ng hininga.
Binitawan niya agad ang malamig na bangkay ng matanda. Umalis siya sa lugar na kung saan niya iniwang nakahandusay ang matanda at nagpatuloy lang siya sa paglalakad na wari'y wala lang nangyari.
'Kailangan mong puntahan agad si Mae! Baka kunin din siya sa iyo ng iba katulad ng matandang babae!' isang tinig na naman ang kumausap kay Marvin.
"Hindi.. Hindi m-maaari" at tumakbo agad si Marvin upang makarating na agad sa kanyang apartment.
Nang makarating na ito sa apartment niya, ay may nakita siyang lalaki na kasalukuyang kausap si Mae.
Bigla namang nandilim ang paningin nito at humigpit ang pagkakahawak sa plastic bag na may lamang ulam na binili niya kanina.
Lumapit ito sa dalawa habang nanlilisik ang mata na parang makakapatay ito ng wala sa oras.
"Marvin!" pagbati ni Mae kay Marvin nang makita niya ito.
Umakto naman si Marvin na parang walang may nangyari."Naghahanap sa'yo.." dagdag ni Mae at itinuro ang lalaking kausap nito.