SINUBUKAN kong tawagan si Joy pero hindi siya sumasagot. Nagpadala rin ako ng messages pero kahit isa ay wala siyang ni-reply-an. Hindi na ako nagpumilit. Hinayaan kong ibigay sa kaniya ang oras na gusto niya. Nang sumunod na araw, nakipagkita sa akin si Timo. Hindi pa rin nawawala ang pangingitim ng ilalim ng mga mata niya pero mas maayos na siyang tignan kompara noong huli."Nakarating sa amin ang nangyari sa Research teacher ninyo at nagsagawa kami ng imbestigasiyon," aniya.
"Hindi ko alam na ginagawa niyo rin pala ang trabaho ng mga pulis," sagot ko.
"Kami ang pulis ng mga kakaibang nilalang. Kami ang humuhuli at nagpaparusa sa kanila."
Natahimik na ako. Nakukuha niya ng sumagot ng ganiyan samantalang hindi niya mapaniwalaan nang lubusan noon ang ikinuwento ko sa hospital. Pero marami ang nagbabago. Habang tumatakbo ang panahon, ganoon din ang mga bagay.
"At may kinalaman sila sa nangyari kay Sir Domagso?"
"Iyon ang sinasabi ng mga nakita namin."
"Nakita ninyo?"
"Pagkatapos makarating sa amin ng nangyari, nagpunta kami sa morge." Itatanong ko pa lang sana kung paano pero naunahan niya na ako ng sagot, "Hindi kami nahirapan dahil may mga kakilala roon si Lolo Tomas."
"At ano ang nakita ninyong kakaiba sa kaniya para masabi ninyong Berbalang nga ang may gawa?"
"Ang bakas ng matutulis na kuko, gula-gulanit na laman . . . Hindi iyon isang bagay na kayang gawin ng tao. At maraming beses na kaming nakakita no'n."
Hindi ko alam kung kaya kong paniwalaan ang mga naririnig ko pero nagtanong pa rin ako, "Ano, sinubukan ba siyang kainin?"
"Hindi." Nangunot ang noo ko dahil sa sinagot niya. "Mukhang sinadiya talaga iyon."
"Sinadiya?"
"Nakita siya sa loob ng bahay niya . . . Ang mga Berbalang ay walang kakayahan na pumasok sa bahay ng iba kung hindi sila aanyayahan."
"Kinokontra ng pahayag mong iyan ang una mong sinabi!"
"Hindi. Walang kahit anong contradiction dito. 'Yun pa nga ang pinakamatibay na ebidensiya."
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Ibig sabihin, kakilala niya ang gumawa no'n sa kaniya. Malamang na pinapasok niya para sa kung anong dahilan. At sino ba ang Berbalang na kilala niya pero hindi niya alam ang tunay na pagkatao?"
"Hindi." Naibagsak ko ang kamay ko sa lamesa kasabay ng pagtayo. "Sinabi niyang hindi siya ang gumawa. At wala ring ebidensiya na nakuha ang mga pulis laban sa kaniya."
Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa akin. Nakikipagtalo ako sa kaibigan ko dahil kay Lothaire. Dapat ay wala akong pakialam pero kusang kumikilos ang katawan at emosiyon ko sa ganitong pag-arte.
"Siyempre walang makikita ang mga pulis. Pero kami, marami!"
"Hindi pa ako naniniwala sa sinasabi mo na Berbalang siya. Hindi ko pa iyon napatutunayan."
"Pero sinabi ko na! Napatunayan na namin!"
"Ako ang hahanap ng patunay na kailangan ko." At iniwan siya.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...