Kabanata 32

30 1 0
                                    


NAMUMUTLA akong nanigas sa kinauupuan ko. Hindi ko kayang paniwalaan iyon. Kapuwa napako ang atensiyon namin sa dalawang batang naghahabulan kung saan may nakaipit na puting bulaklak sa tenga ng babaeng payat at marumi ang suot na damit--bulaklak na gaya ng palaging ibinibigay sa akin ni Allennon.

Nagmamadaling tumayo si Verly at nilapitan ang batang iyon at hinawakan sa braso. Nasindak ang bata dahil kamuntikan na iyong umiyak kung hindi dumating si Timo at sinubukan siyang aluin.

"Saan mo nakuha itong bulaklak na ito?" tanong ni Verly.

"S-sa Parang po," nahihintakutang sagot ng bata.

"Alam niyo bang nakakalason ito?"

Nakakalason? Saka ko naalala ang pagkahilo na naramdaman ko noong bigyan ako ni Allennon no'n at ang ang pagkalason ni Nurse Tina. Bumalik sa akin ang mga panaginip ko. 'Yung Berbalang na sumaksak at humabol sa akin, posible nga bang siya iyon? Wala sa sarili akong tumayo ng maalala ko si Joy. Ngunit bago pa man ako makaalis ay nahawakan na ako ni Herbert sa galanggalangan.

"Saan ka pupunta?" tanong niya.

"Si Joy . . . Kailangan kong puntahan si Joy . . . Kasama niya si Allennon," sagot ko.

"Sabihin mo sa amin kung saan sila nanunuluyan at kami na ang pupunta. Masiyado iyong delikado para sa iyo."

Hanggang sa pag-uwi ko ay hindi mawala sa isip ko ang kaibigan ko. Kaya ba nagbago siya? Ano ang ginawa sa kaniya ni Allennon? Bakit panay pa rin ang pagdikit niya roon kahit hindi maganda ang ginagawa sa kaniya?

Masiyado akong napagod at nakatulog. Wala akong naging panaginip. Ang buong oras ko ng paghimbing ay blangko. Nang magising ako, tanghali na. At kahit subukan ko pang humabol sa klase, hindi ko na rin iyon magagawa dahil kulang-kulang isang oras na lang ay mag-uuwian na.

Tinawagan ko si Timo pero hindi siya sumasagot. Wala akong ibang magawa kaya inabala ko ang sarili ko sa pagbabasa at buong hapon ay ganoon lang ang ginawa ko. Kinagabihan, hindi ko inaasahan ang pagdating ni Timo.

"Wala na sila sa nayon," bungad niya sa akin. "Kahit si Joy. Sinubukan kong i-check siya ulit sa apartment niya pero wala rin."

"Wala ba silang naiwang kahit anong bakas na puwedeng makapagturo kung saan sila nagpunta?"

Umiling siya. "Walang kahit ano."

Nagsimula akong balutin ng galit. Frustrated akong tumayo at nagpalakad-lakad na parang timang. Mabuti na lang at hindi pa umuuwi si mama. Kung nagkataon, hindi ko alam kung paano magpapaliwanag sa kaniya nang maayos.

"Ano, wala na lang tayong gagawin? Hahayaan na lang natin si Joy na kasa-kasama si Allennon?"

Kahit siya ay nagsimula na ring magalit. "Sinabi ko bang ganoon, Rhealle? Kaibigan ko rin si Joy! Pinahahalagahan ko rin siya gaya mo! Hindi ako titigil hangga't hindi ko siya nakikita!"

Natameme ako. Masiyado akong binubulag ng emosiyon ko at hindi ko na nakikita ang effort ng iba. Bumalik ako sa pagkakaupo at mahinang humingi ng pasensiya.

"Hindi naman siguro sila lalabas ng Tawi-Tawi, hindi ba?" tanong ko.

"Hindi pa. Ikaw ang kailangan niya. Habang naririto ka pa, hindi siya lalayo."

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon