Wika, Wika, Pa'no Ka Ginawa?

18 7 0
                                    


Ang minsang nagligtas sa ating bansa

Ay kailangan ng ating pagpapahalaga.

Ang minsang nagsuplong ng pagkakaisa

Ay tila 'di nabubuksan ng pinto, bagkus nagsasara.


Wika, wika, paano ka ginawa?

Wika, wika, bakit ka binabalewala?

Kasabay ng pandaigdigang pagbabago

Ay ang mistulang paglaho ng Wikang Filipino.


Tila ba natatabunan na ang ating wika,

Mga wikang banyaga na ang siyang nangunguna.

Ang wika ay buhay na kailangan ng pag-aaruga;

Ito rin ay isang tulay na 'di dapat ginigiba.


Sa modernisadong panahon ng teknolohiya,

Mga natatanging kaalaman ay abot-kamay na,

Pero anong nangyayari sa ating wika?

Para bang ito'y napag-iiwanan na.


Pansin mo? Pansin mo? Kasi ako, pansin ko na halos lahat banyaga na ang salita.

Ito ba? Ito ba ay may dulot na tulong o abala?

Alam nating lahat na ang Ingles ay wikang pangkalahatan,

Subalit Wikang Filipino ay dapat ding pahalagahan.


Imbis na "sipnayan" ay matematika, ang "pantablay" ay charger na lang.

Oo, halos lahat ng wika sa Ingles ay may kasingkahulugan,

Ngunit hindi naman nangangahulugang

Ito na lamang ang dapat nating pag-aralan.


I love you, te amo, mahal kita.

Napakaraming salita para masabi lang ang nadarama,

Ngunit pagdating sa pagmamahal sa ating wika,

Kahit sa simpleng pagbuka ng bibig, 'di pa magawa.


Hindi naman tayo nalalayo sa ating wika.

Mula sa "wika" at "ikaw,"

Isang letra lang na wala sa ayos ang magpapalinaw

Na ikaw o tayo ay konektado sa Wikang Filipino.


Mayroon mang limitasyon ang ating wika;

Wala man itong katumbas na ibang salita,

Hangad ko pa ring maipakita sa mundo

Na ang ating wika ay namumukod-tangi sa iba.


Sa pag-usbong at pag-usad ng dibersidad,

Ang ating wika ang magsisilbing simbolo ng ating bansa.

Ito ang humahawak ng ating pagkakakilanlan,

Ang sasabay sa pagyapak tungo sa ating kinabukasan.


Tayo'y magkaisa't magkaroon ng iisang mithiin:

Pambansang Wikang Filipino ay gamitin.

Ating karunungan ay palaganapin

Upang kaunlaran ng bayan ay makamit natin.

Sa Silong ng KatreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon