Kabanata 1: Ignisreach

113 5 0
                                    

Ignisreach

"Hindi ka ba talaga babalik sa Verdantia?"

Kasalukuyang nag-aayos si Elio ng kaniyang mga gamit. Nagbigay ang akademiya ng isang linggo upang umuwi sa kaniya-kaniyang bansa ang mga mag-aaral. Ngayon ang araw ng alis ng mga mag-aaral, ngunit si Adam ay hindi kumikilos.

Sinilip ni Elio si Adam at nakitang nakahiga itong muli sa kaniyang higaan, nakaharang pa ang isang braso sa nakapikit nitong mga mata. Bumuga ng hangin si Elio at naupo sa kaniyang kama.

"Wala pa akong dahilan upang bumalik." Naramdaman ni Elio na bumangon ang lalaki mula sa pagkakahiga. Tiningnan ni Adam si Elio na noon ay nakaupo lang sa dulo ng kama. "Hindi ko alam kung... kaya kong makita ang kalagayan ng bansang pinanggalingan ko."

Bumigat ang kaniyang dibdib. Totoo ang kaniyang sinabi. Mula noong bumagsak ang Verdantia, hindi na niya muling ninais na bumalik sa bansang iyon. Noong una ay dahil sa poot at pagka-disgusto sa sarili niyang bansa, ngunit nang sumabog ang balitang watak-watak na ang komunidad ng Verdantia, naisip niya lamang na wala na siyang dahilan upang bumalik pa.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Elio kaya muli siyang humilata sa higaan at ipinikit ang mga mata. Tumayo na si Elio at pinagpatuloy ang pag-aayos ng gamit. Si Galea ay nagsabing uuwi siya sa Nimbusia sapagkat may ipagdiriwang silang pista.

Sa loob ng tatlong taon, parating naiiwan si Adam sa akademiya. Dumadaan ang kaniyang araw sa paghihintay lamang na dumating ang kaniyang mga kaibigan. Hindi naman siya nag-iisa sapagkat may mga nilalang na tulad niyang walang dahilan upang bumalik sa sari-sarili nilang mga bansa.

Isang linggo lang naman siyang mag-isa, hindi naman masama.

"Adam, gusto mo bang sumama sa akin pauwi sa Ignisreach?"

Hindi alam ni Elio kung bakit niya tinanong ang bagay na iyon sa lalaki. Ayaw niya na rin kasing makita ang malungkot na mata nito sa tuwing pinapanood niya sila na lumabas ng akademiya. Wala namang batas na nagbabawal sa pagpasok ng mga taga-ibang bansa sa Ignisreach kaya kung papayag si Adam, maidadala niya ito sa kaniyang bansa.

Mabilis namang napabangon si Adam sa narinig. Tiningnan niya si Elio na noon ay seryoso ring nakatingin sa kaniya, naghihintay ng kasagutan. Napalunok siya saka dahan-dahang napangiti.

Matagal na niyang gustong pumunta sa pinaka-maliwanag na bayan sa Veridalia. Nang makita ni Elio ang reaksyon ni Adam, hindi niya maiwasang matawa. Sa reaksyon pa lamang ng lalaki ay alam kaagad nito ang sagot.

Nagpasama si Adam sa kaniyang dormitoryo. Ilang beses mang tumanggi si Elio ay wala na rin siyang nagawa. Sa loob ng tatlong taon ay ilang beses pa lamang nakapasok sa loob ng silid ni Adam si Elio. Sa sandaling lumabas na siya ng silid ay may hawak-hawak na siyang abo ng halaman.

Ito ang kahinaan ni Elio. Hindi niya pa nak-kontrol nang maayos ang enerhiya ng kaniyang apoy. Lalong-lalo na sa mga halaman. Ito ang binigyang pansin niyang aralin sapagkat kapag patuloy siyang makakasunog ng halaman ni Adam, mag-aaway na talaga sila.

"Elio, nakalimutan ko 'yong tuwalya. Paabot."

Agad itinago ni Elio sa kaniyang likuran ang abo ng isang bulaklak at kinakabahang ngumiti sa lalaking sumilip mula sa banyo. Kumunot naman ang noo ni Adam ngunit hindi niya na lamang ito pinansin.

Kumilos si Elio at iniabot ang tuwalya sa lalaki saka bumalik sa kama. Ilang beses niya nang sinabi sa kaniyang sarili na hindi na siya lalapit sa mga halaman ni Adam ngunit kay ganda talaga nila.

"Nakasunog ka na naman ng bulaklak?" Nanlaki ang mata ni Elio nang tatawa-tawang lumabas si Adam sa banyo.

Napamaang ang kaniyang bibig dahil nahirapan siyang itago ang bagay na 'yon sa loob ng ilang taon tapos malalaman niyang alam naman pala ni Adam ang pinaggagawa niya?

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon