TRIBO NG MGA ASWANG

138 5 0
                                    

TRIBO NG MGA ASWANG (Exclusively written for Aling Marya YouTube channel)
Isinulat ni Jiara Dy

BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN. STOP PLAGIARISM!

ILANG ORAS na kami sa byahe pero parang napakalayo pa rin namin sa aming destinasyon—ang Mt. Banal. Isa sa mga atraksyon sa bundok na iyon ang malaking krus na matatagpuan pa sa pinakatuktok ng bundok. Maraming nagsasabi na iilan pa lang daw ang nakakarating do’n, pero sa kagustuhan naming manalo sa contest ng unibersidad na pinapasukan namin, tumuloy pa rin kami. Ang makakapagpasa kasi ng pinakamagandang documentary ay tatanggap ng malaking halaga at magkakaroon pa ng advantage para sa nalalapit naming final examination. Pwede naman kaming mamili ng mga kagrupo para sa documentary kaya nagkasundo na lang kaming limang magkakaibigan sa klase. Ako, sina Jenna, Rebecca, Lennon, at Lester ang magkakasama sa team.

Pagdating namin sa paanan ng bundok, naghanap kami ng mapagtatanungan kung saan ang mas mabilis na daan para makarating sa banal na krus. Marami kasing sanga-sangang daan ang bundok at pwede kaming maligaw lalo na’t first time lang namin dito. Sakto naman na may nakasalubong kaming matandang lalaki na may pasan-pasan pang mga kahoy na panggatong. Bakas ang pagkagulat sa mukha niya nang makita kami at ang mga dala naming gamit na pang-camping.

“Manong, saan po ba rito ang daan papunta sa banal na krus?” lakas-loob kong tanong sa matanda. Medyo nag-alangan pa ako dahil wala siyang kangiti-ngiti habang nakatingin sa amin. Pinagsabihan ko naman si Lester na huwag na lang tutukan ng camera ‘yong matanda dahil baka hindi ito komportableng magpakuha ng video. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming lima bago siya nagsalita. Tinanong niya kung sigurado daw ba kami sa gagawin namin. Delikado raw kasi ang daan papunta sa kinaroroonan ng banal na krus. Pero dahil nagpumilit kami, napilitan na rin siya na ituro ang ruta paakyat sa bundok. Nagpasalamat naman kami sa kaniya, pero bago kami tumuloy, nagbilin pa siya sa amin. ‘Wag na ‘wag daw kaming magtitiwala sa sinumang makakasalamuha namin sa bundok. Hindi naman ‘yon sineryoso ng mga kasama ko. Obvious naman daw na tinatakot lang kami no’ng matanda.

Noong una, nagtatawanan pa kami habang binabaybay ang gubat paakyat sa bundok. Mukhang wala talagang masyadong nagpupunta roon dahil matataas na ang damo sa dinaraanan namin. May dala naman kaming mapa pero matapos ang mahigit isang oras na paglalakbay, bigla kaming nawala sa tinatahak naming ruta. Nagtatalo-talo na ang mga kasama ko, pero agad din naman naayos ang hindi pagkakaunawaan at nagdesisyon na sundin na lang suhestiyon ni Lennon bilang team leader namin.

Nang mapagod kami sa paglalakad, nagpasya muna kaming magpahinga malapit sa batis. Inilapag namin ang mga dalang gamit at sinimulan nang magtayo ng tent. Malayo na kami sa paanan ng bundok pero malayo pa rin kami sa banal na krus. Kumakalat na rin naman ang dilim sa paligid at mas lalo kaming mahihirapang hanapin ang daan. Kung sisimulan muli namin ang paglalakbay bukas, malamang ay gabi na rin kami makakarating sa pinakatuktok.

Nanguha kami ng mga siit at mga tuyong dahon para sa gagawin naming bonfire. Ang mga kasama naman naming lalaki ang nag-aasikaso ng pagluluto ng pagkain namin. Gumawa sila ng tungko na gawa sa tatlong may kalakihang bato para paglutuan. Mabuti na lang at may batis malapit sa kinaroroonan namin kaya hindi na rin naging problema ang tubig.

Pagsapit ng alas-syete ng gabi, nagkukumpulan na kami sa palibot ng bonfire habang kumakain at nagkukuwentuhan. Ngunit ang malakas naming tawanan ay agad na nauwi sa matinding katahimikan nang makarinig kami ng sunod-sunod na alulong ng mga aso. Kinilabutan ako sa ingay na ‘yon. Nagkatinginan na rin kaming magkakaibigan.

Paano naman magkakaroon ng mga aso sa bundok?

Ilang saglit pa, nakarinig kami ng kaluskos mula sa ‘di kalayuan. Sa takot ko ay dali-dali akong lumapit sa mga kasama ko. Si Lester, kaagad na kumuha ng flashlight at itinapat sa pinagmumulan ng kaluskos. Lumakas ang kabog ng dibdib ko nang tumambad sa amin ang isang matandang lalaki at isang binatilyong may takip ang kaliwang mata. Nakakatakot ang itsura nila. Matalim ang tinging ipinukol sa amin ng matandang lalaki. Pero ilang saglit lang, biglang naging maamo ang mukha nito. Napansin ko ang bahagya nitong pagngisi bago magsalita. Ang sabi ng matanda, delikado raw ang mag-camping sa parteng ito ng gubat dahil dito madalas na nagagawi ang mababangis na hayop.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon