MATIMYAS NA PAG-IBIG.
Sa tanang-buhay ni Genaro... hindi pa niya nagagawang maasam ang nasabing pakiramdam.
Pamoso siya sa pulisya bunsod ng maraming krimeng kanya nang nagawa... mga masasamang bagay na hindi kayang dalhin ng konsensya ng isang taong may normal pang pag-iisip.
Nang sumigaw nang malakas si Rebekah Hahn, isang mayamang negosyanteng taga-suplay ng pera sa madilim na negosyo ng mga milyonaryo sa bayan... ay naantala ang martilyong ipupukpok pa lamang niya sana sa bungo nito.
Ginawa ng dalaga ang lahat upang makaalagwa mula sa makapal na lubid na nagbibigkis sa kanyang mga kamay, ngunit gaya ng mga nauna niyang subok ay nabigo siya.
Napuno ng luha ang kanyang magandang imahe, kung kaya't nagpasya na si Genaro na tapusin ang kanyang misyon.
Binitawan niya ang martilyong hawak... at saka unti-unting lumapit sa dalaga hawak-hawak ang isang malinis na karayom.
Lumuhod siya sa tabi ng upuan kung saan ito nakagapos at dahan-dahang itinusok sa braso ni Rebekah ang matalas na bagay.
Nang isang impit na sigaw ang muling kumawala mula sa mga labi nito ay bumagsak ang mga balikat ni Genaro.
Pinakawalan niya ang dalaga at nahahapong naupo sa sulok ng madilim na kuwarto. "Umalis ka na."
Mabagal man, ngunit sa abot ng makakaya ni Rebekah ay dali-dali siyang tumayo at nanghihinang naglakad palapit sa nakabukas na pinto upang tumakas.
Nang tuluyan siyang mawala sa paningin ni Genaro ay hinintay muna ng binatang makarating ang mga pulis sa lugar... bago rin siya umalis.
Gaya ng dati ay iniwan niya lamang ang mga ebidensya sa sahig at saka naglakad palayo na tila wala siyang pakialam sa mga parak na nasasalubong niya.
Pumunta siya sa tuktok ng bubungan kung saan siya mahilig mamalagi at nag-isip. "Pang-ilan na nga ba ang nilalang na iyon?"
Ika-apat na raan at walumpu't pito.
Ngunit dahil desidido siyang mahanap ang taong para sa kanya sa larangan ng matimyas na pag-ibig... ay ipinagpatuloy niya lamang ang bagay na kanya nang ginagawa sa loob ng maraming taon.
Lumipas ang ilang buwan... hindi pa rin siya nahuhuli ng mga pulis.
Muli siyang naglakbay patungo sa lugar kung saan tanaw niya kapuwa ang pagsikat at paglubog ng araw.
Doon siya nag-desisyong mamahinga habang iniisip kung kanya pa nga bang dapat ituloy ang ginagawa.
Hanggang sa nagsimulang umulan... kung kaya't tuluyan na siyang nagpahinga sa lugar na iyon.
"Mag-isa lamang ba kayo?" isang boses ang nagpamulat sa kanyang mga mata... sanhi rin upang mapalingon siya sa pinanggalingan nito.
Naglakad ito nang mabagal palapit sa kanya at nagsalita. "Biglang umulan, sisilong lamang sana ako. Pasensya na kayo sa abala—"
"Akin ang lugar na 'to," anito. "Umalis ka."
Ngunit tila wala itong pakialam sa kanya at sa kanyang mga sinasabi sapagkat nagtuloy-tuloy lamang ito sa pag-upo sa tabi niya. "Makikisilong lamang ako saglit, pangakong aalis din ako agad..."
Siya lamang ang may lakas ng loob upang kausapin ako.
Mayroon siyang hawak na patalim sa likod at nagbabadya na siyang isaksak ito sa lalaking hindi marunong makinig sa kanya... ngunit muli itong nagsalita upang kausapin siya.
"Maayos ba ang lagay ninyo? Tila... may kaaway po siguro kayo," anito habang nakatingin at nakaturo pa sa duguang manggas ng pang-itaas na suot niya.
Mapakla siyang napatawa habang nagsisimula nang mag-init ang ulo bunsod ng isiping may kahati na siya sa tanawing nakikita.
BINABASA MO ANG
ANG LAHAT SA AKIN
Short StoryAng lahat sa akin... Sa mundong bilog, puno nga ba ito ng pag-ibig? At garantisado bang sa isang beses na mabubuhay ka sa mundong 'to... mahahanap mo ang para sa 'yo? At paano kung may kakaibang paraan ang tadhana upang iparating sa 'yo ang pag-ibig...