Nakaupo ako habang pinagmamasdan siyang umiikot-ikot at tuwang-tuwa dahil ang kanyang bulaklaking bestida na ipinamana pa sa kanya ng kanyang lola ay sumasabay sa kanyang pag-ikot.
Gano'n kababaw ang kanyang kaligayahan. Kaya nga kahit anong kabaliwan ang gawin ko sa harapan niya ay matatawa siya kahit na gaano pa ka-corny iyon sa tingin ng iba.
Tumayo na ako dahil sa pagkaboryo, kaya lang naman ako nandito ay dahil sa inaya niya akong lumangoy sa ilog pero pagdating namin dito ay mahigit isang oras na kaming nasa damuhan lang at pinagmamasdan ang tanawin.
Lumapit ako sa tanim na mga rosas dahil sa nakakabighani nitong ganda. Balak ko sanang pumitas ngunit napalingon ako kay Flora na nasa tabi ko na ngayon at nakangiting nakatingin rin sa mga rosas.
Masyado ata akong napatulala sa kan'ya na hindi ko na namalayan na nagdurugo na ang kanyang daliri dahil sa natusok siya ng tinik ng tangkay ng rosas. Matagal akong napatitig sa nagdurugo niyang daliri.
"Lintik na 'yan, ipalaglag mo ang bata!" Sigaw ng nanay ni Flora.
Napukol naman ang tingin ko kay Flora na nagpupulot ng basag na baso sa bitak bitak nilang sahig. Gusto ko sanang pumasok upang tulungan siya ngunit mainit pa ang tensyon sa pagitan ng kanyang ina at nakatatandang kapatid.
Mahirap na baka sa akin na tumama ang baso.Marahan akong umatras mula sa butas ng kanilang dingding na yero. Ayoko nang mapakinggan ang away nila at makita ang malungkot na mukha ni Flora.
Paalis na sana ako nang biglang bumukas ang kanilang pinto. Nagkatinginan kami ni Flora. Nasa kaliwa niyang kamay ang supot na may lamang basag na baso.
"Kanina ka pa riyan?" Nakangiti niyang tanong. Nilagpasan niya ko at dumiretso sa basurahan para itapon ang basag na baso.
"Kakarating ko lang." Pagsisinungaling ko.
"Masarap siguro maligo sa ilog." Napakurap-kurap ako ng sabihin niya iyon.
"Lumayas kang malandi ka!" Pareho kaming napalingon ni Flora sa bahay nila nang marinig iyon.
"Tara na, Josiah." Nabalik ako sa reyalidad nang tapikin ako ni Flora. Inalis ko na ang paningin sa nagdurugo niyang daliri.
Oo nga pala, hindi pala siya natusok ng tinik. Nabubug pala siya ng basag na baso na kanyang pinulot kanina. Sa sobrang saya niya kasi habang umiikot-ikot sandali kong nakalimutan na may problema siya.
Kaya nga pala kami nandito sa ilog para sandaling takasan ang nagaabang na problema sa kanilang bahay. Nagbabakasali na sa pag-ahon sa malamig na tubig ng ilog ay sumabay na rin sa agos ang kanyang malungkot na damdamin.
"Sa susunod, manghuli naman tayo ng isda." Nakangiti niyang sabi pagkaahon namin.
Nagtataka ko siyang tinignan. "Wala naman ng isda rito eh." sabi ko at tumawa lang siya.
Kinabukasan ay late na ko nakapasok, naabutan ko si Flora na may ibang kausap. Sila Aices iyon, ang mga babaeng walang ibang inatupag sa eskwelahan kung hindi ang magpaganda at magpapansin.
"Oo, dior ang tatak nitong eyeshadow ko." Pagmamayabang ni Aices.
"Ikaw, Flora?" Tanong ng kaibigan nito kay Flora.
Ngumiti si Flora. "Hindi ako gumagamit ng gan'yan."
Nagtinginan sila Aices pati ang kan'yang mga kaibigan at bumulalas ng tawa. Sa inis ko ay hinila ko si Flora at pinatabi na lamang siya sa bakanteng upuan na nasa gilid ko.
"Nawala lang ako ng ilang minuto, sumama ka na sa mga 'yun." galit kong sabi.
Tumawa naman siya. "Mababait naman sila eh."
Hindi ko na lamang siya pinansin at nagsimulang gumawa ng mga aktibidad na pinapagawa ng guro.
Ewan ko ba kung bakit ang bait-bait niya. Halata namang pinaplastik siya ng mga 'yun. Kunwari masaya sila ma kasama si Flora pero hindi naman talaga.
Lunch time nang maisipan kong maglakad-lakad para magpababa ng kinain. Nakasalubong ko naman si Aices na kakalabas lamang ng banyo.
Gusto ko matawa sa pagmumuka niya ngayon, tila siya kinagat ng bubuyog dahil sa bibig niyang pulang-pula at tila mamaga-maga na dahil sa lipstick.
Napatakip ako ng bibig nang huminto siya sa harap ko dahil sa pagpipigil ng tawa. Mahirap na't napaka-ambisiyosa pa naman nito.Akala niya lahat ng lalaki sa school ay gustong kumapit sa hapit niyang palda.
"Girlfriend mo ba si, Flora." Malandi niyang tanong.
"Boyfriend ko." Sagot ko at iniwan siya.
Lumilipas ang araw at napapadalang ang pagsama ni Flora kanila Aices. Hindi ko alam kung ano ang dahilan sapagkat si Flora ang tipo ng taong hindi basta-bastang sumasama kung kani-kanino. Napapansin ko rin ang mga bagong gamit na kolorete na kanyang dala-dala paglabas ng banyo kasama sina Aices.
Naglalakad-lakad ako noon sa may hallway nang mapansin na parang kakaiba ang bigat ng bag ko. Dali-dali ko itong binuksan at sa pagkadismaya ay nakita kong wala roon ang libro ng Gen Math na kasing kapal ng kolorete sa mukha ni Aices.
Kaya pala ang gaan ng bag ko. Naiwan ko ang libro ko sa General Math kaya naman binalikan ko na lamang ito sa room kahit apat na palapag pa ang pagdadaanan ko bago makarating roon.
Hingal na hingal tuloy ako nang makaakyat. Saglit akong huminto sa tapat ng pinto ng room at humingang muli. Tila buong lakas ang nawala sa'kin.
Nang makapagpahinga ng saglit at bubuksan ko na sana ang pinto nang makarinig ng boses ng lalaki. Nagtago ako sa gilid at pinakinggan ang usapan nila.
"Sampung libo?" Patanong nitong sabi
"Ayos na ba 'yun, Flora?" Tanong ni Aices. Alam kong si Aices 'yun dahil ipit ang boses.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto upang sumilip. Ngunit gumawa ito nang ingay. Nakalimutan kong panahon pa pala ni Rizal ginawa ang classroom namin.
Napatingin silang tatlo sa'kin. Masamang tingin ang pinukol sa akin ni Aices pati na rin ng lalaking kanyang kasama. Samantalang hindi ko naman maunawaan si Flora. Nakayuko siya at nakatingin sa paketeng hawak niya. Sa itsura pa lamang nito ay alam ko na kung ano iyon.
Nang mapatingin siya sa'kin ay dismayado ko siyang tinignan. Hindi ko alam na ang kanyang pagkahumaling sa mga kolorete ay aabot sa ganong sitwasyon. Napailing-iling ako dahil sa nawaksihan.
Iniwan ko na sila roon at hindi na pinakealaman pa kung ano ang mayroon sa kanila. Simula rin nang araw na iyon ay hindi ko na kinausap pa si Flora.
Ilang beses siya nagtangkang kausapin ako ngunit hindi ko magawa man lang na pansinin siya. Gano'n na ba talaga kababa ang tingin niya sa kan'yang sarili?
"Josiah, puwede ba kitang makausap." Tanong niya at tila nagmamakaawa ang ipinukol na tingin sa akin.
"Sorry, pero hindi kita kilala." Sabi ko at iniwan siya no'ng araw na iyon. Ang araw na kung saan ay kailangan niya ang tulad ko.