"Cut! Pakiayos naman. Nakakailang take na tayo, eh. Uulitin ba natin 'to hanggang bukas? Uubusin ba natin ang oras natin sa isang scene na hindi n'yo makuha? Kanina pa tayo, eh," singhal ni Kanoa na ikinagulat ni Jairold.
Tumalikod si Kanoa at uminom ng tubig mula sa bote ng tubig na ibinigay sa kaniya. Naupo siya sa director's chair at muling pinanood ang scene na ilang beses na nilang nakuhanan, pero hindi niya magustuhan.
Kinuha ulit siyang director ng isang sikat na singer para sa isang music video, pero hindi niya gusto kung paano umarte ang mga talent na napili ng producer.
"Kanoa, yosi break muna? Tensyonado na rin kasi lahat. Mag-break na muna tayong lahat?" pag-aya ni Jairold.
Hindi na nagsalita si Kanoa. Pinakiusapan ni Jairold si Gia na kausapin muna ang lahat na mag-break muna at magpahinga. Sumunod lang si Kanoa sa kaibigan niya palabas ng studio at dumiretso sa rooftop building ng location nila.
Nagsindi ng yosi si Kanoa at ipinatong ang dalawang siko sa railing habang nakatingin sa kawalan. Palubog na ang araw, pagod na siya, at mainit na rin ang ulo niya.
"Huminga ka muna. Pagod na rin naman lahat, Noa. Mabuting nag-break muna tayong lahat, baka kailangan na rin," sabi ni Jairold. "May problema ka ba? Nagkausap na ba kayo ulit ni Ara?"
Humithit si Kanoa bago umiling. "Hindi pa. Ayos na rin siguro 'yon. Tagal na rin naming hindi nagkakausap at nagkikita. Busy raw sa mga shoot sabi ni Sam."
"Nakakasama mo naman si Andra, 'di ba?" tanong ni Jairold.
Isang tango lang ang naging sagot ni Kanoa. Diretso siyang nakatingin sa kawalan.
"Kinausap pala ako kanina ni Boss Ryan kung ayos ka lang daw ba. Isang linggo na kasi tayong nagsho-shooting, pero palagi kang may tama, Kanoa. Lagi kang may hangover o legit na kakainom mo lang ng alak," paalala ni Jairold. "Pre, apektado na kasi 'yung trabaho. Mainit masiyado 'yung ulo mo."
Sumandal si Kanoa sa railing at muling nagsindi ng bagong yosi. Naningkit ang mga mata niya. Sinuklay niya ng sariling daliri ang buhok niyang nakaharang na sa mga mata niya dahil hindi niya maharap ang magpagupit.
"Two weeks lang 'tong project natin, Noa. Malaking project 'tong nakuha natin, eh. Isang linggo na lang 'yung hinihiling ko sa 'yo. Maging maayos ka naman. Papangit kasi 'yung image natin, eh. Kilala ka ng lahat . . . pero sana hindi humantong sa makilala kang ganito," umiling si Jairold. "Naiintindihan kong may pinagdadaanan ka ngayon. Kung ganoon, sana hindi na natin 'to tinanggap. Ilang beses kitang tinanong, eh."
Nanatiling tahimik si Kanoa. Pinitik niya ang yosing hawak niya at kaagad na nilipad nang malakas na hanging ang abong nasa dulo ng namumulang sigarilyo.
"Natatakot na 'yung mga talent. Takot silang magkamali kasi naninigaw ka na. Hindi sila makaarte nang maayos kasi ang taas daw ng expectation mo."
"Dapat lang na mataas ang expectation ko. Artista sila, pero hindi sila makaarte nang maayos? Kailangan ba talaga i-guide pa sila? Sana pala ako na lang naghanap ng aarte rito kaysa ganiyan." Bumuga nang makapal na usok si Kanoa. "Ayusin nila trabaho nila."
Umiling si Jairold. "Ayusin mo rin ang trabaho mo."
Nagsalubong ang kilay ni Kanoa sa sinabi ni Jairold. Hindi natatakot si Jairold na magalit sa kaniya si Kanoa. Sasabihin niya ang gusto niya dahil sumusobra na rin ito. Matagal na siyang nagtitimpi at nagtitiis dahil gusto niyang intindihin pa ang kaibigan niya, pero hindi na maganda ang nangyayari.
Gusto man niyang hayaan ito sa kung ano man ang gustong gawin, maraming apektado. Sa trabaho nila, hindi puwedeng palaging emosyon ang paiiralin dahil masisira sila. The industry they were in was not a very pleasant place to be unprofessional. They would be jobless in an instant.
BINABASA MO ANG
Every New Beginning Counts
Fiksi UmumMaking Every Second Count - Book 2 (Narration)