"Saan ka ba galing?" tanong ni Jairold kay Kanoa. "Buti pala late na rin kaming dumating. Hindi ka nagre-reply!"
Ngumiti si Kanoa at ibinaba ang nabili niyang merienda para sa kanila. Pizza lang naman iyon at softdrinks. Late na rin kasi niya nabasa ang messages nina Jai at Gia kaya dumaan na lang siya sa malapit.
Hindi niya sinabi sa mga kaibigan niya kung saan siya galing. Iniba niya ang usapan at tinanong ang tungkol sa project na hawak ng mga ito. Natutuwa siyang nag-boom ang photography business na binuksan ng mga ito. Investor siya, pero hanggang doon lang iyon.
Mayroong maliit na puwesto ang dalawa na nag-o-offer ng portrait na parang sa mga sikat na korean photobooth. Pumatok ito nitong nakaraan at naging maingay sa social media kaya naman ito ang focus ng kaibigan niya.
"Halos hindi ka na nagpapakita, eh," natawa si Jairold sa kaniya. "Kahit noong opening noong booth, wala ka. Ano na bang nangyayari sa 'yo? Almost one month na akong walang balita, ah."
Hindi na muling nagtanong si Jairold nang mapansin niyang hindi kumportble si Kanoa sa tanong niya dahil imbes na sumagot, ngumiti lang ito na para bangayaw sumagot. Sa isang buwan kasi, napansin niyang madalas itong umaalis. Kung trabaho man ito, siya ang unang makakaalam dahil siya ang humahawak ng e-mails ni Kanoa.
Isa pa, napansin niya ang malaking pagbabago kay Kanoa simula nang kumprontahin ito ng kakambal ni Ara. Pagkatapos niyon, biglang naglaho itong parang bula, bumalik isang linggo ang nakalilipas, at ganito . . . madalas na wala.
Tumayo si Kanoa para kumuha ng tubig. Inabot niya rin kay Gia ang isang baso ng juice.
"Kelan ba lalabas 'yan?" tanong ni Kanoa habang nakatingin kay Gia na hinahaplos ang tiyan. "Parang ang tagal mo nang buntis, ha!"
Natawa sina Jairold at Gia na nagkatinginan dahil sa sinabi niya.
"Kabuwanan ko na rin. Parang naghihintay na lang din kami, eh. Ninong ka pa rin, ha?" Malapad na ngumiti si Gia. "Gusto ko na rin talagang manganak! Ang bigat-bigat na, eh. Minsan nahihirapan na akong mahiga."
Kumportableng sumandal si Kanoa sa sofa habang nakatingin kay Gia. Nawala na ang ngiti niya sa labi. Bigla niyang naisip si Ara.
"Gia, mahirap ba talaga?" Seryoso ang pagkakatanong ni Kanoa.
"Ang alin?" nagtatakhang tanong ni Gia. "Pagbubuntis ba?"
Mabagal na tumango si Kanoa at hindi nagsalita.
"To be honest, sobra. Mahirap 'yung unang buwan kasi naglilihi. Suka rito, suka roon. Sakit sa ulo, gutom palagi, masakit ang katawan, masakit ang balakang, gustong matulog," umiling si Gia. "Naalala n'yo naman 'yung hirap ko noon sa mga shoot natin, 'di ba? Mahirap talaga kasi siya. First trimester pa lang, ha?"
Pasimpleng nakagat ni Kanoa ang ibabang labi.
"Second trimester, medyo okay naman. Nawala na 'yung morning sickness, pero mas madalas na gutom. Second trimester din yata 'yung madalas na lang akong nakahiga kasi nabigatan ako. Nag-adjust 'yung katawan ko, eh. Medyo okay talaga ako noong second trimester, pero third trimester ang pinakamahirap para sa 'kin."
"Bakit?" Uminom si Kanoa ng tubig. "Sobrang hirap?"
Tumango si Gia nang paulit-ulit. "Oo. Bukod sa sobrang bigat ng tiyan ko, halos hirap na akong maglakad kasi masakit talaga sa talampakan. Hirap na hirap akong matulog kasi hindi ko alam kung anong position sa paghiga ang gagawin ko. Nahihirapan akong maligo kasi malaki ang tiyan ko. Ingat na ingat ako sa galaw ko. Minsan may shortness of breath ako kaya hindi ako masyadong lumalabas simula noong third trimester. Nahihirapan akong huminga," natawa ito. "Palagi rin akong gutom, inaantok, at hindi talaga productive. Medyo lumala rin ang overthinking ko simula noong magbuntis ako. Palagi kong iniisip ang future kahit wala pa naman."
BINABASA MO ANG
Every New Beginning Counts
Narrativa generaleMaking Every Second Count - Book 2 (Narration)