Si Marco at ang Komportableng Trono

41 3 0
                                    

Pinagpapawisan siya. Nanginginig ang dalawang tuhod. Bukas ang aircon ng bus. Hindi siya mapakali. Kung kaya niya lamang gawin ay kanina pa niya sinapak ang katabing pasahero dahil sa sobrang laki nito, naiipit siya at nauusog sa bintana. Ngunit hindi niya pwedeng gawin iyon dahil mas dadagdag iyon sa sakit at baka matuluyan ang supersayan niya. Panay ang punas niya sa mukha at sa leeg maging sa mga braso. Marahan niyang kinakagat ang kaniyang dila upang maibaling dito ang atensyon pero wala na itong magagawa pa. Hinang-hina na siya pero ang isip, gisig na gising. Kung ano-ano na ang pumapasok sa utak niya at gusto na lamang niyang tumayo pero alam niyang mahihirapan din siya roon.

Alam ng binata na ang digmaang nagaganap sa kaniyang loob ay kaya niyang malagpasan. Pero literal na pinanghihinaan siya - ng loob, ng kalamnan, ng isip na kung ano-anong iniisip. Ang tanging kalasag niya ay ang backpack niyang nakapatong sa kaniyang hita, yakap-yakap nang mahigpit. 

Binalingan niya ang kaniyang selpon, may isang kilometro pa. Nilingon niya ang labas. Trapik. Mistulang digmaan din dahil sa siksikan. Halos magdikit na ang mga sasakyan. Nahagip pa niya ang isang bata sa jeepney na bumelat pa sa kaniya. Mas lalong kumulo ang kaniyang dugo. Itinaas niya ang gitnang daliri, umiyak ang bata sa labas at isinumbong ito sa amang may malaking tattoo na bumabalot sa kaniyang braso, umamba ito ng kamao. Nag-iwas na lamang siya ng tingin.

Sabay kalam ng kaniyang sikmura. Hindi na siya mapakali. Dagdag pa ang tawanan ng mga magbabarkada sa likuran. Gustong isumpa ni Marco ang delubyong trapiko. Tangina, bulalas niya.

Truly, may mga bagay talagang kapag inimpit nang sobra ay mapupuno sa loob. At wala nang ibang paraan para maresolba kung hindi ay ilabas. Maraming bagay tayong sinasakripisyo para sa ibang bagay. Marami tayong mga bagaheng dala-dala, at hindi tayo giginhawa hanggat hindi ito binabawasan. Ambigat na ng loob ni Marco, hindi na niya kaya pang patagalin ito. Ang susunod na mga segundo ay magiging headline sa mga radio. At ito ang pangyayari na pinakatatatak sa kaniyang isipan habang-buhay.

Pumikit si Marco at nagdasal. Taimtim, ngunit may mga murang laman. Hindi na niya kaya. Masyado nang masakit, mabigat, masalimuot. Napatalon nang munti ang pawis na binata nang marinig ang unang putok. Tuluyan nang nagsimula ang digmaan. Umaatikabo ang mga pangyayaring naglalaro sa kaniyang isipan. Saglit siyang guminhawa nang mabawasan ang nadaramang pait subalit agad itong napawi nang sumagi sa kaniyang balintataw ang komportable nilang banyo. Wala na.

Mariin na lamang siyang pumikit at pinatakas ang isang patak ng luha nang marinig ang katabing pasahero na nagsabi ng, "ano 'yon, ambaho!"

Ceasefire.

Sari-sari StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon