Kabanata 33

29 2 0
                                    


MAAGA pa pero masiyado ng maingay sa labas. Masiyado ring maraming tao ang nakakalat para panoorin ang makukulay na parada. Ang lahat ay natutuwa pero hindi ako. Wala sa kasiyahan ang isip ko. Lumilipad iyon papunta sa mga bagay na sasabihin sa akin ni Lothaire sa oras na magkita kami mamaya. Mahina kong nasampal ang pisngi ko ng may maalala—hindi ko alam kung saan at kung anong oras.

"Tara, anak, magpunta tayo sa plaza," pag-aaya ni mama.

Walang pagtutol akong sumunod sa kaniya. Nang madaanan namin ang isang malaking bangka na sakay ang ilang kalalakihan, sandali kaming huminto roon at nagpakuha ng litrato. Hindi matawaran ang saya sa mukha ni mama. At natatakot ako na baka mawala iyon kung sakali mang makahanap ng tiyempo si Allennon para gawan siya ng hindi maganda.

Mataas ang araw pero hindi alintana ng lahat ang init. Pagdating namin sa malawak na plaza, nakatayo sa gitna ang isang malaki at kulay itim na tent na mistulang gown ng babaeng nakapatong sa itaas at may tabon sa mukha. Humanay kami ni mama sa kumpol ng mga taong nag-aabang sa presentasiyong ipalalabas mayamaya lang.

"Napakasaya, hindi ba?" ani mama. "Ito ang inaabangan ko bawat taon."

Ilang saglit pa, lumabas mula sa tabing ang mga taong nakasuot ng dilaw na pang-ibabaw, berdeng pang-ilalim, headdress, mga palamuti sa leeg, at nagsimulang magsayaw sa saliw ng tunog na ginagawa ng matatandang nagtatambol sa gilid.

Iginala ko ang paningin ko para subukang hanapin ang kung sinomang kakilala ko pero wala akong nakita bukod sa mga kaklase kong hindi ko naman kasundo. Nagpaalam ako kay mama na aalis ako sandali para bumili ng makakain kahit pa ang totoo ay gusto ko lang lumayo. Ito ang unang beses na hindi ko kasama ang mga kaibigan kong ipagdiriwang ang kasiyahan na ito.

Noong mga nagdaang taon, kumpleto kaming tatlo na nakikisaya sa selebrasiyon. Pero ngayon, mas malabo pa iyon sa maruming tubig ng ilog. Magulo ang situwasiyon namin at hindi ko sigurado kung paano iyon aayusin. At kung sakali mang maayos, duda ako na kaya pang ibalik sa dati ang lahat. Napakaraming paglilihim, sakitan, galit, tampuhan . . . Kung sinubukan naming mas maging tapat sa isa't isa, hindi siguro aabot sa ganito.

Naupo ako sa gilid, malayo sa mga taong hindi kilala ang paghihirap ngayong araw na ito, at nagmukmok. Lahat sila ay natutuwa kaya pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Walang karamay. Walang nakaiintindi. Kinuha ko ang cell phone ko sa bulsa at tinangkang tawagan ang number ni Timo pero bago ko pa man mapindot ang call button, napagpasiyan kong huwag na iyon ituloy.

Tumitig ako sa kawalan, walang ibang laman ang isip kundi ang nakikita ko. Nang maalala ko ang talon, walang ano-ano ay tumayo ako at pinuntahan ang lugar na iyon. Hindi ko pa rin nagugustuhan ang gubat. Pakiramdam ko ikinukulong ako ng mga puno. Gayuman, pinili kong tiisin iyon at magpatuloy. Ilang hakbang pa ang layo ko pero rinig ko na ang malakas na pagbagsak ng tubig.

Tuloy-tuloy iyon, walang patid . . . tulad ng pag-iisip ko kung ano ba ang posible kong malaman ngayon. Hindi ako umaasang nandito si Lothaire pero nang tuluyan akong makalapit ay nakita ko siyang nakaupo sa malaking bato na nilulumot ang bandang ibaba. Sandali ko siyang pinagmasdan bago lumapit at naupo sa tabi niya.

"Paano mo nalamang dito? Hindi ko naman sinabi ang lugar," aniya habang ang mga mata ay nakapako pa rin sa tubig.

"Hindi ko rin alam. Basta dinala ako rito ng mga paa ko," sagot ko. Hindi siya umimik. "Ngayon, sabihin mo na sa akin ang dapat kong malaman gaya ng ipinangako mo."

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon