"SINO ANG NAGSABI SA INYONG DALAWA SA NANAY MO NA MAY BABAE AKO????!!!" sigaw ni papa, isang araw pagdating ko sa bahay. Katatapos ko lang mamalengke. Wala kaming pasok ngayon dahil holiday, umalis ako para bumili ng mga rekados sa lulutuin kong ulam.
Humihikbi si Chin, nakaupo siya sa couch. Nagkalat ang bubog ng basag na baso at plato sa sahig.
"H-Hindi n-nga po ako," bumubuhos ang luha ni Chin.
"Walang nagsabi sa mga anak mo!!! Alam ko na niloloko mo ako! Matagal na! Lumayas ka na d'yan sa bahay!!!" naka face-time si mama. Maging ito ay umiiyak na.
Nang makita ako ni papa sa pintuan ay nilapitan niya ako at marahas na hinigit ang buhok ko. "IKAW BA? HA?! ANG NAGSABI SA NANAY MO?!"
Napangiwi ako sa sakit. Agad na bumuhos ang kinikimkim kong luha. Nabitawan ko ang mga supot ng mga pinamiling gulay.
Binagsak ako ng tatay ko sa sahig dahilan para madaganan ko ang mga bubog sa sahig.
"Ouch!" lalo akong napaiyak nang batuhin niya ako ng plato, na tumama sa ulo ko. Napahawak ako sa ulo ko, dahil sa sakit na naramdaman dito. Binalot ng dugo ang kamay ko. Ang hita ko ay may dugo rin dahil sa bubog, naka short kasi ako.
"'Wag mong sasaktan ang anak ko!!!" nagwawala na ang nanay ko. Pero wala siyang magawa kundi magmura at magmakaawa sa tatay ko.
"T*nginamong bata ka! Dahil sa'yo, nag-aaway kami ng nanay mo!!!!!" sigaw ng tatay ko, nagpupuyos sa galit. Pulang pula ang buong mukha niya.
"Tama na po!!!" lumapit sa akin si Chin, umiiyak parin. Niyakap niya ako. "Tama na po papa!!"
Hindi ako ang nagsabi, at wala akong sinasabi. Hindi ko din alam kung bakit at paano nalaman ni mama ang tungkol dito. Hindi rin sinabi sa'kin ni mama na alam niya na ang lahat.
Kaliwa't kanang sipa ang natanggap ko kay papa. Maraming mura at masasakit na salita ang sinabi niya sa akin at sa kapatid ko. Hindi ako nauubusan ng luha, basang basa na ang damit ko dahil sa luha.
"Umamin ka ng hayop ka!!!" asik ni papa.
"H-hindi a-ako," 'yon lang ang salitang lumabas sa bibig ko.
"Tama na po!!!" maging si Chin ay nagmamakaawa na dahil maging siya ay nasasaktan ni papa.
Walang umamin sa amin, nang mapagod si papa sa kakabunganga niya ay nagpupuyos siyang lumabas ng bahay. Si mama naman ay pinatay ang face-time dahil bigla raw dumating ang amo niya.
"A-ate puro ka dugo!" hinarap ako ni Chin. Umiiyak pa din siya. "'Yung ulo mo 'te!" hawak ko ang noo ko na dumudugo din.
"Ayos lang ako," saad ko, at pinunasan ang luha gamit ang basang basa na damit dahil rin sa luha. Niyakap ako ng nakababatang kapatid, dahilan para bumuhos muli ang luha ko.
Ginamot namin ang mga galos namin. Hindi na nakatawag si mama mula nang araw na 'yon, dahil nagalit ang amo niya sa kaniya at pinutulan siya ng internet. Hindi ako nakapasok ng tatlong araw dahil sa mga sugat ko. Ayaw kong tanungin ako ng tanungin ni Racquel tungkol dito. Ayaw kong ma-involve siya dahil alam ko ang kaya niyang gawin.
Kay Nicole at Sophia lang ako nagsabi tungkol dito. Silang dalawa ay malubhang nag-aalala dahil naulit nanaman ang ganitong pangyayari. Inaya nila akong lumabas pero hindi ako pumayag dahil nahihiya pa rin ako. May benda pa ang ulo ko at puro ng band-aid ang hita at paa ko.
Kinausap ako ni mama tungkol sa nangyari.
"Anak, intindihin mo muna ang papa mo. Pag-uwi ko ay ilalayo ko na kayo sa kaniya. Pangako ko iyan sa inyo anak, hindi ko pa kaya mag-isa. Marami pa akong utang, d'yan sa lupa at bahay natin. Tatapusin ko lang ito anak at palalayasin ko na iyang tatay mo d'yan. Sa ngayon ay kailangan ko pa siya, dahil siya ang tumutustos sa pag-aaral niyo ngayon." ito lamang ang mga salitang narinig ko sa kaniya. Tuloy tuloy ang luha niya. Bakas sa mata niya ang pagod at hirap na pinapasan niya.