Si Lolo at ang Paruparo

101 10 2
                                    

Maaliwalas, ganito ko ilarawan ang pakiramdam tuwing kasama ko si lolo. Sariwa pa sa aking alaala ang halimuyak na taglay niya— pinaghalong upos ng tabako, palay na binilad sa araw, at mga sariwang bulaklak ng ilangilang— mga sangkap na kumakapit sa kaniyang damit mula sa maghapon niyang pagtratrabaho sa bukid.

Buhat ng ako ay magka-isip, si lolo na ang naging katuwang ko sa buhay. Ang aking mga magulang ay pumanaw na noong ako ay wala pang muwang sa mundo. Ayon kay lolo, mahal na mahal daw ako ng mga ito. Madalas nila akong ipasyal sa palayan at minsan pa ay inililibot ako ng mga ito sa tabing-dagat tuwing dapit-hapon.

Sa aking edad na dalawa ay maagang binawi ng langit ang mga magulang ko. Tila sila ay mga anghel na panandaliang pinahiram lamang sa akin ni Bathala. Alam kong mabuti silang tao at pinuno nila ako ng pagmamahal. Pero, ni minsan ay hindi ako nakaramdam ng pangungulila sa kanila. Napunan kasi ni lolo ang lahat ng espasyong iniwan nila sa aking puso.

Tuwing ako ay uuwi mula sa paaralan at sinusundo ang mga kaklase ko ng kanilang mga magulang ay hindi rin ako naninibugho. Kung mayroon namang programa sa entablado, nakangiti lang ako tuwing umaakyat ang mga nanay o tatay nila kapag sinasabitan sila ng medalyo.

Naalala ko pa noong araw ng pagtatapos ko sa ika-limang baitang, nakaupo lamang ako sa likod habang hinahaplos ni lolo ang aking buhok.

"Gabriel," malambing niyang bigkas. Ang magaspang niyang boses ay tila tunog ng malulusog na damo na inaalon ng hanging amihan. "Hindi ka ba naiingit sa mga kaklase mo? Hindi ka ba mailiw sa mga magulang mo?"

"Hindi po, lolo!" Nilingon ko siya agad. Pinakitaan ko siya ng pinakamalaki kong ngiti kahit bungi-bungi pa ang aking mga ipin. Sa mga pagkakataong iyon ay kahit wala akong medalyo, sapat na ang presensya ng aking lolo sa isa sa mga mahahalagang yugto ng aking buhay. "Ikaw lang po, sapat na."

Niyakap niya ako nang mahigpit. Pinisil ang aking pisngi sabay sambit ng mga salitang hinahabilin niya tuwing may programang tulad noon sa paaralan, "Gabriel, dapat sa susunod na taon ay mapaakyat mo na ako sa entablado."

Ngunit alam niyang mahirap para sa akin iyon. Maaga akong namulat sa kahirapan. Kahit anong husay ko sa pag-aaral ay madalas akong lumiban upang makatulong sa bukid. Hindi sapat ang kinikita niya sa pag-aararo. Ang oras na ilalakad ko ng ilang milya patungo sa paaralan ay kadalasang nilalaan ko na lang sa pagtulong sa mahina kong lolo sa palayan. Sa isang linggo ay halos isang beses na lamang ako pumasok sa eskwelahan— sapat lamang upang maipasa ko ang bawat asignatura.

"Opo, lolo!" pilit kong tugon. Kahit sa aking mga salita man lang ay mapagtagumpayan ko kahit papaano ang pangarap niya para sa aming dalawa.

Sa araw na iyon, sa likod namin ay isang malaking hardin na matiyagang pinalago ng mga guro at mga estudyanteng gaya ko. Habang ang ibang mag-aaral sa harapan ay nagdiriwang, kami ni lolo ay tahimik lamang na pinagmamasdan ang mga makukulay na paruparo na sumasayaw sa mga bulaklak na nakapalibot sa aming dalawa.

Ang bawat pagaspas ng mga paruparo ay tila nakakahipnotismo dahil sa sobrang bagal— ngunit husto lamang upang makaiwas sa panganib.

Subalit, minsan ay naiisip ko, bakit sa paruparo lamang ibinigay ng Bathala ang ganoong kakayahan? Marahil kung ganoon din kaliksi ang mga kilos ni lolo pauwi namin mula sa paaralan noong araw na iyon ay hindi siya nabawian ng buhay. Siguro, dalawa kaming nakaligtas sa humaharurot na sasakyan. Ngunit dahil na rin sa katandaan at sa mahina niyang pangangatawan, ako lamang ang nagawa niyang itulak patungo sa eskinita ng paaralan.

Sariwa pa sa aking alaala ang itsurang iniwan niya— ang dugo sa espalto, ang lalagyan niya ng tabako na nagkalat sa lupa, maging ang puti niyang damit na tila naligo sa pulang likido.

Sa buhay ng tao, may mga pagsubok na darating na magpapabago sa takbo ng ating kapalaran. Mga bagay na magpapamulat sa atin tungkol sa kung ano ba talaga ang dapat na landas na kailangan nating tahakin.

Mula noong araw na iyon ay ipinangako ko sa aking sarili na mag-aaral ako nang mabuti. Pinilit kong maging matatag. Walang mayamang pamilya na kumupkop sa akin. Halos sarili ko lamang ang naging katuwang ko. Napadpad ako sa isang malayong kamag-anak at pinilit kong makapag-aral gamit ang sarili kong pagsisikap.

Nakahanap ako ng scholarship na kahati ko sa matrikula habang nagtratrabaho ako sa hapon at sa mga araw na wala akong pasok. Isinantabi ko ang bisyo at mga luho at tinutukan ko ang isang bagay na alam kong mahalaga para sa aking ikauunlad— ang pag-aaral.

Ito ako ngayon, nagbibigay ng talumpati sa harapan ninyong lahat.

Matikas akong nakatindig sa taas ng entablado ng Unibersidad ng Pilipinas dito sa Baguio. Sa tanang buhay ko, hindi ako nakaranas ng inggit sa mga estudyanteng kasama ang kanilang mga magulang sa mahahalagang yugto nila sa paaralan.

Pero habang tinitingnan ko kayong lahat, hindi ko mapigilang mailiw para sa taong nagtulak sa akin sa kalsadang iyon.

Para sa taong natulak sa akin upang marating ko ang kinatatayuan ko ngayon.

Kaya sa kabila ng ating pinaghirapang diploma, sa likod ng ating magagarbong toga, nawa'y lingunin natin ang ating mga magulang na pinagmamasdan tayo mula sa likuran.

O, sa mga naging tulad ko na may lolo o lola na inialay o iniaalay pa sa kanilang apo ang mumunting oras na nalalabi nila sa mundo.

Nawa ay kahit saan man tayo makarating.

Malayo man ang ating liparin.

Sa kung anumang bansa ang ating kahinatnat.

Pilitin nating lumingon sa ating pinanggalingan at sila ay palaging pasalamatan.

Kahit man lamang sa ganoong paraan, kagaya ko, mapunan ng ating walang hanggang pasasalamat ang pangungulila natin sa kanila sa oras na lumayag tayo sa malupit na mundo.

Si Lolo at ang ParuparoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon