Chapter 3

138 8 0
                                    

          NAG-INAT ng katawan si Luisa matapos makipag-usap sa kanyang kliyente. Alas-dos y medya na ng madaling araw pero kakaumpisa pa lang ng breaktime niya. Agad siyang tumayo at lumabas sa kuwarto upang magtungo sa kusina. Pagbukas ng ref, agad siyang nadismaya nang makitang walang laman ang ref. Saka pa lang naalala ni Luisa na pupunta pala dapat siya sa grocery kanina.

Muling sumulyap sa wall clock si Luisa. Nagugutom na siya. Kailangan niyang kumain kung hindi ay sasakit ang tiyan niya na hindi maaaring mangyari dahil maraming pinapatapos ang kanyang kliyente. Huminga siya ng malalim saka nagmamadaling bumalik ng silid. Nagsuot siya ng jacket at kumuha ng pera sa wallet. Napagdesisyunan niya na pumunta sa isang twenty-four-hour convenience store. Malapit lang naman iyon at nasisiguro niyang magiging safe siya sa paglabas dahil sa istasyon ng pulis na nasa kanto lang.

Agad lumabas si Luisa, pasalamat na lang siya dahil hindi umuulan sa mga sandaling iyon. Bahagya na siyang nakalayo sa bahay nila nang may maalala. Huminto siya sa paglalakad at muling lumingon sa likod.

"Wala yata siya ngayon," sabi ni Luisa sa sarili na ang tinutukoy ay ang lalaking madalas niyang makita na nakatayo at nakatingin sa kanyang bahay.

Muling pinagpatuloy ni Luisa ang paglalakad ngunit naiwan pa rin sa misteryosong lalaki ang kanyang isipan. Pagdaan niya sa may istasyon ng pulis, agad siyang binati ng mga tanod at pulis na nakabantay doon.

"Good morning, Ma'am."

"Good morning po," nakangiting sagot niya.

Mabait at mapagkakatiwalaan naman ni Luisa ang mga ito, bukod doon ay kakilala niya ang mga ito at madalas din niyang kabatian.

"Masyado na po yatang late ang paglabas n'yo," nakangiting puna sa kanya ng isa sa mga pulis na naroon.

"Bibili lang po ng pagkain sa convenience store, break time po kasi sa trabaho."

"Sige po, ingat po."

Pagdating sa convenience store ay agad siyang bumili ng ready to eat meals na pinainit na rin sa microwave, bukod doon ay bumili rin siya ng tinapay, inumin at ilang paborito niyang chips. Matapos bayaran, eksaktong palabas na sana siya nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.

"Luh... wala akong dalang payong," sabi pa niya.

Para lang makauwi agad dahil isang oras lang ang kanyang breaktime, napilitan si Luisa na bumili ng payong doon sa convenience store. Matapos iyon ay agad siyang naglakad pabalik.

Malapit na si Luisa sa bahay nang bigla siyang matigilan sa paglalakad. Dahil di kalayuan, natanaw niya na naroon muli ang lalaki. Nakatayo sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan at tahimik lang na naghihintay. Nakaramdam ng takot si Luisa. Ang daming tanong at scenario na maaaring mangyari sa kanya kapag tinuloy ang naiisip. Pumikit siya ng mariin at huminga ng malalim pagkatapos ay binilisan ang lakad.

Ngunit pagdaan niya sa tapat nito, she heard him sob. Natigilan sa paglalakad si Luisa at saka lumingon. Ang sumunod ay natagpuan na lang niya ang sarili na humahakbang palapit sa lalaki.

"Excuse me," wika niya.

Natigil sa pag-iyak ang lalaki. Nang umangat ang tingin nito ay nakita ni Luisa ang gulat sa mukha nito. Bahagya pa siyang napakunot noo sa pagtataka dahil lumingon ito sa paligid. Muling huminga ng malalim si Luisa.

"Pasensya ka na ha? Pero hindi na kasi ako makatiis, ilang araw... actually, no, ilang linggo ko na kasing napapansin na madalas kang nakatayo dito sa harap ng bahay ko. Gusto ko lang sabihin sa'yo na hindi ako kumportable na makita ka diyan tuwing madaling araw. Natatakot ako sa'yo."

Midnight RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon