What are the odds kaya kung hindi naging maganda ang gising ko?

2 1 0
                                    

A-kinse ng Mayo. 8:00 AM. Walang kahit ni isang ulap na makikitang sumasapaw sandali sa nakangiting araw. May hangin pero hindi kayang pagbuhulin ang mga nagkalat na dahon sa daan. Maganda ang panahon. Ganoon din ang gising ng nag-iisang Rene Dimaano na matiyagang naghihintay ng bus papuntang siyudad. Upo. Tatayo. Upo. Tayo ulit. Sandaling hahaba ang leeg para silipin kung may bus na. Upo ulit. Tatayo ulit kapag naramdamang namanhid na ang pwet. Naging siklo na. Kahit na tatlong oras na siyang naghihintay ng masasakyan ay hindi niya iyon ininda kasi nga maganda ang araw niya ngayon. Sa araw-araw na sistema ng pagiging estudyante ni Rene ay kilala na siya ng waiting shed. Hindi tulad noong nasa senior high pa siya na stranger palang ang turing ng shed sa kaniya—kasi nga hinahatid siya ng papa niya. Pero ngayong nasa kolehiyo na siya ay pinabayaan na siya nitong makipagpatayan sa lamok at manhid kahihintay ng sasakyan silong sa nag-iisang waiting shed sa Santolan Street. Hindi niya alam kung bakit ang tagal ng mga sasakyan dumating sa mismong hintayan niya, e wala namang traffic sa kanila. O sadyang ang kupad lang ng andar ng bus dahil sa kalumaan? “Ay, ewan” ang tanging bulalas ni Rene. Ayaw niyang sidlan ng nakaka-frustrate na tanong ang utak niya kasi nga maganda ang araw niya ngayon.

Tumingin siya sa relos niyang gold Seiko. Quarter to 9:00 na. Ayaw niyang mahuli sa klase ni bruhildang Miss Olivario. Baka sabihin na naman nitong kasalanan ba raw niyang traffic at na-late siya sa klase niyang Understanding The Self, e wala naman siyang naiintindihan kahit na sarili niya. E kung tutuusin hindi naman niya sinisisi ang guro. Ayaw niya namang lumiban sa klase. Sa kabilang banda, kaunting pagtitimpi na lang ang natira at lalabas na sa bunganga niya ang mga murang kahit na alien from anywhere else ay mao-offend at iiyak. Bakit ba kasi ang tagal ng sasakyan? Pero pinipigilan niya, nilalabanan ang urge to spit some filthy shit kasi nga maganda ang araw niya ngayon.

Tinignan niya ang relos. Sabi nito ay 10:01. Hindi nito sinabi talaga, pinahiwatig lang nito gamit ang mga kamay na hindi nahihilo para lang makapagbigay ng oras sa mga tao. Pinapatunog na lang niya ang mga buto sa daliri. Anxiety attack. Ayaw niya 'yon. Sa wakas, may sasakyan na rin. Huminga siya nang maluwang. Sa wakas. Pero ayaw niyang makampante kasi another struggle na naman.

Sumakay na siya sa bus na kalahating oras ng araw niya ay nakain. Pinasadahan niya ng tingin ang loob. Kaunti lang ang pasahero, at majority pa ay nakasimangot. Naisip niya kung kabilang din ba sila sa mga kagaya niyang inagahan ang gising pero mali-late pa rin dahil sa tagal ng sasakyan. Anyway, pinili niyang umupo sa gitnang bahagi katabi ang isang mid-30s na babae.

***

Habang ang iba ay idinaan sa pag-idlip ang haba ng byahe, ay siya namang abala ng isang Rene Dimaano sa ginagawa nito. Tulog na rin ang katabi niyang babaeng naka-sarong at naka-sunglasses pa. Naisip niyang tignan muli ang kaniyang ginawang proyekto para sa isang asignaturang Art Appreciation under sa gurong si Prof. Arevalo. Isa itong drawing na nagpapakita ng naging buhay ng ating mga ninuno noon. Maganda para sa mga mata niyang maiitim na ang eyebags —common signs na ang ang batang ito ay nasa kolehiyo na. Ayos ang pagkaka-balanse ng kulay. Naiisip na niya ang sasabihin ng guro niya:

“Ang ganda naman nito, Reneboy!” na may kasama pang pag-ngiti na animo'y ang estudyante lang ang magaling sa larangang iyon.

Napangiti na lamang siya sa naiisip habang hawak niya ang bondpaper. Para na siyang timang sa estado na iyon. Na-zone out siya mga 2 minutes na pati konduktor ay nailang baka may dumi ito sa mukha. Alam niya kasing sa pagdo-drawing siya nagi-excel. Kung sa math, e huwag na raw nating pag-usapan. Sa ganoong larangan e alam niyang appreciated siya. Alam niyang nakikita siya bilang tao na may halaga at hindi kung sino mang bobo na tinatawag ng guro niya sa Psycho 2. Pero kahit na ganoon ay tumataas ang kumpyansa niya sa sarili kasi sa kabobohan niya sa ibang bagay, ay may mga bagay naman na magaling siya. Nakatanim na iyon sa isip niya. Kaya ayaw niyang lumiban kasi itong araw na to ang pinanghahawakan niyang maging kilala siya sa pagguhit at ipamukha sa mga taong nag-aalangan sa kaniyang pagkatao na hindi lahat ng matalino ay magaling na sa lahat. Dahil doon ay kailangan niyang bigyang gantimpala ang kamay niyang may bahid pa ng mga kulay na ginamit niya kagabi. At there's this thought na may kailangan ang medyo may kaitimang labi.

Katahimikan.

Tinignan niya ulit ang relos. Isang oras na lang at magsisimula ang ang first subject niya sa araw na iyon.

Inayos ang buhok na nagulo ng hangin.

Iniisip ni Rene na baka may biglaang pa-quiz si Miss Olivario. Hindi pa naman siya nakapagbuklat ng libro kagabi dahil mas inuna niya ang bagay na sa tingin niya ay ikalalaki ng marka niya. Kahit doon man lang maging proud siya sa sarili niya. Mula sa bibig ay pinagpagan niya ng abo ang puting stick sa bintana.

Katahimikan.

“Ano ba naman iyan, walang modo. Ket sa bus nagsisirgarilyo!” sabi ng babaeng katabi niya.

“Oo nga, ate, walang respeto kahit sa katabi man lang niya.” Sang-ayon naman ni Rene.

Boombastic side-eye! Nagulat ang ale, pero hindi niya iyon pinapansin at patuloy pa rin sa pasaring.

“Hay naku, mga tao talaga. Alam ba nilang nakasasama rin sa kapaligiran ang pagsisigarilyo? E, nakakadagdag lang ito sa Noise Pollution!” asik ulit ng babae.

“Air Pollution, ate,” koreksyon niya sa babae.

Napatakip ng ilong ang babae dahil sa usok na hindi ipagkakailang nanggaling sa sigarilyo. “Ah, kahit na! Polusyon pa rin iyon."

Muling humirit ang babae, “Nako naman, ang baho...”

“Kaya nga ate, e.”

“Hindi ba nila alam na mas naapektuhan ang mga nakakalanghap ng usok ng sigarilyo kaysa sa mga nagsisigarilyo talaga?”

“Hindi nga siguro nila alam, ate, kaya gano'n. Sino ba kasi ang nagsisigarilyo? Sa gitna pa talaga ng byahe natin ha?!” singhal naman ni Rene.

“Kapag ako talaga nainis, magwawala ako rito para paalisin ang may gawa niyan!” muling hirit ng babae.

“I second the motion, ate.” si Rene.

Ilang sandali pa ay sa wakas dumating na sila sa terminal. Naunang bumaba ng bus si Rene, dahil siya naman iyong unang siningil ng konduktor sa pamasahe niya. Walang konek ang rason niya pagbaba sa bus. Alam niya iyon.

Bago sumakay ng tricycle patungong campus ay humithit muna siya sa sigarilyong malapit ng maupos bago iyon tinapon sa isang sulok at pinatay ang sindi gamit ang black shoes niyang nitong umaga lang nalagyan ng shoe-polish. Sakay sa isang tricycle ay natapunan niya ng tingin ang bus na sinakyan niya kanina — lulan ang isang babaeng katabi niya kanina habang nakataas ang gitnang daliri niya. At para bang para iyon sa kaniya. Ang badass ni ate.

***

Pagdating niya sa campus ay nalaman niya sa kaklase niyang si Albert na cancelled ang klase sa tatlong subject nila sa araw na iyon. Tumatalsik pa ang laway ng binata habang sinasabi iyon. Iyon ang walang modo at walang pakealam sa kapwa. Ano bang akala niya sa laway niya, holy water?

Isa lang ang ginawa ni Rene sa araw na iyon. Pumara ng tricycle pa-terminal. Nagbayad ng pamasahe. Dumiritso sa parking ng bus na papunta sa kanila. Sumakay doon. Pinagtitinginan siya ng ibang pasahero. Ayon sa laging ginagawa, pumwesto na naman siya gitnang bahagi ng bus.

Sayang. Iyon ang naisip niya sa oras na iyon habang bumyahe pauwi. Sayang kasi hindi nakita ni Prof. Alevaro ang masterpiece niya. Pero okay lang din kasi walang Miss Olivario ang sumusuntok ng mga teorya patungkol sa pagkatao sa mga mukha nila. Pero mas okay kung nakita ni Prof. Alevaro ang pinaghirapan niya. Pero okay lang, sabi niya na lang. Inaliw niya na lang ang sarili sa pakikinig ng music sa spotify. Sinalpak ang earphones sa dalawang tenga at magiliw na nakikinig sa bandang The 1975.

Nakatulog siya sa byahe at nagising din dahil sa ingay.

“ANG INGAY NAMAN! PUTANGINA!!” singhal niya sa ibang pasahero.

Dumako ang mga mata sa kinauupuan niya. Nagtatakang tumingin sa kaniya dahil wala namang nag-iingay. Sa kabilang dako, napansin ni Rene na parang may mali ay agad kinuha ang earphones sa tenga at doon nagsisuntokan ang salitang palagi niyang naririnig.

“Wala namang nag-iingay, bata. BOBO KA BA?!”

Sa araw na iyon, gumising siya nang maaga, naghintay ng sasakyan for about 3 hours, bumyahe for about 2 hours, tapos umuwing walang napala sa campus. Nagpuntang kwarto. Sumalampak sa kama.

Noong gabing iyon, si Rene ay nakatulala habang nakatingin sa kisame nang hindi kumukurap, at medyo nagkaka-existential crisis.

“Bobo ba talaga ako?”

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 27, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Wala Pang Title HihiWhere stories live. Discover now