SUBALIT hindi roon natapos ang koneksyon nina Rome kay Cayson Montemayor.
Dalawang taon makalipas ang nangyaring iyon ay muling umuwi sa bansa ang lalaki, fully ready to take over the school directorship. Natapos nito ang masters sa America at umuwi na ng Pinas para permanente nang mamalagi roon. Ito ang namahala sa transport service business ng pamilya habang si Mrs. Althea Montemayor ay naghahanda na sa pagre-retiro nilang School Director ng MIC.
"Apat na taon pa bago ang retirement ni Mrs. Montemayor pero ngayon pa lang ay pinag-aaralan na ni Cayson ang pamamalakad ng campus," pahayag ng papa niya isang gabing naghahapunan sila. Magkausap ang mga magulang niya tungkol sa pag-uwi ni Cayson Montemayor habang sila ni Connie, na noong mga panahong iyon ay nasa ikalawang taon na ng kolehiyo, ay parehong tahimik na nakikinig.
"Kahit abala siya sa pag-aasikaso ng negosyo ng pamilya ay nagagawa pa rin niyang dumaan sa campus para pag-aralan ang pamamalakad niyon. Nakabibilib ang batang iyon," sabi naman ng mama niya.
Kanina pa gustong umikot ng mga mata niya sa mga papuring naririnig sa lalaking iyon. Ni hindi niya magawang lunukin ang pagkain sa kaniyang bibig. Kung maaari lang sana siyang umalis sa hapag at umakyat na para hindi makarinig ng kung anong papuri tungkol sa lalaking iyon ay ginawa na niya.
"May asawa na ba siya? Bakit ang tagal niyang hindi nakauwi?" tanong ng Papa niya.
"Ang sabi ni Mrs. Montemayor ay naging abala si Cayson sa pagkuha ng master's degree kaya hindi nakapagbakasyon. At hindi ko alam kung nag-asawa, pero ang bata pa niya para gawin iyon," sagot naman ng mama niya.
"Ilang taon lang ba ngayon si Cayson?"
"Twenty-three lang yata ang batang iyon eh."
"Aba, pwede nang mag-asawa," sabi pa ng papa niya na lihim niyang ikina-ismid.
"Naku, eh wala pa yatang balak mag-asawa iyon. Ang usap-usapan ng ibang mga guro ay iba't ibang babae ang kasama ni Cayson sa tuwing dadalaw sa campus."
Hindi niya alam kung bakit nagtaas siya ng tingin nang marinig ang huling sinabi ng mama niya. Napatingin siya kay Connie na katulad niya'y kanina pa tahimik, at nahuli niyang nag-angat din ng tingin at napasulyap sa kaniya.
"Naku, h'wag kang makisali sa mga tsismis na iyan, Mama, at baka malaman ni Mrs. Montemayor," babala ng papa nila. "H'wag na nating pakealaman ang personal na buhay ni Cayson Montemayor at binata naman."
"Hindi naman ako nakikisali sa mga tsismis sa campus, Papa. Nagtataka lang ako kung bakit kinukunsinti ni Mrs. Montemayor ang apo sa ginagawa. Ang pangit lang din kasi na nakikita sa campus na iba't ibang mga babae ang kasama sa tuwing naroon."
"Hayaan mo na, Mama, at hindi naman parte ng trabaho natin ang intindihin ang personal niyang buhay."
Hindi na sumagot ang mama nila at itinuloy na lang ang pagkain.
BINABASA MO ANG
THROUGH THE WIND AND THE RAIN
RomanceAmidst a birthday celebration filled with cupcakes and Malibu drinks, Rome's night takes an unexpected turn when she drunkenly stumbles into the wrong hotel room The next morning, she woke up naked next to the man she hated the most--- Cayson Montem...