NANLALAMBOT ang mga tuhod ko. Nakaupo na ako sa isang putol na katawan ng puno pero pakiramdam ko tutumba pa rin ako. Hindi ko inaalis ang masamang tingin ko kay Lothaire na nakatayo sa harap ko. Kanina ko pa siya tinatawag ng "siraulo at baliw" pero hindi man lang siya naapektuhan kahit kaunti. Nang mapagod ako, ako na rin ang tumigil."Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ko. Iyon ang unang bagay na gusto kong malaman pero hindi ko inunang sabihin.
"Sinundan kita," pag-amin niya.
"Inamin mo ring stalker ka nga."
"Iyon ay dahil hangal ka."
Tumahimik ako. Gusto kong matawa. Ganito rin ang tagpo noong unang mga araw na mag-usap kami. Para kaming bumalik sa dati.
"Hindi mo dapat pagkatiwalaan ang kaibigan mong iyon." Nagpantig ang tenga ko dahil sa sinabi niya.
Napatayo ako. "At sino ang dapat kong pagkatiwalaan? Ikaw na marami ring inililihim sa akin?"
Hindi siya sumagot pero matalim ang tinging ibinato niya sa akin. Bago pa tuluyang sakupin ng inis ang loob ko, inalisan ko na siya. Sa kalagitnaan ng paglalakad ay napahinto ako ng mapansin na hindi na kapareho ng dinaanan ko kanina ang nakikita ko ngayon. Masiyadong malago ang mga damo rito at kaunti lang ang mga puno.
Luminga ako para sipatin ang paligid. Hindi ako makapaniwala ng mapansin ko na talahib pala ang dinaanan ko. Paano ako napunta rito? Pumikit ako at pilit pinakalma ang sarili. Masiyado akong kinubkob ng nararamdaman ko at hindi ko na napansin na iba pala ang dinadaanan ko.
Halos manlumo ako ng hindi ko na makita ang daan pabalik na hinarangan na ng matataas na damo. Inaasahan ko ng dito ako magpapalipas ng gabi kahahanap sa puwedeng malusutan ng marinig ko ang boses ni Lothaire sa hindi kalayuan.
"Hangal. Umalis ka riyan sa kinatatayuan mo at sumunod sa akin kung gusto mong makalabas dito," sabi niya.
Gumanti ako ng sagot, "Hangal. Kung gusto mong sundan kita magpakita ka sa akin."
At ganoon nga ang ginawa niya. Nagpatuloy ako sa pagsunod sa kaniya hanggang sa makalabas kami sa kasukalan. Hindi ako nag-abalang magpasalamat kahit alam ko na iyon ang dapat kong gawin. Sa halip, tinignan ko lang siya saka iniwan. Natanaw ko si Sir Guillermo na lumabas mula sa bahay. Sandali pa siyang nagpalinga-linga bago sumakay sa kotse na agad niya ring pinaharurot.
Tumakbo ako papasok sa loob at paulit-ulit na tinawag si mama pero walang sumasagot. Una kong sinilip ang kusina pero wala. Nang marinig ko ang mahinang paghikbi na nanggagaling sa kuwarto niya, dahan-dahan akong naglakad palapit doon at nag-aalangang pinihit ang seradura.
"Mama," tanging nasabi ko ng makita ko siyang nakasalampak at umiiyak. Lumapit ako sa kaniya at niyakap siya sa ulo. "Ano ang nangyari?" Pero hindi siya sumagot kaya nagpatuloy ako sa pagsasalita. "Nakita ko si Sir Guillermo na nanggaling dito. Pinapasok mo siya." Mas lamang ang pagiging pahayag kaysa tanong.
Tumahan siya sa pag-iyak at may lumbay sa mga matang tumingin sa akin. "Naging mabuti sila sa akin . . . Pero hindi ko masisikmurang bumalik pa para magtrabaho sa kanila. Masasamang nilalang . . . Nakakasuklam." At sa isang iglap ay namayani ang matinding galit at pandidiri sa kaniya.
"Kinausap ka niya tungkol sa trabaho?" Tumango siya.
"Sinaktan ka ba niya?" Sandali siyang natigilan bago umiling.
BINABASA MO ANG
Janji
МистикаSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...