Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa pang-walo at huling kwarto sa kaliwa mula sa kwarto ni Boss.
"Ito ang kwarto mo," habang ipinapakita sa'kin ang malaking kwarto na 'iyon na may apat na kama at napakadaming laruan," Siya si Anna, at ito naman si James. Makakasama mo sila dito sa kwarto na ito."
Iniwan na kami ni Itak sa kwarto namin. Nilapitan ako ni James at sinabi niyang masaya daw doon. Sinabi niya sa akin na isang linggo pa lang sila ni Anna doon at araw-araw daw ay may mga bagong laruan na binibigay si Boss sa kanila. Nalaman ko din na magkapatid sila ni Anna. Mahahalata mo nga na medyo magkahawig sila lalo na ang mga mata nila na kulay kahoy at napakaganda lalo na ang kay Anna. Siyam na taong gulang si Anna habang ka-edad ko naman si james. Mula sila sa mayamang pamilya ngunit nang malugi ang kumpanya ng ama nila ay sunod-sunod na ang kamalasan na dumating sa kanilang buhay. Ilang buwan matapos malugi ang kumpanya ay nagkasakit ang kanilang ama at nabaliw naman ang kanilang ina kaya naiwan sila sa sugarol nilang tiyuhin na kinupkop sila upang alilain.
Hindi naging maganda ang pagsasama ng ama nina James at ng tiyuhin nila kaya nang sa kanya mapunta sina James ay pinahirapan niya ito.
"Pinagwawalis niya kami ng buong bahay. Kami rin ang naghuhugas ng lahat ng pinagkakainan niya. Kami rin ang naglalaba ng damit niya at ng asawa niya. Ayoko ng buhay namin doon. Mas pipiliin ko pang hindi kumain kesa tumira sa kanila," kapansin-pansin naman talaga sa katawan ni james na hindi siya pwedeng magutom. Kahit ka-edad ko lang si James ay mas malaki siya sa akin, yung tipong sinasabihan na "Naiwan yata ang batang ito sa kusina." Nagpatuloy sa pagkukwento si James, "Kaya isang gabi, tumakas kami ni Anna mula sa kanya. Ilang araw kaming nagpalabuy-laboy sa kalye hanggang sa makita kami ni Tito Archie at dinala kami dito."
Sa pagtagal ko doon sa malaking bahay na iyon ay nalaman ko na si Tito Archie pala na sinasabi ni James ay parang sina Max at Beatriz na mga tauhan pala ni Boss.
Pagkatapos naming mag-usap ni James ay naglaro kami ng mga laruan na nakakalat sa kwarto. Naaalala ko na masaya ako noon. Masaya dahil unang beses ko makapaglaro sa kapwa ko bata. Only child kasi ako ng mommy Ellen at daddy Rey ko, Mommy at Daddy ang tawag ko sa kanila. Pero kahit mag-isa lang ako ay masaya pa rin ako dahil hindi nila ako pinapabayaan. Kaya naman hindi ko pa rin matanggap hanggang ngayon, makalipas ang labintatlong taon, ay hindi ko pa rin alam kung paano sila namatay. Masakit man ay wala akong magawa dahil hindi ko na mahanap ang mga kamag-anak ko. Hindi ko na rin kasi alam kung saan sa Pangasinan ko sila hahanapin. Ang tanging naaalala ko lang ay ang hitsura ng bahay nina Tito Jerry kung saan ako kinuha ng magsisimula kong masamang kapalaran.
Kinagabihan ng pagkakadala sa akin sa malaking bahay ay sabay-sabay kaming kumain ng hapunan nina Anna at James kasama ang lima pang bata na hindi ko na maalala ang mga pangalan, dahil sa loob ng ilang araw pagkatapos noon ay hindi ko na sila nakita sa malaking dining room ng malaking bahay na iyon. Hindi ko malaman kung bakit habang tumatagal ay umuunti ang mga bata sa malaking bahay pero minsan rin ay nadadagdagan dahil may mga bagong dumadating. Inisip ko tuloy noon na nasa isang bahay-ampunan kami at nawawala ang mga bata dahil may umaampon sa kanila at may dumadating naman dahil naulila sila. Parang ganun na nga ang nangyayari pero nalaman ko na may kaibahan pala.
Pagkatapos naming maghapunan ay bumalik na kami sa kwarto namin. Dumiretso na si James sa kama niya para matulog pero bago iyon ay hinawakan ang kuwintas na bigay ng magulang at nagdasal. Napangiti na lang ako at bumaling kay Anna. Nakita ko siyang nakatingin sa labas ng bintana kung saan sa taas ay makikita ang libo-libong mga bituin sa langit. Kita ang lungkot sa mga mata niya habang tinitingnan niya ang mga bituin. Nakita kong nakapatong ang kamay niya sa kanyang dibdib at doon ko napansin na hawak niya din ang hugis-pusong kuwintas na bigay ng magulang nila. Doon ko napagtanto na may isang bagay kaming pinagsasaluhan, ang pangungulila sa aming mga magulang.
Ipinikit ko na ang mga mata ko at nanaginip.
BINABASA MO ANG
Ang Marka ng Nakaraan
Fiksi UmumMga ideyang hindi lubos sumasagi sa isipan ko ang nakasulat sa istoryang ito. Bihira rin sigurong maisip ng karamihan. Ayoko ng love story, masyado nang masakit sa puso pag binabasa ko. Hindi ko rin alam kung bakit ito ang istoryang napili kong sim...