Ale, sukli mo po!
Habang ako ay naglalakad sa bangketa papunta sa palengke. Nadaanan ko ang isang matanda at batang lalaki na nagtitinda ng gulay sa kariton.
"Lola, gusto ko po mag-aral."
Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ko iyong sinabi ng batang lalaki. Bumili ako ng buko juice, at pinakinggan ang pag-uusap ng matanda at nang bata.
"Kung wala lang gagastusin apo, pag-aaralin talaga kita."
Nahabag ang aking puso nang marinig ko iyon. Kung mayroon lang sana akong maitutulong, gagawin ko. Kaya lang, kapos din kami. Wala rin naman akong regular na trabaho.
"Nasaan po ba ang aking mga magulang? Bakit kayo po ang nag-aasikaso sa akin?" Ani ng bata.
"Ale, pabili po ng sibuyas at kalamansi." Ani ng babae at agad na umalis pagkabayad.
"Apo, magkano ba ang binayad ng babae? Tignan mo nga, medyo malabo na kasi ang mata ng iyong lola." Napalingon ako nang marinig ko iyon. Hindi ko alam kung malulunok ko ba ang buko na sumabit sa aking lalamunan.
Paglingon ko sa kanila, nakita ko na tinitignan ng matanda iyong singkuwenta pesos na binayad ng babae. Kaya pala malapitan niya iyong tinitignan ay dahil sa malabo na ang kanyang mata.
Kinuha ng batang lalaki ang pera, "Singkuwenta po lola." Napatagilid ng ulo ang bata, "Bakit po? Magkano po ba ang nakuha nang bumili?" Patuloy niyang tanong.
Napabili ulit ako ng buko juice. Mabuti na lang at limang piso lang.
"Bente pesos lang apo. Sobra iyong binayad niya." Ani ng lola.
Agad na kumuha ng trenta pesos ang bata sa kanilang lagayan ng pera at hinanap ang babae.
"Lola, saan po dumaan iyong babae?" Tanong ng bata.
Natawa ang matanda, "Bakit mo sa aking tinatanong apo? Alam mo namang malabo na ang mata ko. Hanapin mo na lang, hindi pa iyon nakakalayo sigurado." Sabay upo sa isang platic na upuan.
Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa. Hindi kasi nila napansin ang suot ng babae.
"Totoy, ano ang hinahanap mo?" Tanong ng lalaking nagtitinda ng buko.
Tumingin ang bata, "Iyong bumili po sa amin kani-kanina lang po. Sobra po kasi iyong binayad niya." Sagot niya sa lalaki.
"Ah, iyong babae ba na bumili ng sibuyas at kalamansi?" Tanong ulit ng lalaki.
Lumapit ang bata sa kanyang lola, "Lola, ano po ba iyong binili ng babae?" Tanong niya.
"Sibuyas at kalamansi." Nahahapong sagot ng matanda.
Napansin ko na naiinitan ang matanda dahil sa puwesto nila. Pero dahil sa wala silang pambayad sa palengke, natitiis sila sa ilalim ng sikat ng araw.
"Sibuyas at kalamansin nga raw po, Kuya." Sagot ng bata sa lalaki.
Lumapit ang lalaking nagtitinda ng buko, "Nakita ko siyang papunta doon. Naka-pulang damit at nakapantalon." Aniya at agad na tinakbo ng bata ang papuntang palengke.
Sinundan ko ng tingin ang bata habang ako ay umiinom ng buko juice.
"Kuya, kanina pa po kayo rito. May hinihintay po ba kayo?" Napatingin ako sa lalaking nagtitinda ng buko.
"Ah... Wala po." Sagot ko.
"E, bakit kayo nakatambay sa kariton ko?" Medyo nasungitan ako sa sinabi niya.
Bigla kong naaalala, may pupuntahan pala ako. Umalis na ako, baka mamaya ay mainis pa ang lalaki. Alam ko namang nakakaistorbo na ako sa kanya.
Habang ako ay naglalakad papunta sa pupuntahan ko. Naalala ko iyong tanong ng bata sa kanyang lola - tungkol sa magulang niya. Bakit kaya ganoon? Kapag may tanong tayo, biglang may darating o susulpot na makakapagpaabala nito. Imbes na malaman mo na ang kasagutan, mauudlot pa.