MAGKASAMA kaming tatlo nina Joy at Timo na nakaupo sa bleachers at nag-uusap tulad ng dati, bago pa dumating sa mga buhay namin sina Lothaire at Allennon. Kahit may pagkakataon na nawawala sa sarili si Joy, nakikita ko namang totoo ang tawa at mga ngiting pinakakawalan niya ngayon. Nang magpaalam siyang bibili ng pagkain, naiwan kaming dalawa ni Timo na agad inilipat ang usapan papunta sa bagay na hindi ko na sana gusto pang buksan."Mabuti at dumidistansiya ka na kay Lothaire . . . Kung talaga ngang magkapatid sila ni Allennon, sana ganoon din ang gawin mo sa kaniya."
"Si Joy ang dapat mong pagsabihan tungkol diyaan. Sila ni Allennon ang madalas na magkasama," sagot ko.
"Pinahihiwatigan ko na siya. Hindi ko puwedeng sabihin sa kaniya ang bagay na iyon sa paraang tulad ng ginawa ko sa iyo."
Bahaw akong natawa. "Pakiramdam ko ay pinagkakaisahan natin siya."
"Pinoprotektahan lang natin siya. Kapag nalaman niya ang tunay na pagkatao ni Allennon, siguradong sasabihin niya iyon . . . at baka kung ano ang gawin no'n sa kaniya. Hangga't wala siyang nalalaman, puwede nating ipagpalagay na ligtas siya."
"Si Allennon . . . Sinabi niya sa akin na magkaaway sila ni Verly. Hindi ba iyon sinabi ni Verly sa iyo? Bakit hindi mo alam? Kung nakakasama mo sila, bakit hindi mo alam ang tungkol sa kaniya?"
Napapunas siya sa bibig niya na para bang may dumi roon na kailangan niyang tanggalin. "'Yon ang naging isang pagkakamali namin . . . Hindi namin sinubukang maging bukas sa isa't isa. Nasa iisang grupo kami pero marami kaming itinatago sa bawat isa."
"Sana ay natuto kayo roon."
"Oo. Sinabi niya sa akin ang lahat ng dapat kong malaman. At ganoon din ako."
"Pati ba ang ginawa mong pagsisiwalat sa akin tungkol sa mga manunugis at pagiging isa mo sa kanila?"
"Hindi. Puwera ang bagay na iyan."
Natawa ako. Pagbalik ni Joy, may bitbit na siyang brown paper bag na puno ng mga chichirya at inumin. Inilapag niya iyon sa gitna namin saka bumukas ng isa.
"Kumusta pala ang research ninyo? Nagsisimula na ba kayo?"
"Tapos na namin ang chapter one," sagot ni Timo.
Napatungayaw ako ng maalala ko na may usapan pala kami ng mga kagrupo ko na magkita-kita para masimulan na ang dapat simulan. Masiyado akong inokupa ng tagpong ito kaya nawala na iyon sa isip ko. Nagpaalam na ako sa kanila at halos patakbong tinungo ang library. Pagdating ko roon, nalaman ko na ako na lang pala ang hinihintay nila.
"Pasensiya na," sabi ko sabay upo sa kabilang gilid ng mahabang lamesa.
"Game na," saad naman ni Anne, na leader namin. "Bale rito sa chapter one, ang mga kailangan natin ay introduction, theoretical framework, statement of the problem, hypothesis, scope and limitation, conceptual framework, significance of the study at definition of terms used . . . Para fair, sinulat ko ang mga iyon sa papel. Bunutan na lang tayo. Kung ano ang makukuha natin, iyon ang part natin."
"Lima lang tayo, paano iyong tatlong matitira?" tanong ng isang kagrupo ko.
"Pagtulungan na lang natin," tugon ng leader saka inilapag sa lamesa ang mga tinuping papel na pinagsulatan niya.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...