ILANG SANDALI ang lumipas bago tuluyang huminahon si Anna sa kanyang pag-iyak at para maikumpas niyang muli ang kanyang sarili.
“Lola Leticia…”
Ngumiti ang matanda sa kanya at pinunasan ang mga luha sa kanyang mga mata. “Ano ‘yon, hija? Gumaan na ba ang pakiramdam mo?” tanong nito sa matamis nitong tinig na may labis na pagmamahal.
“Bumuti na po ang pakiramdam ko, lola,” tugon ni Anna sa mahinhin niyang tinig.
“Mabuti naman kung ganoon,” masayang saad ni Lola Leticia.
Nang makita ‘yon ni Anna ay hindi niya din maiwasang ang mapangiti ngunit naalala niya ang tanong na bumabagabag sa kanyang isipan.
“Lola, may itatanong po ako.”
“Ano ‘yon, hija?” mabait na tanong ni Lola Leticia sabay ayos sa buhok ni Anna.
“Hindi po ba kilala niyo ang tatay ko?”
“Oo, hija. Matagal ko na siyang kilala,” tugon ng matanda.
“Kung ganoon, alam niyo po ba kung nasaan si tatay? Kung ano po nangyari sa kanya nang maiwan namin siya?”
Hinawakan ni Lola Leticia ang kamay ni Anna at saka humugot nang isang malalim na paghinga.
“Matapos ang nakakalungkot na nangyari sa inyong pamilya labis na dinamdam ng iyong ama ang nangyari. Maliban sa kompanyang nawala sa kanya ay sinubukan niyang ibangon ang kanyang sarili pero tulad ng unang kompanyang kanyang ipinundar ay nalugi rin iyo dahilan para isa-isa ring nawala ang mga natitira niyang ari-arian,” paglalahad ni Lola Leticia na bakas ang lungkot sa tinig nito. “Matapos ng mga nangyari sa kanya ay labis na depresyon ang nakaharap ng iyong ama hanggang umabot sa puntong nagpalaboy-laboy ito sa kalsada. Para bang nawala siya katinuan matapos ng mga kalunos-lunos na pangyayari sa kanyang buhay.”
Nang marinig ni Anna ang nangyari sa kanyang ama ay hindi niya nagawang pigilan ang kanyang mga luha. Alam niyang labis itong nahirapan sa kanilang pagkawala pero hindi niya inaasahan na aabot sa puntong magiging palaboy ito sa labis na depresyon na sinapit sa lahat-lahat.
Pinunasan ni Lola Leticia ang luha ni Anna. “Alam kong nabigla at nasasaktan ka sa sinapit ng iyong ama pero makakasama sa anak mo kung labis kang magpapaapekto sa iyong emosyon, hija.”
“Hindi ko lang po inaasahan na ganoon ang nangyari kay tatay. Sobrang nakakakonsensya lang po na iniwan namin siya ni Mama. Awang-awa po ako sa kanya,” wika ni Anna habang naluuha.
“May mga bagay talaga na hindi natin inaasahan sa buhay natin, hija. Mga pagsubok na susubok sa katatagan natin.”
Pinunasan ni Anna ang kanyang mga luha at tumingin kay Lola Leticia. “Matapos po ang lahat ng iyon, nasaan na po si tatay? May impormasyon pa po ba kayo kung nasaan na po siya?”
Gumuhit ang lungkot sa mukha ni Lola Leticia at saka umiling. “Simula ng nagpalaboy-laboy ang iyong ama ay hindi ko na siya nakita na bumalik sa lugar na ito. Wala na akong nabalitaan sa kanya simula noon kaya hindi ko masasabi kung buhay pa ba ang iyong ama o hindi na.”
Mas lalong nakaramdam ng lungkot si Anna nang sandaling iyon. “Huwag naman sanang umabot sa ganoon, Lola,” saad nito habang binabalot ng pangamba ng dalaga na baka kung ano na ang nangyari sa kanyang ama.
Hinaplos ni Lola Leticia ang likod ni Anna. “Ipagdasal na lang natin na nasa mabuting kalagayan ang iyong ama, hija.”
***
MATAPOS malaman ni Anna ang nangyari sa kanyang ama ay hindi na iyon nawala sa kanyang isipan. Inisip niya kung nasaan na ito at kung ano na ba ang kalagayan nito. Umalis ito sa karinderya na baon-baon ang mga katanungang hindi niya alam kung paano at kailan masasagot.
Napahugot nang malalim na buntong-hininga si Anna habang nakaupo sa parke malapit sa riverside.
“Nasaan ka na kaya tatay?” tanong niya sa kanyang sarili saka napatingin sa madilim na kalangitan na napapalibutan ng mga kumikinang na bituin. “Sana nasa maayos kang kalagayan.”
Patuloy man binabagabag ng kanyang pag-aalala sa kanyang ama ay napagpasyahan ni Anna na umuwi lalo na at lumalalim na ang gabi at lumalamig. Habang naglalakad pauwi ang dalaga ay hindi inaasahang sumagi sa kanyang isipan si Jax at Vivienne at mga nangyari sa isla.
Napahinga nang malalim si Anna para pigilan ang luhang nagbabadyang lumabas sa kanyang mga mata. “No, tama na. Masyado ng maraming luha ang naiiyak ko sa araw na ito,” awat niyang saad sa kanyang sarili saka ibinaling ang kanyang tingin sa kanyang tiyan. “Ayoko na pati ikaw ma-stress ng dahil sa akin.” Kausap nito at biglang naramdaman niya ang sipa ng kanyang anak na animo ba’y naririnig din ang kanyang sinasabi.
Napangiti si Anna at muling hinimas ang kanyang tiyan. Labis niyang pasasalamat na hindi sumagi sa isipan niya ang ipalaglag ang batang nasa kanyang sinapupunan sa kabila ng mga hindi magagandang nangyayari sa kanyang buhay, may isang rason para siya ay magpatuloy para mabuhay at maging masaya.
“Salamat, baby, at dumating ka sa buhay ko. Salamat dahil binigyan mo ako ng rason para magpatuloy.”
Muli, gumalaw ang bata sa kanyang sinapupunan na tila natutuwa sa naririnig mula sa kanya.
Napangiti si Anna. “Lagi mong tatandaan, baby. Kahit wala kang ama love na love ka ni mommy, ha?”
Matapos ang maliit na pakikipag-usap ni Anna sa kanyang anak ay napagpasyahan niya ng umuwi ng bahay para makapagpahinga. Ngunit sa kanyang paglalakad ay parang nakaramdam siya na tila may sumusunod sa kanya dahilan para makaramdam siya ng kaba sa kanyang dibdib.
Napahawak si Anna sa kanyang tiyan. “Diyos ko, huwag niyo po kaming pabayaan ng anak ko na may mangyari sa aming masama,” mahina niyang usal.
Binilisan niya ang kanyang paglakad ngunit para makauwi na sa bahay ngunit sa bawat hakbang na kanyang ginagawa ay ramdam niya ding lumalaki ang hakbang ng taong sumusunod sa kanya.
“Diyos ko…”
Mas binilisan ni Anna ang kanyang mga hakbang hanggang sa makita niya na ang kanilang bahay. Konti na lang… At nang sandaling malapit na siya sa pinto ay mabilis niyang kinuha ang susi sa kanyang bulsa at agad iyon na kinuha. Nang ipapasok niya na ang susi ay bigla pa iyon nahulog dahil sa labis na kaba at takot na kanyang nararamdaman.
“Fuck!” malutong na mura ni Anna na dali-daling kinuha ang susi sa sahig.
Nahihirapan man ay pilit niyang binilisan ang pagdampot sa susi. Narinig niya ang papalapit na hakbang sa kanyang likuran dahilan para lalong kumabog nang malakas ang puso ng dalaga nang sandaling iyon.
“Bilisan mo, Anna! Bilisan mo!” nagmamadaling sabi niya sa kanyang sarili at nang sandaling mas lumalapit ang hakbang sa kanyang likuran ay nagawa niya na rin sa wakas mabuksan ang pinto. Dali-dali siyang pumasok at ni-double lock ang pinto para hindi makapasok ang taong sumusunod sa kanya. Nang masiguro niya iyon ay sumilip siya sa peep hole ng pinto kung sino ba ang taong sumusunod sa kanya at nakita niya ang isang ermitanyo na nakatayo lamang doon at tinitignan ang pinto na animo’y pinagmamasdan iyon.
“Sino ang matandang ito?” tanong niya sa kanyang sarili.
Pinagmasdan niya ang matandang lalaki ngunit hindi niya magawang mamukha ito dahil sa mahabang buhok na tumatakip sa mukha nito. Tinignan ni Anna ang matanda sa kung anong gagawin nito dahil sa sinundan siya nito ngunit lumipas ang ilang saglit ay nanatili lang itong nakatayo doon at nakatitig lamang sa bahay.
“Anong ginagawa niya?” nagtatakang tanong ni Anna sa kanyang sarili habang patuloy na pinagmamasdan ang matanda.
Matapos pa ang ilang saglit ay kusa na lamang itong umalis dahilan para makahinga nang maluwag si Anna ngunit kasabay noon ay ang pagtataka kung sino ang matanda na sumunod sa kanya, at anong pakay noon sa kanya? Patuloy na binagabag siya ng mga katanungang iyon hanggang sa kanyang paghiga hanggang sa isang imposibleng sagot ang biglang sumagi sa kanyang isipan.
“Hindi kaya si Tatay iyon?” mahinang usal ni Anna. Ngunit mabilis niya ding inalis iyon sa kanyang isipan. “Imposible. Kung si Tatay iyon imposibleng hindi niya ako makilala,” mariin niyang sabi. Makikilala niya ako kahit na anong mangyari.
BINABASA MO ANG
My Island (The Strict CEO) (COMPLETED)
Storie d'amore(This story contains an obscene plotline. You should read at your own risk. R-18) Anna Quinn is an adventurer who loves to travel to new places not only for the sake of adventure, but also to gather information for her novel. Her passion for literat...