Chapter 0 : Under The Dark Sky
"Guro! Totoo po bang nangyari iyon?" Tanong ng isa sa aking anim na kaeskwela sa aming tagapagturo.
"Kuwento iyon ng aking Lola. Ang sabi niya ay totoong nangyari iyon isang libong taon na ang nakakalipas." Ngumiti ito.
Nagbaba ang tingin ko. Pakiramdam ko'y mapipiga ang aking dibdib dahil sa kalungkutan na kinuwento ng aming guro. Idagdag pa na kapangalan ko ang dating prinsesa na isinakripisyo sa buwan.
Astraea.
Kay gandang pangalan. At para sa'kin ay mas kaawa-awa siya hindi katulad ko. Kahit kami ay hindi maharlikang tao, biniyayaan ako ng mapagmahal na ama't ina at nakababatang lalaking kapatid. Maayos ang aming pamumuhay at ako'y natuturuan ng isang guro tungkol sa politika, literatura, relihiyon at pilosopiya.
"Oh paano? Ililigpit ko na ang aking mga gamit. Magsipaguwi na kayo. Magkita ulit tayo sa susunod na araw."
Ngumiti kami't tumango.
"Salamat Gurong Ivy!"
Lumabas kami sa kanyang silid. Ako'y nagpaalam na sa aking mga kaeskwela.
"Astraea! Astraea!" Tinawag ako ni Asher, ang nagtanong kanina sa guro. Siya'y matalik kong kaibigan simula pagkabata at hindi nauubusan ng ideya patungkol sa mundo ng literatura. Pangarap niya kasing magtanghal ng dula-dulaan sa malaking yugto sa urban. Mahilig siya sa mga tula at mga kuwento ng nakaraan.
"Tatanungin mo na naman ako sa kinuwento ng guro kanina?"
Ngumisi siya. "Haha! Nakakalungkot, ano?" Inilagay niya ang dalawang braso sa likod ng kanyang ulo habang naglalakad. "Kailangang isakripisyo ng dating prinsesa ang kanyang sarili para sa kapakanan ng hindi kaaya-aya at bulok na pamamahala ng emperyong ito hanggang ngayon."
Ngumiti ako. "Tama...nakakalungkot nga." Sumasakit nanaman ang aking dibdib ngunit hindi ko iyon ipinahalata.
"Hmm! Kapangalan mo pa ang dating prinsesa, Astraea!"
"Asher, pupwede bang itikom mo muna ang iyong bibig? Nagugutom ako't tinatamad magsalita." Bahagya akong naglabas ng nakakainis na ngiti.
Ngumisi siya. "Kung gayon, tara sagot ko na!"
Hinatak niya 'ko sa pamilihan sa hindi kalayuan. Bumili siya ng dalawang mansanas kapalit ang apat na pilak ng barya para sa aming dalawa at kinain iyon. Dahil palilim na ang gabi nang kami'y kumain ng iba't ibang pagkain, napagpasiyahan naming maghiwalay na ng landas makalipas ang kalahating araw. Kung saan saan kasi akong hinahatak ni Asher. Pagkarating ko sa aming tahanan ay sinalubong ako ng aking nakababatang kapatid na si Lewis.
Napahinto ako nang may mapagtanto ako.
Lewis...
Kapangalan niya rin ang prinsipe na umiyak nang isakripisyo si Astraea sa buwan.
Siguro'y may pagkakatulad lang talaga ito't isang pagkakataon lamang. Dahil ang nakaraan na iyon ay hindi naman sa akin.
"Ate Astra!"
"Lewis, nasaan si ama? Si Ina, dumating na ba?"
"Si ama ay nagsisibak pa ng kahoy para ibenta kinabukasan. Si ina ay nasa karatig bayan pa at hindi pa umuuwi. Baka sa madaling araw nanaman ang dating niya..."
Ang aming ina ay nasa karatig bayan para magbenta ng mga tanim na gulay. Mas malakas kasi ang kita doon. Kung dito sa lugar namin ay mabenta ang mga prutas, sa kabilang bayan naman ay ang kabaligtaran.
Si ama naman, sa kadahilanang ang bahay namin ay parte ng gubat, pinuputol niya ang puno para magbenta ng kahoy. Ngunit nagtatanim siya ng limang beses tuwing siya'y puputol ng isang puno. Iyon ay mahalaga.
"Magluluto na 'ko ng kakainin," Ngumiti ako't tinapik ang balikat ni Lewis.
"Uhh, ate Astra..."
"Hmm?"
"Puwede mo ba akong samahan bukas? Bibili ako ng libro tungkol sa politi...ka." Pagdadalawang isip niya.
Hinawakan ko ang ulo niya't ngumiti. Hindi parin naaalis ang pangarap niyang maging kanang kamay ng isang Marquess para mamahala para sa katulad naming hindi mahaharlika at simpleng tagapaglingkod.
"Sige...magpaalam tayo kay ama mamaya."
Pagkatapos ng aming usapan ay nagluto na ako ng aming kakainin. Tatlong pritong isda at dalawang mais lang ang mayroon kaya't iyon nalang ang niluto ko. Itinali ko ang aking buhok bago umupo sa tabi ni ama para kumain.
"Astra, magpahinga ka pagkatapos kumain...si Lewis na ang maghuhugas ng pinagkainan. Itutuloy ko muna ang pagsisibak ng kahoy mamaya." Ngumiti ito sa'min.
"Ako na bahala, ama!"
"Ako na po, ama." Pagboboluntaryo ko. "Hindi ko ako pagod. At masaya po ang klase kanina." Pagkuwento ko.
Ngumiti si ama. "Hmm, gusto kong marinig."
Ikinuwento ko ang kinuwento ng guro sa'min kanina. Maging si Lewis ay nanlaki ang mga mata sa narinig niya mula sa'kin.
"Kapangalan natin, ate!"
Madaming opinyon ang isiniwalat ni Lewis at ni ama. Ngunit nangibabaw roon ang hindi nila ipagkakailang tagos sa dibdib ang istorya. Pagkatapos naming kumain at magpalitan ng salita ay tumuloy si ama sa pagsibak ng kahoy. Ako naman ay naghugas ng pinagkainan. Si Lewis ay pumasok sa nag-iisa naming kuwarto para maagang matulog.
Matapos kong maghugas ay sinilip ko si ama sa bintana na nagsisibak ng kahoy. Saktong patapos na siya at inaya kong matulog. Naglatag ako ng mahabang tela at inilagay ang kumot ang unan doon. Tumabi ako kay Lewis at mahimbing na natulog.
Iminulat ko ang mga mata ko ng makarinig ako ng mga kaluskos mula sa labas. Dapat kong sisihin ang matalas kong tenga dahil doon. Nakita kong mahimbing na natutulog si Lewis at si ama kaya't mahinhin akong tumayo at sumilip sa bintana.
Kahit hindi malinaw ang mata ko't madilim ang paligid, kita ko ang itim na balabal na nakapalibot sa kanya. Wala sa sarili akong nausisa at tahimik na lumabas ng bahay para sundan ito. Kinakabahan ako't baka may masama itong balak at madamay kami ng aking pamilya na sisihin kung ano man ang mangyari sa gubat.
Masama ang inaasahan kong resulta ng aking pagkakausisa ngunit nang makita ko siyang mag-isa at nakahawak sa puno habang nakatingin sa marangyang kalangitan na may mga bituin at buwan ay napahinto ako. Ang mga mata niya'y malungkot at madiin siyang nakahawak sa itim na balabal na nakatapat sa kanyang dibdib.
Napahawak ako sa aking dibdib. Parang biglang may tumusok dito at hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Naging pamilyar para sa'kin ang kanyang pulang buhok at gintong mata na kahit ngayon ko lang naman nasilayan.
"Nova..." Wala sa sariling sambit ko.
YOU ARE READING
The Star In My Night Sky
FantasyNew beginning, more chances and a dazzling fate for two people who never got a chance to show an exceptional love they have in their first lifetime.